Former president Erap Estrada proud of son Jinggoy for winning best actor

IMAGE 0


"Maipagmamalaki ko siya at masasabi kong may pinagmahanan siya," says former President Joseph Estrada about son Jinggoy Estrada's (inset) Best Actor Award from the Metro Manila Film Festival.



Bilang isang ama, labis-labis at umaapaw ang kagalakan ni dating pangulong Joseph "Erap" Estrada sa pagkapanalo ng kanyang anak na si Jinggoy Estrada bilang Best Actor sa 2007 Metro Manila Film Festival Awards Night na ginanap noong Sabado, January 5.

Nakausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) si Erap sa tahanan nito sa San Juan kahapon, January 6, ng madaling-araw. Dito tumuloy ang grupo ni Jinggoy Estrada matapos ang awards night ng MMFF, kung saan nagwagi siya ng Best Actor Award para sa Katas ng Saudi.

"Maganda ang pelikula. Napanood ko ito. Ang pakiramdam ko, talagang pinipilit niyang makapantay sa akin," pahayag ni Erap tungkol sa pagwawagi ni Jinggoy.

Ano ang naramdaman ni Erap nang ipakita ni Jinggoy sa kanya ang trophy nito?

"Siyempre, bilang isang ama, kapag nakita mong nagtagumpay ang iyong anak, umaapaw ang galak sa iyong puso. Nakita mo siyang lumaki at gusto mo na maging maganda ang kanyang kinabukasan. Ngayon, Best Actor pa siya. Parang pinipilit niya na gayahin ako. Nasisiyahan naman ako. Maipagmamalaki ko siya at masasabi kong may pinagmahanan siya," pahayag ni Erap.

Proud din ang dating pangulo sa Katas ng Saudi na tumalakay sa kuwento ng isang OFW na ginampanan ni Jinggoy.

"Maganda ang pelikula dahil may kabuluhan ito,"sabi ni Erap. "Lagi kong sinasabi na ang mahihirap, na karamihan ay mga kamag-anak na OFW, ay malaki ang naitutulong sa ekonomiya ng bansa. Dahil sa mga OFW kaya nabubuhay ang pamamalakad ng pamahalaan. Dahil sa mga remittances na kanilang ipinapadala kaya nakakaahon ang bansa."

Ayon pa kay Erap, dapat din daw bigyan ng pansin ng kasalukuyang pamahalaan ang kapanakan ng mga mahihirap.

Bilang isang private citizen, patuloy pa rin sa pag-reach out ni Erap sa mga mahihirap. Hindi naman daw niya kailangan na maging pangulo para tumulong sa taong nangangailangan.

"Kung sino si FPJ [ang yumaong Fernando Poe Jr.], si Erap, sa ngayon, dahil iyan sa mga mahihirap. Sila ang tumangkilik sa amin. Kahit na sinasabi ng mga mayayaman na bakya ang masa, malaki ang utang na loob namin ni FPJ sa masang Pilipino. Hindi kami magkakaroon ng pangalan. Hindi ako magiging producer at hindi ko mararating kung anuman ang mayroon ako kundi sa tulong at pagtangkilik ng masa sa pelikula," lahad ng dating pangulo.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Utang daw niya sa masang Pilipino ang kanyang kasikatan sa pelikula at maging ang tagumpay na kanyang nakamit sa larangan ng pulitika. Ngayong napipinto ang kanyang pagbabalik-pelikula dahil sa pelikulang pagsasamahan nila ni Ai-Ai delas Alas, hindi pa rin daw niya tatalikuran ang pagtulong, hindi lang sa masa, kundi pati sa marginalized people sa industriya ng pelikula.

Si Erap ang nagtayo ng Mowelfund (Movie Workers Welfare Foundation) para sa marginalized people behind the camera—ang mga crew, technicians, ang mga unsung heroes na katulong sa paggawa ng pelikula.

"Kung wala sila, hindi mabubuo ang isang pelikula. Sila ang dahilan kung bakit itinayo ko ang Mowelfund," pahayag pa niya.

Nang hingin ang reaksiyon niya sa sinabi ni Ai-Ai na gusto niyang magkaroon ng kissing scene with Erap, ito ang naging sagot niya: "Baka naman nagbibiro lang siya. Puwede naman siguro. Magaling siyang artista."

May posibilidad kaya na magsama sila ng anak niyang si Jinggoy sa isang pelikula?

"Tignan natin. Basta may magandang istorya na karapadat-dapat at naaayon sa panahon," sabi ni Erap. "Nami-miss ko rin ang paggawa ng pelikula. Diyan ako nakilala. Diyan ako sumikat producer. At marahil utang na loob sa pelikula at sa mga taong tumangkilik nito kung bakit akong naging matagumpay sa mga larangang pinasok ko. Sinasabi ko na di ako makakabayad sa mga tao. Mabubuhay at mamatay si Erap na di makakabayad ng utang sa masa."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN