Dolphy, recognized and honored by the ANI Awards

IMAGE 0


Dolphy has starred in over 170 movies and TV series. From a humble bodabil dancer to King of Comedy, John Puruntong has indeed come a long way!


Kabilang ang Comedy King na si Dolphy sa mga unang tumanggap ng ANI (Harvest) Awards noong February 23 sa Aliw Theater. (Ang ANI Awards ay isang selebrasyon na itinaguyod ng Mowelfund o Movie Workers Welfare Foundation bilang pag-alala sa pagdating ng pelikula sa Pilipinas noong 1897, at bilang pagpupugay sa mga artista na malaki ang naging kontribusyon para payamanin at paunlarin ang industriya.)

Nang tanggapin niya ang award, nagbiro pa nga ang tinaguriang Comedy King na silang dalawa na lamang ng dating Pangulong Joseph Estrada ang nabubuhay sa mga binigyan ng naturang parangal. Dahil nakapiit sa Tanay, Rizal ang Pangulong Estrada, at pawang namayapa na ang ibang awardees, tanging si Dolphy lamang ang personal na tumanggap ng kanyang tropeo.

Sa tagal na rin ni Dolphy sa industriya, hindi na niya mawari kung pang-ilan na itong award na natanggap niya. Inalay niya ang naturang parangal sa kanyang mga anak, sa long-time partner niyang si Zsa Zsa Padilla, at sa mga tinaguriang haligi ng industriya ng pelikulang Pilipino.

Nang kapanayamin siya ng press noong gabing iyon, simpleng "thank you" ang ipinaabot ni Tito Dolphy sa pagkilala sa kanyang kontribusyon sa industriya.

At bilang pagpupugay sa isa sa mga haligi ng pelikulang Pilipino, isang comedy sketch ang inihanda ng impersonator na si Willie Nepomuceno. Sa naturang presentasyon, kinakausap si Dolphy ang dalawang malapit niyang kaibigan na namayapa na—sina Panchito at Babalu. Tinatanong ni Dolphy kung mainit ba ngayon sa kinalalagyan ni Panchito. Sinagot naman ni Panchito ng, "Ikaw din, almost paradise ka na." Pagkatapos ay nag-duet sa kantang "Almost Paradise" ang tatlo. Siyempre, hindi mawawala ang translation ng nasabing kanta na siyang pinasikat noon ni Dolphy.

Bukod kina Dolphy at Erap, tumanggap din ng award ang King of Philippine Movies na si Fernando Poe Jr. Silang tatlo ang bumuo ang Mowelfund na itinatag upang umalalay sa mga maliliit na manggagawa ng industriya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ang tumanggap ng parangal para kay Erap ay ang kanyang anak na si Senator Jinggoy Estrada, samantalang ang kapatid naman ni FPJ na si Elizabeth Poe ang tumanggap ng award para sa yumaong Pambansang Alagad ng Sining.

THE OTHER AWARDEES. Ginawaran din ng ANI Awards ang tinaguriang Ama ng Pelikulang Pilipino na si Don Jose Nepomuceno. Si Don Jose ang siyang gumawa ng unang pelikulang Pilipino na pinamagatang "Dalagang Bukid."

Ang apo ni Don Jose at Hall of Famer sa bowling na si Paeng Nepomuceno ang siyang tumanggap ng award para sa kanya.

Sa panayam ng PEP (Philippine Entertainment Portal) kay Paeng, sinabi niyang, "It's a big honor because he is known as the Father of Philippine Movies and he started it all in the Philippines. I'm very proud of what he did and what a great legacy he has left."

Ang iba pang awardees ay sina Rogelio dela Rosa, Carmen Rosales, Rosa del Rosario, at ang National Artist na si Atang dela Rama.

Tinanong din ng PEP ang executive director ng Mowelfund na si Boots Anson-Roa kung ano ba ang naging basehan nila sa pagpili ng mga awardees ng ANI Awards.

Ayon kay Boots, "We got the board together. We asked around and unanimous naman yung mga iyon, e. This is not going to be the first time. Yung mga iba na, they're wondering why they're not here, we'll do it batch by batch."

THE NIGHT'S PERFORMERS. Sina Jolina Magdangal, Rachelle Anne Go, at Sheryn Regis ang nag-perform para sa opening number. Nag-duet naman ang senatoriable na si Cesar Montano at ang misis nitong si Sunshine Cruz ng mga classical love songs na "Ang Tangi kong Pag-ibig" at "Maalala Mo Kaya."

Hindi rin naman nagpahuli ang medley nina Pilita Corales at Rico J. Puno ng mga kantang "Kahit Na Magtiis" at "Paano Kita Mapasasalamatan." Pinalakpakan din ang duet nina Toni Gonzaga at classic soprano singer na si Rachelle Gerodias. Kumanta naman ng "Panday" si Jericho Rosales bilang handog kay FPJ. Buong gabi namang naroon ang UP Jazz Orchestra sa pamumuno ng conductor na si Rayben Maigue.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Isang atraksiyon din ang naganap na fashion show na sinalihan ng Fashion Designers Association of the Philippines (FDAP) sa pangunguna ng chairman nitong si Edgar San Diego. Hosts noong gabing iyon sina Leo Martinez at Nanette Inventor. Nagsilbi namang presentors sina Eddie Garcia, Phillip Salvador, Lani Mercado, at Senator Bong Revilla, Jr.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN