Cesar Montano files his candidacy for senator

IMAGE 0


Cesar Montano has confirmed reports that he is running for senator under TEAM Unit, the administration coalition party. The actor filed his candidacy for senator tonight at the Commision on Elections (Comelec).



Kumpirmado na ang pagtakbo ng aktor na si Cesar Montano bilang senador sa darating na May 2007 elections.

Kanina lamang bago mag-alas-siyete ng gabi ay nagtungo sa Commission of Elections (Comelec) si Cesar kasama si Leyte Governor Jericho Petilla. Pormal nang nagsumite ng kanyang kandidatura bilang senador si Cesar, kasabay ng pag-urong ng kandidatura ni Gov. Petilla. Si Cesar ang papalit sa puwesto ni Gov. Petilla sa senatorial lineup ng TEAM Unity, ang koalisyon ng administration party.

Kasamang nag-file ni Cesar ng kanyang candidacy sina Secretary Gabriel Claudio, Presidential Adviser on Political Affairs, ang manager niyang si Norma Japitana, at ang kanyang anak na si Angelo.

Sa live phone interview kay Cesar ng 24 Oras, ang primetime newscast ng GMA-7, sa loob ng Comelec kanina, sinabi ng multi-awarded actor-director na maging siya man ay nagulat na tatakbo na pala siyang senador.

"Bigla na lang po e," sabi ni Cesar sa news anchor na si Mike Enriquez. "May gagawin nga po akong show diyan sa GMA-7 e."

Ang tinutukoy na show ni Cesar ay ang sisimulang action-adventure series na Lupin, kung saan gaganap sana siyang mentor ng bidang si Richard Gutierrez. Sa katunayan, ang alam lang daw ni Cesar na gagawin niya ngayong araw na ito ay ang pictorial para sa Lupin.

THE CALL. Nagulat na nga lang daw si Cesar nang makatanggap siya ng tawag mula sa Malacañang. Pagkatapos nito ay natagpuan na lang ni Cesar ang kanyang sarili na kausap si Secretary Claudio at mismong si Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.

"Wala ako kahit konting idea," sabi ni Cesar. "Ang alam ko, usapan lang ito, magkukuwentuhan lang kami ni Sec. Claudio. Pero nag-usap na kami before. I was part of the long list, di ba? Pero nung natapos na yung filing, akala ko tapos na, wala na, okay na."

Sa kabila nito, idiniin ni Cesar na, "Nakahanda ako kung anuman ang mangyayari."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

THE REPLACEMENT. Matatandaang bago ihayag ng TEAM Unity ang kanilang lineup para sa Senate race, isa si Cesar sa mga lumutang na pangalan ng mga artistang posibleng makasama sa kanilang tiket. Ang dalawa pa ay sina Richard Gomez at Edu Manzano. Si Richard ay tatakbo bilang independent candidate sa ilalim ng Nationalist People's Coalition (NPC). Si Edu, na kasalukuyang Chairman ng Optical Media Board (OMB) ay hindi pa nagpa-file ng kanyang candidacy sa kahit na anong posisyon.

Natapos ang filing ng candidacy noong February 12 at inihayag ang 12 kandidato ng TEAM Unity para sa senate race. Hindi kasama sa listahan si Cesar.

Kinabukasan, February 13, ay nagsimula na ang campaign period.

Pagkalipas ng tatlong araw, February 16, inihayag ng spokesperson ng TEAM Unity na si Tourism Secretary Joseph Ace Durano na umurong sa kanynag kandidatura si Gov. Petilla. Kasabay nito, sinabi rin ni Sec. Durano na si Cesar ang napili ng kanilang grupo upang pumalit sa gobernador.

CHANGE OF HEART. Bukod sa TV show na gagawin sana ni Cesar para sa GMA-7 ay nakatapos din ng isang TV commercial ang aktor na hindi pa naipalalabas. Balitang milyones ang natanggap ni Cesar sa nasabing commercial. Pero dahil ipinagbabawal sa kahit na sinong kandidato na lumabas sa isang TV show o commercial, hindi na matutuloy si Cesar sa paglabas niya sa Lupin at maaantala rin ang paglabas ng kanyang TV commercial.

"Oo nga po e," banggit ni Cesar. "Pero ito [pagtakbo bilang senador] naman po ay hindi lang para sa akin kundi para sa taong-bayan. Ako naman, lagi ko namang ginagawa yun e. Yung commercial na yun, siyempre para sa akin lang yun, pero there's something bigger e."

Mahigpit na ipinagbabawal ng Comelec ang paglabas ng kahit na sinongkandidato sa mga TV show o TV commercials during the campaign period.Makakalabas lamang sila sa TV o sa radyo sa pamamagitan ng kanilangpaid advertisements o di kaya ay may kinalaman sa eleksiyon angprogramang lalabasan nila.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Bago tinanggap ni Cesar ang offer na tumakbo bilang senador ay nagpahayag ito dati na kung saka-sakaling tatakbo nga siya ay may gusto niyang sa isang lokal na posisyon lamang. Tinanong siya ni Mike kung ano ang nagpabago ng kanyang isip.

"Meron akong foundation e, yung Panaghoy Sa Kinaiyahan Foundation. Nung nalason yung mga bata sa Bohol, pumunta ako sa interior Bohol na eskwelahan, nakita ko kung gaano kaluma, kung gaano kahirap ang edukasyon ng mga bata sa Pilipinas," panimulang pahayag ni Cesar.

"Sa panahon natin ngayon, hindi na natin kailangang kumuha ng manghuhula para hulaan kung ano ang magiging future ng bansa natin. Tingnan na lang natin kung anong uri ng libro ang binabasa ng mga bata. Sa tingin ko, matatagalan pa bago mapalitan ‘yon o bago merong makakuha ng atensiyon para sa mga leaders natin ng bagay na ‘yon. Isang malaking pagkakataon ito para sa atin," seryoso niya pang sabi.

STARS AS POLITICIANS. Nagbigay rin ng kanyang reaksiyon si Cesar tungkol sa komento ng iba na hindi na dapat tumakbo ang mga artista at ang mga taga-media.

"Ang tanong ko po bakit?" balik-tanong niya.

"Wala naman pong maipagmamalaki ang... Hindi ko po nilalahat, don't get me wrong, hindi ko po nilalahat. Pero sa kalagayan po ng bansa natin ngayon, ano po ang maipagmamalaki natin kumpara sa mga kapitbahay natin sa Asya? May inangat po tayo, pero siguro isang pulgada lang... Sa kalagayan ngayon, kahit sino puwedeng tumakbo basta ang pagmamahal, ang puso, tunay para sa bansa," puno ng emosyong pahayag ng aktor.

Lingid sa kaalaman ng karamihan, si Cesar ang kasalukuyang commissioner for culture and the arts ng Pilipinas para sa United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO). Nanumpa siya bilang UNESCO official noong May 2005.

Huling napanood si Cesar sa pelikulang Ligalig na kalahok sa 2006 Metro Manila Film Festival (MMFF). Inuwi niya ang karangalan bilang Best Actor sa Gabi ng Parangal ng MMFF para sa pagganap niya sa nasabing pelikula.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sa ngayon ay apat na from the showbiz industry ang kumpirmadong tatakbo bilang senador: Cesar Montano, Richard Gomez, Tito Sotto, at Rico J. Puno.

Sa kasalukuyan din ay tatlong action stars ang nakaupo sa Senado: Bong Revilla Jr., Lito Lapid, at Jinggoy Estrada.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN