PEP EXCLUSIVE: Jodi Sta. Maria denies paying PMPC members to win in Star Awards for TV

IMAGE 0


Although Jodi Sta. Maria lost in the Best Drama Actress category at the recently concluded Star Awards for TV, her name is still being dragged into the "bilihan ng award" issue. But the actress vehemently denies any involvement.



Nakausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) over the telephone ang aktres na si Jodi Sta. Maria kaninang tanghali, November 23, upang kunin ang reaksiyon niya tungkol sa pagkakadawit ng pangalan niya sa isyung bilihan diumano ng award sa nakaraang 21st Star Awards for Television ng Philippine Movie Press Club (PMPC).



Galing si Jodi noong gabing ‘yon, November 18, sa binyag ng anak nina Tanya Garcia at Mark Lapid na si Mischa Amidala, kung saan isa si Jodi sa tumayong ninang. Pero nagawa pa rin niyang maka-attend ng awards night ng Star Awards for TV kung saan nominado siya bilang Best Drama Actress para sa pagganap niya sa ABS-CBN soap opera, Walang Kapalit.

Tinanong namin si Jodi kung aware ba siya na may mga isyung lumalabas tungkol sa bilihan diumano ng award.



"Nagugulat ako na may ganoon palang isyu," sagot niya. "Pero wala rin naman kasi akong mare-react if it's true or not. Kasi sa lahat naman talaga ng contest, may winner at saka may part na ikaw naman ang natatalo. Ganoon lang talaga ‘yon."



Dahil wala raw siyang alam sa isyu, sinabi ng PEP kay Jodi kung ano ang mga nakasulat sa ilang tabloids kaugnay nito. Ayon sa ilang tabloid reports, may nagbayad daw diumano para manalo si Jodi, and yet, si Sunshine Dizon pa rin ang nanalo para sa Bakekang. Meron din namang nagsasabi na nagbayad din si Sunshine kaya siya nanalo.

Bagama't wala pang umaamin o nagde-deny ng mga naturang paratang, iimbestigahan na raw ng officers ng PMPC, sa pamumuno ng kanilang presidente na si Fernan de Guzman, ang kontrobersiyang ito.

Halatang nagulat sa narinig si Jodi dahil wala raw siyang alam na may ganoon palang isyu na nagbayad siya para manalo. Nagulat din daw siya sa naging pagtawag ng PEP sa kanya at may intriga pala siyang dapat sagutin.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW



"Wala akong alam diyan," tahasang sagot ni Jodi. "Unang-una, hindi ko naman kailangang magbayad para lang manalo ako. Hindi ko gagawin ang bagay na ‘yon. Nagulat talaga ako kasi wala akong alam. Hindi ko alam na may ganyan palang isyu.



"Ako kasi, yung nomination pa lang na natanggap ko para sa Walang Kapalit, sobrang thankful na ko dun dahil siyempre, napansin nila ang ipinakita kong pag-arte. Pero yung magbabayad ako para magka-award or manalo, never kong gagawin ‘yon," mariin niyang pahayag.



Ayon pa kay Jodi, para sa kanya ay deserving lang naman si Sunshine na manalo sa kategoryang Best Drama Actress dahil mahirap daw talaga ang character na ginampanan nito sa Bakekang.



Dagdag niya, "At saka kilala ko si Sunshine. Magaling talaga siya at alam ko, hindi siya yung tipong magbabayad para lang manalo ng award."



Sa huli, tinanong ng PEP si Jodi kung na-offend ba siya sa naturang isyu gayong hindi na nga siya ang nanalo, may kakabit pang intriga na nagbayad siya para sa isang trophy?



"Na-offend? Well, honestly, hindi ako na-offend kasi wala naman talaga. Hindi ko nga alam na may ganoon pala. It's more on nagulat. Nagulat ako na biglang may tumatawag sa akin ngayon at nagtatanong about the issue, at saka nagulat ako na may ganoon palang isyu ng bayaran. Definitely, hindi ko gagawin ‘yon," paglilinaw ni Jodi.

Hindi ito ang unang pagkakataon na nasangkot sa kontrobersiya ang Star Awards for TV ng PMPC. Matatandaang tumiwalag sa PMPC ang ilang mga miyembro dahil dito at nagtayo ng sarili nilang samahan, ang Entertainment Press Society (Enpress) na siya namang namamahagi ng taunang Golden Screen Awards.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN