GMA-7: ABS-CBN report is a demolition job

IMAGE 0


"We rolled up our sleeves and fought fair and hard to be number one…The malicious accusations are [nothing but] a desperate attempt todiscredit GMA 7 in the eyes of its advertisers and viewers," remarks the Chairman, President, & CEO of GMA-7, Atty. Felipe Gozon.



Isang general assembly ang ipinatawag para sa mga opisyales at empleyado ng GMA Network kanina, December 27, kaugnay ng pagkakasangkot ng Kapuso network sa diumano'y pagmamanipula ng TV ratings sa lalawigan ng Bacolod.

"Demolition job" kung ilarawan ng Chairman, President, & CEO ng GMA-7 na si Atty. Felipe Gozon ang report ng ABS-CBN na ang Kapuso network diumano ang nasa likod ng dayaan sa ratings na isinasagawa ng AGB Nielsen Media Research Philippines sa Bacolod. Hindi raw nila palalampasin ang paninira sa dignidad at reputasyon ng GMA-7 na matagal na nitong pinangangalagaan.

Ayon kay Atty. Gozon, ginagawa raw ito ng pamunuan ng ABS-CBN para siraan ang GMA-7 sa publiko at advertisers.

"Kapag hitik sa bunga ang isang puno, ito ay pinupukol," pahayag ni Atty. Gozon.

Dagdag pa ng pinuno ng GMA-7, "We have already categorically denied this false accusation. We are not required to disprove it, but ABS-CBN—the one who made the accusation—is required to prove it and it must prove it, the malicious accusation. In the event it fails to do so, then it must suffer the consequences."

LIBEL CASE. Matatandaang sa ulat ng reporter na si Junrie Hidalgo sa DZMM noong nakaraang linggo, sinabi raw ng AGB Nielsen na ang GMA-7 ang nasa likod ng pandaraya sa ratings sa Bacolod. Pero mariin naman itong pinabulaanan ng abogado ng AGB Nielsen. Ayon kay Atty. Francisco Rivera, walang ebidensiya na magpapakita na may kaugnayan ang GMA-7 sa paratang ng ABS-CBN.

Ito ang dahilan kung kaya't maghaharap ng demanda ang GMA-7 laban sa ABS-CBN.

Ayon sa VP for Legal ng GMA-7 na si Atty. Dick Perez, "Ito ay malisyosong paninirang-puri kaya tayo ay magpa-file ng kasong libel damages against ABS-CBN."

Dagdag naman ni Atty. Gozon, "We will give them a good fight, not just in the courts, but in the hearts and minds of the people."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

ABS-CBN INFORMANT. Matatandaang nagsimula ang kontrobersiya tungkol sa ratings nang iprisenta ng ABS-CBN sa publiko ang isang informant na empleyado diumano ng GMA-7 sa Bacolod na nagsabing nanunuhol sila para manood ang kanilang target sa GMA-7. Pero nang hingan ng pruweba ang naturang impormante ay wala itong maipakita na magpapatunay na tauhan nga siya ng GMA Network.

Para patunayang walang kinalaman ang GMA-7 sa pagmamanipula ng ratings, ipinakita rin ng GMA Research na walang ipinagbago ang rating ng Kapuso Network sa Visayas, kung saan kabilang ang Bacolod, mula noong Hulyo ng taong ito.

Iginiit din ng GMA-7 na milyun-milyon ang inilalabas nila para sa pagpapaganda ng mga infrastructure nito sa mga lalawigan. Milyun-milyon din daw ang ginagastos nila para sa promotions nito sa mga lalawigan, pero wala raw silang isinagawang promo sa Bacolod.

Sa report na ginawa sa general assembly, sinabi ng pinuno ng Engineering department ng GMA-7 na si Lito Remulla na gumastos sila ng P665 million para sa infrastructure expansion nitong 2007 upang mapaganda ang reception ng GMA-7 signal sa mga probinsiya.

Sinabi naman ng Regional Services and Expansion head na si Ricky Escudero na gumastos sila ng P62.03 million para sa promotional activities. "There is definitely nothing illegal or dubious with our promotions," giit ni Escudero.

CONTEMPT OF COURT. Kaugnay ng paratang ng ABS-CBN na may dayaang nagaganap sa ratings sa Bacolod, nagsampa ang Kapamilya network kahapon, December 26, ng contempt of court laban sa AGB Nielsen dahil sa patuloy nitong pagpapalabas ng ratings, sa kabila ng Temporary Restraining Order (TRO) na inisyu sa kanila ng Quezon City Regional Trial Court noong December 20.

Depensa naman ng AGB, Bacolod lang ang sakop ng TRO at hindi ang iba pang lugar sa bansa gaya ng Mega Manila.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN