Cesar Montano won't back out from his senatorial bid

IMAGE 0


"May pera man o wala, tuloy ang pagkandidato ni Montano sa Senado. Tuloy ang laban ni Cesar Montano para sa bayan," declares senatorial candidate Cesar Montano.



Tuloy na tuloy na ang pagtakbo ng aktor na si Cesar Montano for senator. Ito ay matapos ang usap-usapan na magba-back out na siya dahil diumano sa hindi pagtupad ng administrasyon sa ipinangakong pondo para sa kampanya niya. Ayon pa sa balita, pinag-iisipan din ni Cesar na tumakbo na lang na governor sa lalawigan ng Bohol imbes na senador.

Sa isang press conference ngayong hapon, March 14, na ginanap sa Annabel's restaurant, Tomas Morato, pinabulaanan ni Cesar na uurong na siya sa kanyang kandidatura bilang senador sa ilalim ng TEAM Unity. Kasama ni Cesar, na naka-baseball cap na naman, ang kanyang maybahay na si Sunshine Cruz.

Nilinaw rin ni Cesar ang mga lumabas na balita kaugnay ng kakulangan niya ng pondo para sa kanyang kampanya. Tiniyak daw sa kanya ng mga katiket niya sa TEAM Unity na bibigyan siya ng pinansiyal na tulong para maisulong ang kanyang kandidatura.

Ngunit iginiit ni Cesar na tuloy ang kanyang pagtakbo kahit na may pondo o wala.

"May pera man o wala, tuloy ang pagkandidato ni Montano sa Senado. Tuloy ang laban ni Cesar Montano para sa bayan," mariing pahayag ni Cesar sa press conference.

Pinabulaanan din ni Cesar ang balita na pinangakuan siya ni Secretary Gabriel Claudio ng hanggang P200 million para sa kanyang kampanya.

"Hindi nangako ang administrasyon na bigyan ako ng P200 million, P100 million, P50 million, o kahit na anong halaga, at wala akong natanggap o tinatanggap. Ang suporta ng TEAM Unity, hindi nasusukat sa ganyan," sabi pa niya.

Inamin ni Cesar na sumagi sa kanyang isipan na mag-back out sa senatorial race dahil nga sa kakulangan ng makinarya at pondo para sa malawakang kampanya.

Aniya, "Di ko ide-deny ‘yan, napag-isip-isip ako. Nagpalakas ng loob ko ang TEAM Unity."

Hindi rin ikinaila ng multi-awarded actor/director/producer na malaking pera ang nawala sa kanya matapos siyang mag-file ng candidacy for senator. Kinailangan kasi niyang kanselahin ang kanyang commercial endorsements at movie and TV projects, kasama na ang isang Hollywood movie at ang action-adventure series ng GMA-7 na Lupin—na sisimulan na sana niya noong araw na mag-file siya ng kandidatura.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Pero ito ay hindi ko pinagsisisihan," diin niya.

Hanggang ngayon ay wala pa ring political advertisement si Cesar, hindi gaya ng ibang mga kandidato na noong simula pa lang ng campaign period ay nagpalabas na ng kani-kanilang TV ads. Aminado ang actor-turned-politician na mahalaga ang pagkakaroon ng TV commercial para sa isang national campaign, pero hindi niya raw alam kung saan kukunin ang ganun kalaking halaga para makagawa ng sarili niyang political ad.

Sinabi rin ni Cesar na mas gugustuhin niyang gastusin ang pera na pampagawa ng political ad—na nagkakahalaga ng hanggang P500 million—sa mga problemang kinahaharap ng bansa ngayon.

Sinagot din ni Cesar ang tungkol sa kanyang pagkawala sa kampanya ng TEAM Unity nitong mga nakalipas na araw.

"Pagkatapos ng dalawang linggo, pinag-isipan kong mabuti kung ano ang dapat kong gawin," sabi ni Cesar.

Matatandaang naging last-minute replacement si Cesar sa tiket ng TEAM Unity pagkatapos umatras ni Leyte Governor Carlos Petilla, na nagdesisyong tumakbo for re-election sa kanyang probinsiya.

Si Cesar ay isa lamang sa limang showbiz personalities na tatakbo ngayong May 14 elections bilang senator. Ang iba pa ay sina Tito Sotto, Richard Gomez, Rico J. Puno, at Victor Wood.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN