Rudy Fernandez has six months to live according to doctors

Apr 3, 2007
"Hindi naman ibibigay sa atin ang isang pagsubok kung alam ng Panginoon na hindi natin ito kakayanin. Kaya ibinigay 'yan kay Daboy dahil alam ng Diyos na kaya niya ‘yan," says Phillip Salvador about Rudy Fernandez (both pictured, with Senators Bong Revilla and Jinggoy Estrada).


Nagpamalas ng suporta ang matatalik na kaibigan ni Rudy Fernandez sa showbiz kaugnay sa pakikipaglaban ng aktor sa sakit na cancer. Hindi nga biro ang uri ng cancer na dumapo kay Daboy. Ito 'yung periampullary cancer, isang agresibong uri ng cancer na mabilis kumakalat sa iba't ibang bahagi ng katawan.

"Yung kay Rudy unfortunately, sa liver niya kumalat," malungkot na sabi ni Senator Jinggoy Estrada sa panayam ng The Buzz noong April 1.

Dagdag pa ng senador, nagpalagay na raw ng pacemaker ang kaibigang aktor para hindi ito masyadong masaktan kapag sumasailalim sa chemotherapy. Si Daboy ay pinayuhan ng mga doktor na kailangang sumailalim sa 12 sessions ng chemotheraphy na gagawin dalawang beses sa bawat buwan. At press time ay nakaka-tatlo na siya.

"Binutasan yung dibdib niya para doon na lang idaan yung chemo, at nang hindi siya masyadong nasasaktan," lahad pa ni Jinggoy.

Humanga rin si Jinggoy sa kaibigan dahil sa kabila ng kalagayan nito ay lalo pa raw tumindi ang pananampalataya nito sa Panginoon.

Continue reading below ↓

Aniya, "His faith in God has grown stronger. Yun ang isa pang nakakabilib kay Daboy."

Dagdag pa ni Jinggoy na kung minsan ay hindi niya maiwasang tanungin ang Diyos kung bakit sa dinami-dami ng masasama sa mundo ay si Daboy pa ang dinapuan ng cancer.

"Minsan tinatanong ko ang Diyos, bakit si Daboy pa, e, ang dami namang masasama riyan," buntung-hininga pa ng senador.

Ayon naman kay Phillip Salvador, kung titingnan ang aktor ay hindi mo iisiping may mabigat itong karamdaman.

"Magugulat ka, si Rudy ngayon malakas ang katawan. Hanggang ngayon, nagdyi-gym pa 'yan, nagba-badminton. Mas malakas pa mag-workout sa akin ‘yan," sabi ni Ipe (palayaw ni Phillip).

Kumpiyansa nga raw si Ipe na malalampasan ni Daboy ang dinaraanan nitong pagsubok.

"Hindi naman ibibigay sa atin ang isang pagsubok kung alam ng Panginoon na hindi natin ito kakayanin. Kaya ibinigay 'yan kay Daboy dahil alam ng Diyos na kaya niya ‘yan. Sa mga kaibigan at sa mga fans ni Daboy, huwag ho kayo malungkot. Pero isama n'yo lang ho siya sa mga prayers n'yo para lalo pa siyang lumakas," panawagan pa ni Ipe.

Continue reading below ↓

Narito naman ang mensahe ni Senator Bong Revilla para sa kaibigan: "Kailangan ka pa namin. Isa kang mabuti, mabait, matalik na kaibigan. Hindi ka pa mamamatay."

Maging ang manager ni Daboy na si Lolit Solis ay puspusan ang pagdarasal para gumaling na ang alagang aktor.

"Kung titingnan mo si Daboy, hindi mo iisiping may sakit siya, ang lakas-lakas niya. At napakabata pa, he's only 54. Buti na lang, malalaki na yung mga anak nila ni Lorna [Tolentino, Rudy's wife]. Pero hindi ko ma-imagine na maiiwan niya si Lorna, huh! Ang maganda kay Daboy, very positive siya. 'Di ba, sinasabi nga niya na hindi pa siya mamamatay? Tama 'yan, Daboy. Hindi ka pa mamamatay. Aabutin ka pa ng 99!" bulalas pa ng kontrobersiyal na TV host-talent manager.

Samantala, sa panayam sa mag-asawang Rudy at Lorna Tolentino sa Ricky Lo Exclusives na napanood sa QTV 11 noong March 28 ay napag-alaman na binigyan na si Daboy ng mga doktor ng taning na anim na buwan para mabuhay.

Continue reading below ↓

"It was unfair because he had been undergoing chemotherapy only to be told that he has only six months left," ani Ralph, anak nina Daboy at LT.

Dahil dito ay nagtungo raw sa Baguio si Ralph for an eight-day retreat na ginugol lang niya sa pagdarasal.

Pati si Alma Moreno na ex-wife ng aktor ay wala ring humpay sa pagdarasal na sana ay gumaling na si Rudy.

"Pumupunta ako sa Baclaran praying for Rudy. Ipinagdarasal ko talaga na sana gumaling na siya," ani Lorna.

Samantala, nakatakdang magtungo sa Hong Kong, Japan, at US sina Daboy at LT para humingi ng second opinion kaugnay sa kundisyon ng action star.

Read Next
Featured
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
"Hindi naman ibibigay sa atin ang isang pagsubok kung alam ng Panginoon na hindi natin ito kakayanin. Kaya ibinigay 'yan kay Daboy dahil alam ng Diyos na kaya niya ‘yan," says Phillip Salvador about Rudy Fernandez (both pictured, with Senators Bong Revilla and Jinggoy Estrada).
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results