Boy2 Quizon and manager react to anonymous hate email

IMAGE 0


"Ayaw ko na nga itong pansinin at baka sumikat pa ang naninirang ‘yan sa akin. Hindi ko talaga maisip kung ano ang motibo niyan, e," says Boy2 Quizon about the anonymous hate email.



May mga kumakalat ngayong hate email sa young actor na si Boy2 "Dos" Quizon. Sari-saring paninira ang sinasabi ng taong nagkakalat nito na gumagamit ng iba't ibang pangalan tulad ng "Marieton Pascual," "Claire Fabian," "Michelle Reynante," at "E. Chriselle."

Ilang entertainment columnists na ang pinadalhan ng naturang hate mail at ang conclusion nila ay iisang tao lang ang nagpapakalat nito. Pare-pareho kasi ito ng sinasabi at mga akusasyon ng paninira sa apo ng King of Comedy na si Dolphy.

Ang nilalaman ng email in question ay may kinalaman diumano sa narinig ng email sender kay Boy2 habang lasing na lasing at nakikipag-inuman sa dalawang lalaki sa isang restaurant sa Antipolo.

Ipinagyayabang daw ni Boy2 na malakas siya sa GMA-7 dahil sanggang-dikit sila ni Richard Gutierrez at nangako raw si Richard sa kanya na isasama siya sa lahat ng shows nito. Kumbaga, package deal sila lagi.

Ayon pa sa hate-mail sender, ipinagyabang pa raw ni Dos na lahat ng Lupin girls ay natikman na niya at si Katrina Halili ang pinakamalupit sa kama. Ipinagmamalaki pa raw nitong, "Quizon yata' to!"

Pati ang mga past relationship ng aktor ay hindi nakaligtas sa hate emails. Sinabi raw ni Dos na si Danica Sotto ang pinaka-plastic sa lahat ng naging nobya niya.

Nagdadala rin daw ang dating child actor ng drugs sa taping ng Lupin at marami na raw siyang na-recruit upang makipag-jamming sa kanya, at ang isusunod niyang ire-recruit ay si Mark Herras. Every week daw ay mayroon silang session ng mga kaibigang artista na nare-recruit niya.

BOY2'S SIDE. Kinuha ng PEP (Philippine Entertainment Portal) ang reaksiyon ng manager ni Boy2 na si Nene Riego tungkol sa naturang hate emails.

Ayon kay Tita Nene, "Ayaw na nga niyang [Boy2] pansinin ‘yan, maraming taga-TV talk shows ang type interbyuhin si Boy2 pero tumanggi siya. Wala naman daw siyang dapat ipaliwanag, e. Malinis ang konsensiya niya at taas-noo niyang masasabi na hindi siya drug user, lasenggo, o isang kiss-and-tell sort of guy na ang mga nakaka-date ay idinadaldal.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Napakatahimik at simple ang batang ‘yan. Walang ere at totoong tao. Hindi nga ‘yan umiinom kundi ‘yung kapag may social gatherings lang dahil sirain ang tiyan niyan, napaka-sensitive ng tiyan niyan.

"Noong sila pa ni Danica, hindi nga siya nagsalita, not even once kahit na hanggang sa naghiwalay na sila. At kahit natapos na ang relasyon nila, close pa rin sina Dos [palayaw ni Boy2] at Danica. Kaya paano mo paniniwalaan ang pinagsasabi ng naninirang ito kay Dos?

"Tapos tinatawag pa niyang drug-addict si Dos. Pero ano ang basehan niya sa paratang na ito? Ang narinig niya umano sa kuwento ni Dos? Sapat ba ‘yon para ipagkalat na niya ‘yon?

"Sana man lang kung may iba pa siyang pruweba sa mga akusasyon niya. Kumbaga sa korte, hearsay lang ito at halatang gusto lang manira o magpapansin. At kung totoo talaga ang pinagsasabi niyan, bakit siya nag-iiba-iba pa ng pangalan? Kaya maiisip mo talagang may motibo siyang hindi maganda, e.

"Sa akusasyon naman na ipinagyayabang ng alaga ko na package deal sila ni Richard Gutierrez at kasama siya sa lahat ng future projects nito after Lupin, ito ang masasabi namin: May program committee sa GMA-7 na siyang nagpapasya sa casting ng anumang serye. Nang tanungin nga si Richard kung sinu-sino ang makakasama niya sa Kamandag [susunod na TV show ng aktor] ay sinabi niyang hindi niya alam dahil nasa brainstorming stage pa ito," pagtatanggol ng talent manager-entertainment writer sa alaga.

Tungkol naman sa pagiging kiss-and-tell ni Dos, ito ang pahayag ng kanyang manager:

"For the record, walang katotohanan na ipinagkalat ni Boy2 na sila na ni Katrina Halili. Kami lang ang panay ang tukso sa dalawa kahit walang ligawang nagaganap sa kanila. Sa totoo lang kasi, boto kami kay Kat para sa aming anak-anakan dahil mabait siya at matinong babae."

THE SOURCE. Sino sa palagay nila ang nagkakalat ng hate email laban kay Boy2?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Gusto naming isipin na ang naninirang ito ay hindi babae," sagot ni Tita Nene. "Member siguro ito ng third sex na may hidden desire o fatal attraction dahil ang feeling niya'y hindi niya maiparamdam sa apo ni Pidol.

"Kaya ang masasabi ko sa kanya, ‘Hoy, bakla! Lumantad ka! Magladlad ka ng saya! Next time, kami ang kontakin mo sa email address na neneriego@yahoo.com at magkita tayo. Isasama ko pa si Boy2 para magkaharap kayo ng lalaki sa bakla, imbes na lalaki sa lalaki. Kasi feeling ko talaga, bakla ang naninirang ito kay Dos," nakatawang pahayag pa ng lady manager.

Sinubukan din ng PEP na kunan ng pahayag mismo si Boy2 at suwerte namang nakausap namin siya sa cell phone.

"Kung hindi maganda ang image ko, e, di wala sana akong product endorsements. Kasi may character check ang mga kliyente at ad agency sa isang modelo. Dapat bilang role model, malinis ang pagkatao mo bago ka nila kunin.

"Ayaw ko na nga itong pansinin at baka sumikat pa ang nainirang ‘yan sa akin. Hindi ko talaga maisip kung ano ang motibo niyan, e," matipid na saad ng 23-year-old aktor.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN