Kim Chiu defends screen partner Gerald Anderson against Snooky's criticism

IMAGE 0


"Kung hindi siya magaling, yung isang project, yun na lang ‘yon, taposna. Hindi na siya bibigyan ng iba pa. Bakit marami siyang tagahangakung hindi siya magaling? At saka bakit nakayanan niya ang isang soapna nadadala ang mga tao at naiiyak pa, di ba?" says Kim Chiu about her leading man, Gerald Anderson.



Maituturing na napakasuwerte ng loveteam nina Kim Chiu at Gerald Anderson dahil sa malaking tiwala sa kanila ng kanilang home network, ang ABS-CBN. Pagkatapos ng kanilang launching movie na I've Fallen For You, balik-telebisyon sina Kim at Gerald via Love Spell Presents Cindy-rella na magsisimula nang mapanood ngayong Linggo, October 14.

"Sobrang natutuwa po akong talaga," simulang pahayag ni Kim sa presscon ng kanilang show sa 14th Floor ng ELJ Building, kagabi, October 8. "Dati po kasi, napapanood ko lang ang Cinderella, pero ngayon gagampanan ko na po. At saka nakakatuwa po dahil kami rin po ni Gerald noon ang nag-pilot ng Love Spell na four weeks. Ngayon po, kami rin ni Gerald ang magpa-pilot naman ng kauna-unahang Love Spell na thirteen weeks naman po."

Siyempre pa, muling itinanong kay Kim ang katayuan ng relasyon nila ng ni Gerald. Sa presscon noon ng kanilang pelikula, sinabi ni Kim na between "8" or "9" ang pagkagusto niya kay Gerald. May nabago na ba sa "like"-level niya para sa binata at tataas pa kaya ang rating from "9" to "10"?

"Naku, huwag na lang po ‘yon!" natatawang sabi ng batang aktres. "'Tsaka kailan lang naman yung last presscon natin. Ang masasabi ko lang po, basta sobrang special ni Gerald. Nagpapasalamat po akong talaga na siya ang ka-loveteam ko.

"Hindi kami, pero we care for each other. Walang commitment," pahabol niya.

Pero hindi raw talaga maiwasan ni Kim na hindi maapektuhan sa intrigang kesyo nagli-live-in na sila ni Gerald.

"Grabe naman ang isyung ‘yon! Ang bata-bata ko pa! At saka magagalit ang Daddy ko, e, lagi lang ngang nasa bahay ‘yon. At saka, paano ba ‘yon, e, hindi na nga ako umuuwi, di ba? Araw-araw kaming nagtatrabaho. Siguro kasi, hindi na siya [Gerald] umuuwi dahil nagwo-work kami," tawa ulit ni Kim.

Sa kabila nito, tanggap ni Kim na hindi talaga mawawala ang mga ganitong klaseng intriga sa showbiz.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Nahilamusan na po ako ng maraming ganoon," sabi niya. "Sa isang taon ko rito sa ABS-CBN, sa industriyang ito, hindi naman imposibleng walang darating na intrigang ganoon.

"Siyempre po, dati masakit...na 'natutulog' ako sa condo ni Gerald. Na ako raw ang humahawak ng pera niya. Yung sabi na idine-deny ko raw kahit kami. Kaya sabi ko sa handler ko, parang hindi ko kaya ‘yon. Ano ang gagawin ko para masabi ko sa press na hindi talaga kami? So ‘yon, parang nasanay na lang ang puso ko, hindi na ako nasasaktan."

KIM'S INSECURITIES. Kim plays the role of a princess in Cindy-rella. Sa bakuran ba ng ABS-CBN, nararamdaman niya na isa siya sa maituturing na prinsesa ng network?

"Siguro po, kasi marami rin naman pong projects na ipinagkakatiwala sa akin ang ABS-CBN," prangkang sagot ng Pinoy Big Brother Teen Edition winner. "Natutuwa rin naman po ako na kahit ganito lang ako, marami silang ibinibigay sa amin ni Gerald dahil natutuwa sila sa kakayahan namin. Kaya iniisip na lang po namin na mas pagbubutihan pa po talaga namin."

Nararamdaman ba niya na marami ang lihim na naiinggit sa kanya?

"Kahit ako rin naman, nai-insecure rin naman ako sa ibang artistang nakikita ko," pag-amin ni Kim.

Kanino naman siya nai-insecure?

"Ay, hindi na lang po ako magpapangalan," pag-iwas niya. "Pero dahil sa insecurities na ‘yon, mas nag-improve ang self-confidence ko na gagalingan ko pa. Siyempre, hindi naman po maiiwasan na dahil sa acting nila, sa status nila, nandoon yung ma-insecure rin po ako. Pero ganoon naman po talaga, pana-panahon naman pong talaga."

Dahil sa sinabi niya, naitanong ng PEP (Philippine Entertainment Portal) kay Kim na hindi kaya magkaroon ng impression sa kanya na after all the projects that was given to her, hindi pa rin pala siya happy?

"Hindi, sobrang happy ako!" paglilinaw niya. "Sobrang hindi ko ine-expect na maraming ibibigay na projects ang ABS-CBN sa amin ni Gerald. Pero siyempre, tao rin naman ako at may insecurities din. Pero hindi siya inggit dahil yung insecurities na ‘yon, gusto kong isipin na positive naman."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Hindi rin ikinaila ni Kim na kahit paano ay naapektuhan at nalungkot siya nang may magsabi sa kanya na hindi naman siya kagandahan, pero sa kanya napupunta ang mga magagandnag projects ng ABS-CBN. It happened pa raw kasi sa mismong bayan niya sa Cebu City nang magkaroon sila ng presscon doon for the premiere of her movie with Gerald na I've Fallen For You.

"Sinabi nila sa akin na yun nga, hindi naman daw ako kagandahan at mas marami naman daw magaganda, pero konti lang ang projects nila. Sabi ko na lang, hindi naman po naidadaan ‘yan sa pagandahan. Nasa talento lang po at abilidad ng isang tao. Maganda ka nga, pero wala ka naman masyadong maibubuga or mailalabas. Kaya sabi ko, confident lang ako sa sarili ko," lahad ng chinitang actress.

Puwede bang sabihin na imbes na maging masaya para sa kanya ang mga kababayan niya, hindi pala lahat ay happy with her achievements now?

"Hindi naman," tanggi niya. "Siyempre ‘yon ang reaction nila sa ‘yo. Napapanood ka nila sa TV at hindi siya masyado nagagandahan sa ‘yo. Kaya ‘yon ang tinatanong nila na bakit sa dami ng mga chinita rito sa ABS-CBN, bakit ako raw ang may solo movie, bakit ako raw ang may soap opera.

"Siyempre, medyo nalungkot ako noong time na ‘yon. Bubbly-bubbly ako noong simula, biglang... Pero siyempre, opinion nila ‘yon, wala akong magagawa. Masaya naman kami with what happened sa premiere night kasi sobrang dami talaga ng tao. To think na Monday ‘yon, pero parang naging weekend po talaga sa dami ng dumating."

SNOOKY SERNA. Halatang nagulat si Kim nang marinig na may hindi magandang opinyon ang aktres na si Snooky Serna sa kanyang ka-loveteam na si Gerald. Hindi ito makapaniwala na sinabihan ni Snooky si Gerald ay "ham actor" at "plastik" sa radio program ni Mo Twister.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Sinabi ni Snooky, talaga?" nanlaki ang mata nitong balik-tanong sa PEP. "Talaga? Kasi parang ang bait-bait ng mukha ni Snooky, tapos nagsasalita siya ng ganoon?"

Ano ang masasabi ni Kim sa opinyon ni Snooky sa kanyang ka-loveteam?

"Sabi ko nga kanina, may sariling opinion ang mga tao. Hindi mo sila mapipigilan kung ano ang iniisip nila, kung ano ang gusto nilang sabihin. Pero ang alam ko, bakit mo bibigyan ng mga projects si Gerald kung hindi siya magaling? Kung hindi siya magaling, yung isang project, yun na lang ‘yon, tapos na. Hindi na siya bibigyan ng iba pa. Bakit marami siyang tagahanga kung hindi siya magaling? At saka bakit nakayanan niya ang isang soap na nadadala ang mga tao at naiiyak pa, di ba?" depensa ni Kim kay Gerald.

Sinabi rin ni Kim na hindi plastik si Gerald.

"Ang bait-bait nga niya kahit sa hindi niya kakilala. Kahit nasa set kami, yung mga art department, tinutulungan niyang magbuhat. Pero siguro naiinggit lang sila kay Gerald," palagay ng dalaga.

Sa huli, sinabi ni Kim na kilala niya si Snooky bilang isang artista. Nakapanood na rin daw siya ng pelikula nito, tulad ng Blusang Itim, pero hindi pa niya ito nakikilala sa personal.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN