Tonyboy-Gretchen-Dodie "love triangle": What's the real deal?

IMAGE 0


Controversial actress Gretchen Barretto (middle) is reportedly caught in a love triangle between live-in partner Tonyboy Cojuangco (left) and lawyer Dodie Puno (right).



Palaisipan pa rin hanggang ngayon ang kuwentong Gretchen Barretto, Tonyboy Cojuangco, at Dodie Puno.

Naisulat dito sa PEP (Philippine Entertainment Portal) kahapon, Enero 28, ang usap-usapan na pinalayas na diumano ni Tonyboy sa kanilang tahanan si Gretchen dahil sa relasyon daw nito kay Dodie, ngunit hindi nito naisama ang anak na si Dominique at maging ang kanyang mga mamahaling kagamitan.

Bukod dito, nagbigay rin ng suporta kay Gretchen ang ilan niyang mga kaibigan, gaya nina Boy Abunda at Ruffa Gutierrez. Base sa mga pananalita nila, tila kinukumpirma nga nila na may dinadalang problema ngayon si Gretchen kaugnay ng pagsasama nila ni Tonyboy.

Sa kabila ng mga impormasyon nailathala dito sa PEP kahapon, marami pang ibang usap-usapan na matagal nang umiikot sa showbiz na taliwas sa mga naisulat na.

GRETCHEN-DODIE LOVE ANGLE. Una, meron nga raw namamagitan sa pagitan ni Gretchen, live-in partner for 12 years ni Tonyboy, at Dodie na miyembro ng isang prominente at makapangyarihang political clan. Si Dodie ay ang nakababatang kapatid nina Secretary Ronnie Puno ng Department of Interior and Local Government at Atty. Dong Puno ng ABS-CBN News & Current Affairs.

Pangalawa, malalim na raw ang ugnayan nina Gretchen at Dodie. Ang kuwentong ito ay galing mismo sa isang immediate family ni Dodie. Ayon sa source, si Gretchen ay sumasali na sa family functions ng mga Puno, at madalas pa nga raw umuwi ang aktres ng alas-dos o alas-tres ng madaling-araw mula sa date nila ni Dodie.

AWARE OF THE AFFAIR? Pangatlo, alam na raw ni Tonyboy ang tungkol kina Gretchen at Dodie. Ngunit taliwas sa sinasabing pinalayas niya si Gretchen, tiim-bagang daw na tinanggap ni Tonyboy ang panibago na namang mga kaganapan sa buhay ng kinakasama niya, sa kabila ng pagtutol ng Cojuangco clan. Mahal na mahal daw kasi ni Tonyboy si Gretchen, at gaya ng katatapos lang na Gretchen-John Estrada photo kisscandal, pinalampas na naman daw ni Tonyboy ang Dodie episode sa buhay ng magandang aktres.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Pang-apat, kapag tinatanong ng mga kaibigan si Gretchen, tumatawa lang daw ito at kalmadong-kalmadong nagsasabing "It's not true," o di kaya'y "I'm just having fun." Ang nakapagtataka lang, sa kabila ng balitang kalmado lang si Gretchen tungkol sa isyu ay hindi nagpapakita ngayon ang aktres sa mga kaibigan at madalas ay hindi niya sinasagot ang mga tawag o text sa kanya ng mga matatalik na kaibigan niya sa showbiz.

Pang-lima, marami ring balitang lumalabas na galit diumano kay Gretchen ang ilan sa Cojuangco family members na nagugulat at naguguluhan sa nakararating na mga istorya sa kanila, kaya naman nagtatanong sila sa ilang kaibigan mula sa showbiz.

DODIE VS. TONYBOY. Pang-anim, si Dodie ay "single" diumano ngayon dahil walang nababalitang regular partner nito. Si Dodie ay sinasabing ikinasal noon sa kapatid ng dating Miss International na si Aurora Pijuan, kung saan mayroon daw itong dalawang anak. Public knowledge naman na may anak din si Dodie sa dating beauty queen at aktres na si Alma Concepcion. Sinasabi ring meron pa siyang tatlong anak sa ibang babae.

Pampito, dun naman sa mga miron na nagkukumpara ng katayuan sa buhay nina Dodie at Tonyboy, sinasabi nilang malayo ang financial standing ni Dodie kay Tonyboy. Si Tonyboy ay bilyonaryo on his own. Si Dodie ay nakaririwasa rin ngunit sa tingin ng mga naghahambing, hindi niya kayang ibigay kay Gretchen ang buhay na tinatamasa nito ngayon kay Tonyboy.

Sa piling ni Tonyboy, si Gretchen ay tagapamahala ng ilang prime properties; nakakapagbiyahe sa anumang lugar sa mundo anumang oras na naisin niya; at may koleksiyon ng isa sa pinakamatinding wardrobe collection sa lahat ng mga artista. Bukod dito ay may sarili ring beauty parlor si Gretchen sa loob ng kanyang bahay.

Sinasabing inalok na ng kasal ni Dodie si Gretchen. Liban dito, sinasabi ring tanggap naman ng pamilya ni Dodie ang aktres. Pero ayon sa isang malapit na miyembro ng pamilya Puno, ang hindi na lang makatanggap kay Gretchen ay ang ina ni Dodie. Sa kabilang banda, hanggang ngayon ay hindi pa rin tanggap si Gretchen ng Cojuangco clan, sa pangunguna ng ina ni Tonyboy na si Mrs. Imelda Cojuangco.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Pang-walo, bagama't madalas raw sabihin ni Gretchen, "What I have is a marriage," na ang ibig sabihin ay hindi niya iniinda ang katotohanang hindi pa siya mapakasalan ni Tonyboy—ang totoo raw ay malaking bagay para sa kanya ang tanggapin siya at ipagmalaki ng pamilya ng lalaking nagmamahal sa kanya. Si Tonyboy ay legally married pa rin kay Denise Yabut, anak ng yumaong Makati Mayor Nemesio Yabut.

CLAUDINE SAYS. Dahil hindi pa rin nagsasalita si Gretchen, si Tonyboy, o si Dodie, naghahalu-halo na ang mga kuwentong lumalabas sa mga tabloid, radyo, at TV. Hindi malinaw kung ang sinasabing pagpapalayas ni Tonyboy kay Gretchen ay ang pinakahuling kaganapan sa kuwentong ito.

Gaya ng pagtanggi ni Claudine Barretto na pinalayas ni Tonyboy ang kanyang Ate, maaari ring totoo ito at sa mga oras na ito ay tahimik pa ring nagsasama sa Dasmariñas Village mansion nila si Tonyboy, si Gretchen, at ang anak nilang si Dominique.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN