Yasmien Kurdi to spend Christmas & New Year in Lebanon with her father

IMAGE 0


Young actress Yasmien Kurdi is scheduled to fly to Lebanon on December 24, right after the Parade of Stars of the 2007 Metro Manila Film Festival, to visit her father and grandmother.


Kitang-kita ang pagiging slim ng katawan ngayon ng young actress na si Yasmien Kurdi nang makausap siya ng PEP (Philippine Entertainment Portal) sa grand opening and blessing ng 18th branch ng Forever Flawless sa SM Muntinlupa last Sunday, November 25. Ngarag-ngaragan daw siya dahil umaga na siya umuwi mula sa shooting nila ng Bahay Kubo, entry ng Regal Entertainment sa 2007 Metro Manila Film Festival (MMFF).

"Last shooting day na po kasi namin sa Magdalena, Laguna. Tinapos na ni Direk Joel [Lamangan] ang eksena doon, kahit nga hindi naman siya dati nagpapaabot ng umaga sa shooting," kuwento ni Yasmien.

Hindi raw alam ni Yasmien kung makakaabot sa original December 25 playdate nito ang Bahay Kubo, lalo pa't napabalita nang makikipagpalit ito sa playdate ng isa pang entry ng Regal sa MMFF, ang Desperadas.

Ginagampanan ni Yasmien sa Bahay Kubo ang role ng isa sa mga adopted daughters nina Maricel Soriano at Eric Quizon. Sa pelikula ay gustong mag-artista ni Yasmien at minsang nagalit sa kanya si Maricel ay tumanggap siya ng sampal at sabunot dito. Hindi ba nagka-trauma si Yasmien sa eksena nila ni Maricel, lalo pa't nabalitang nagkasakitan daw talaga sila?

"Hindi naman po and it's an honor na nakatrabaho ko si Ms. Maricel," saad ng young actress. "Alam ko naman po na ganoon ang eksena dahil nasa script. Pagkatapos po ng take, nag-sorry sa akin si Ms. Maricel."

CHRISTMAS IN LEBANON. Tuloy ba ang Christmas vacation niya sa Lebanon, kung saan nakatira ang kanyang ama?

"Yes po, at very thankful ako sa GMA Artist Center na pinayagan akong magbakasyon from December 22 to January 5. Pero gusto ko pong sumakay sa float ng Bahay Kubo sa Parade of Stars sa December 24, kaya ipinaatras ko ang schedule ng flight ko. Kaya from the parade, diretso na po ako sa airport for my flight to Lebanon. Ako lang pong mag-isa ang dadalaw sa Daddy at Lola ko. May inaasikaso po kasi si Mommy kaya hindi siya makakasama," kuwento ni Yasmien, na hindi naman talaga nagse-celebrate ng Pasko dahil miyembro siya ng Iglesia ni Cristo.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Hindi kaya malungkot ang kanyang rumored suitor na si JC de Vera sa kanyang pag-alis, lalo na't mawawala siya sa Christmas and New Year?

"Hindi po talaga kami ni JC, friends lang po kami," giit ng dalaga. "Hindi ko nga alam kung nanliligaw siya. Wala po kasi siyang ginawa kapag magkasama kami kundi asarin lang ako kaya ako napipikon.

"Gusto ko po kasi sa guy, mabait at pasensiyoso dahil makulit din ako, at maiintindihan niya ako. Pero comfortable po kaming magkatrabaho ni JC."

Dagdag ni Yasmien, "Malapit na pong matapos ang Sine Novela naming Pasan Ko ang Daigdig, na tatapusin ko ang taping bago ako magbakasyon. Pagbalik ko po, mag-i-start na kami ng taping ng Babangon Ako't Dudurugin Kita, na magiging first primetime show namin ni JC pagkatapos ng dalawang afternoon shows namin."

ANOTHER SHARON ROLE. Ang Babangon Ako't Dudurugin Kita ay ang pelikulang pinagbidahan noon nina Sharon Cuneta, Christopher de Leon, at Hilda Koronel mula sa direksiyon ni Lino Brocka. Ito na ang ikatlong pagkakataon na gagampanan ni Yasmien ang role na unang binigyang-buhay ni Sharon sa pelikula—ang dalawa pa ay ang Pati Ba Pintig ng Puso at Pasan Ko ang Daigdig.

Makakasama ni Yasmien sa TV version sina JC bilang Christopher, at ang mga nagbabalik sa GMA-7 na si Angelika dela Cruz sa role dati ni Hilda Koronel, at si Dina Bonnevie na gaganap naman sa role dati ni Mona Lisa.

"Nag-meet na kami nina Angelika at Ms. D [Dina] noong nag-shoot kami ng plugging ng mga new shows ng GMA-7 next year. Mabait po si Angelika at si Ms. D, kilala ko na noon pa kasi friend ko ang daughter niyang si Danica [Sotto]. Siguro po ay magiging maganda ang working relationship namin," nakangiting kuwento ni Yasmien.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN