Mommy Beth admits fault to beleaguered daughter Angelica Jones

IMAGE 0


"Inaamin ko na may kasalanan ako sa anak ko at pinagsisihan ko‘yon. Ang maganda kay Angel, hindi siya nagtatanim ng galit. Mayrespeto pa rin siya sa akin bilang ina at ‘yon ang masarap isipin sakanya. Kaya kami ng anak ko, magkasama kami sa hirap at ginhawa," says Beth Jones (left) about her daughter Angelica Jones (right).



Nakausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) ang kontrobersiyal na ina ni Angelica Jones, si Beth Jones, sa press conference ng bagong suspense-drama ng GMA-7 na La Vendetta noong Martes, October 23, sa Ilustrado restaurant, Intramuros, Manila. Sinamahan daw kasi ni Mommy Beth ang anak niya, na for the first time ay nagkaroon ng soap drama sa Kapuso network.



Agad naming tinanong si Mommy Beth kung nagkabati na ba sila ni Angelica. Sumagot naman ito na winu-workout na raw nila ang kanilang relasyon as mother and daughter.



"Nagkaayos kami noong isang araw lang," sabi ni Mommy Beth. "Tinawagan niya ako kasi worried na siya sa mga nangyayari sa akin. Ako naman, nirerespeto ko ang mga desisyon ng anak ko. Kung umalis siya, okay lang kasi alam ko naman na babalik din siya. Gusto lang niyang magkaroon ng space, masyado lang kasi siyang naiipit ngayon sa mga problema."



Nabanggit ni Angelica sa interview nito sa Showbiz Central noong October 21 na umalis siya sa kanilang bahay at nakitira sa isang kaibigan. Ayon pa sa sexy comedienne, ginagawa naman daw niya talaga ito kapag nagkakaroon sila ng away ng kanyang ina. Lalo na ngayon at patung-patong ang problema nila kaya umalis daw muna siya para makapag-isip nang husto.



Ayon kay Mommy Beth, "Mabait ang anak ko. Matulungin ‘yan sa pamilya. Pero kapag maraming problema, alam ko na hindi siya napapakali. Kaya noong umalis siya, alam ko na may dinaramdam siya. Ngayon ay paunti-unti na ngang naayos ang gusot namin. Nagsimba kaming dalawa para kahit papaano ay gumaan ang pakiramdam naming pareho."



Nasangkot sa isang demanda si Mommy Beth dahil sa mga tumalbog na tseke na inisyu niya. Naapektuhan daw nang husto si Angelica sa pangyayari dahil pati raw ang naipon nitong pera ay nagastos ng kanyang ina.



Pero inaasikaso na raw ito lahat ni Mommy Beth at ng abugado nila. Nabanggit din ni Angelica na nag-sorry na ang ina niya sa kanya. Kahit ano pa raw ang pasukin na gusot ng kanyang ina, susuportahan niya ito kahit ano ang mangyari.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW



"Ilang beses na ba kaming dumaan sa problema ni Angel? Bata pa lang ‘yan ay ipinaglalaban ko na siya. Ang pamilya namin, dumaan sa maraming problema. Pero nandito pa rin kami. Survivor kaming mag-ina.



"Inaamin ko na may kasalanan ako sa anak ko at pinagsisihan ko ‘yon. Ang maganda kay Angel, hindi siya nagtatanim ng galit. May respeto pa rin siya sa akin bilang ina at ‘yon ang masarap isipin sa kanya. Kaya kami ng anak ko, magkasama kami sa hirap at ginhawa," sabi ni Mommy Beth.



Malaki rin ang pasasalamat ni Mommy Beth dahil nabigyan ng pagkakataon si Angelica na magkaroon ng regular show sa GMA-7. Malaking tulong daw ito sa career ni Angelica.



"Mabait naman ang GMA-7 sa amin. Kapag may issues kami, sila ang unang tumatawag para hingin ang side namin. Salamat din sa mga taong kinukuhang mag-guest ang anak ko. Nakakatulong talaga sila sa anak ko," pagtatapos ni Mommy Beth.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN