Daisy Romualdez lashes back at daughter Danita Paner

IMAGE 0


"Sobrang pagmamahal ko sa kanya, doon ako nagkamali. Masyado ko siyang minahal nang husto. ‘Pag ako nagmahal ng tao, buhos-buhos talaga. Talagang minahal ko siya," cries Daisy Romualdez as she talks about daughter Danita Paner.



Mabilis na binuweltahan ni Daisy Romualdez ang naging pahayag ng anak na si Danita Paner noong Linggo, October 28, sa The Buzz.

"Alam mo, hindi na ‘yan si Danita, e. Meron ‘yan sa likod na tumutulak sa kanya. Merong nagsasabi sa kanya. May nagsusulsol sa kanya," bungad ni Daisy.



Inamin ni Danita na nahihiya raw siya sa mga taong nadadamay at sinisisi ni Daisy sa kanyang pagkawala. Ano ang masasabi ni Daisy rito?



"Bakit ka mahihiya?" balik-tanong ni Daisy. "Ikaw ang may kagagawan nito. Ikaw ang nag-boyfriend-boyfriend. Natural lang sa ina na hinahanap ang anak. Kung aso nga nawawala hinahanap, tao pa kaya? Natural lang sa akin, sinong hahanapan ko? Siyempre yung mga kaibigan mo at saka yung boyfriend mo."



Sinagot din ni Daisy ang sinabi ni Danita na pagmumura ng ina sa kanya.



"Siya ang may diperensiya hindi ako," depensa ng dating aktres. "Danita, ang gusto mong buhay pag sinabi niyang, ‘Ma, aalis ako' kaagad payag ako. Kung anong oras niya gustong umuwi, uuwi siya nang walang sita-sita.

"Wala akong tawag sa cell phone. Tama ba ‘yan? Tama ba ‘yang ginagawa mo? Huwag kang magmalaki na 18 years old ka na, akin ka pa rin Danita. Walang puwedeng makialam sa ‘yo legally, akin ka," mensahe ni Daisy sa inampong anak.

Binuweltahan din ni Daisy ang naging pahayag ni Danita na "impiyerno" raw ang naging buhay nito sa piling ng kanyang adoptive mother.

"Ako yata ang nasa impiyerno dahil napakasama ng ugali mo. Hindi ba ang gitara binasag mo? Ayoko sanang sabihin. 'Pag nagagalit ‘yan, nagbabasag ng baso.

"Pagkatapos, Danita, na inalagaan kita, pinalaki kita, ibinigay ko sa ‘yo lahat-lahat, pero ano ang iginanti mo? Tama ba ‘yon sa isang magulang? Wala raw siyang choice?

"Alangan naman ang anak ang masusunod? Siyempre, nanay! Lagi naman mali ang mga desisyon niya. Magmula lang ‘yan na magka-boyfriend ganyan na siya," pahayag ni Daisy.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Nagpaliwanag din si Daisy sa sinabi ni Danita na hanggang high school lang daw ang gusto ng kanyang ina para sa anak.

"Dati kasi nasa Montesorri ‘yan. Ayaw na ayaw niya doon, so ang ginawa ko, inilipat ko siya sa Ridley International School. Napakamahal ng bayad doon!

"Ayaw na niyang pumasok dahil hindi na raw siya masaya doon. Hindi naman kami namumulot ng pera para ipaaral siya, pero I never said na hindi kita papaaralin ng college," esplika niya.



FORCED TO JOIN SHOWBIZ? Itinanggi rin ni Daisy na pinipilit niya si Danita na mag-showbiz. Ilang ulit niya raw sinabihan si Danita na mag-aral na lang sa Amerika o di kaya sa Spain, kasama ang dati ring ampon ni Daisy na si Tina Paner.



"Kung ayaw mo, e, di huwag na lang," tahasang sabi ni Daisy. "Mag-aral ka na lang. Lahat ng hingin mo sa akin, ibinibigay ko. Ewan ko kung anong klaseng nanay ang hinahanap mo na maiintindihan ka."



Hindi rin daw maintindihan ni Danita kung bakit ipinagpipilitan ni Daisy na may kinalaman ang boyfriend niyang si Kean Cipriano ng Calla Lily sa kanyang paglayas.



"E, ‘yon ang boyfriend niya! Siyempre, alam ni Kean kung saan siya nagpunta or whatever it is. Ewan ko, idine-deny naman ni Kean. Problema na niya ‘yon. Basta ako, kaya ako nag-text sa kanila dahil sila lang ang tine-text niya at alam nila kung saan siya nandun."



Naging mabuti ba siyang ina?



"Of course!" mabilis niyang tugon. "Naging mabuti akong ina. Masyadong spoiled ‘yan. Dinadalhan pa ng pagkain sa taas. Umaga, gumigising ako, nagluluto ako para sa almusal niya. ‘Tapos minsan, ‘pag mapupuna lang siya, she does not want to accept, babagsakan ka ng pintuan. Sasagutin ka. Tama ba ‘yon? Nagpalaki ako ng ano?"



Pinabulaanan din ni Daisy na binubugbog niya si Danita.



"Hindi, noon pa sana sinaktan na kita, lumayas ka na rin," salita niya kay Danita sa harap ng kamera. "Mabunganga, nagagalit ako. Kasi napakatigas ng ulo niyan!"

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW



Mahal daw ni Daisy si Danita dahil hindi siya sinungaling na tao. Mahal daw niya si Danita dahil inalagaan siyang mabuti ni Daisy. Pero inamin ni Daisy na nasaktan talaga siya sa paglalayas ni Danita.



"Sobrang pagmamahal ko sa kanya, doon ako nagkamali. Masyado ko siyang minahal nang husto. ‘Pag ako nagmahal ng tao, buhos-buhos talaga. Talagang minahal ko siya," naluluhang sabi ni Daisy.

"Ang dasal ko nga sa Diyos, sana walang mangyaring masama sa kanya. Sana mag-isip-isip siya kung tama ang ginagawa niya.



"Nagsabi na siya sa Daddy niya na gusto na niya tumawag sa akin. ‘Okay lang, Danita, handa akong makipag-usap."



Sa huli ay nagbigay ng mensahe si Daisy sa mga kumukupkop kay Danita.



"Nakakahiya kayo! Patay na patay kayo diyan sa anak ko! Kilala ko na kayo, pero dahan-dahan lang tayo. Darating din tayo diyan dahil walang lihim na hindi nabubunyag. Lahat ‘yan lalabas. Bahala na kayo," bulalas niya.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN