FIRST READ ON PEP: Source says Regine Velasquez stays with GMA-7 after meeting with big bosses

IMAGE 0


After weeks of seriously considering moving to ABS-CBN, Asia's Songbird Regine Velasquez has finally decided to remain a Kapuso after meeting with top GMA-7 executives earlier today, February 18.


Ilang araw nang pinoproblema ni Regine Velasquez ang nakabiting desisyon niya kung lilipat ba siya sa ABS-CBN o mananatili bilang isang Kapuso sa GMA-7. Naisulat na namin dito sa PEP (Philippine Entertainment Portal) na kung hindi mapipigilan, puwedeng masungkit na nang tuluyan ng ABS-CBN si Regine.

Nakahanda na ang lahat sa paglipat ng Asia's Songbird. Isang pirma na lang ang kailangan para tuluyan siyang maging Kapamilya. Hanggang sa huling sandali, ayon sa isang source na malapit kay Regine, masakit sa loob ni Regine ang paglipat sa ABS-CBN. Pero wala na siyang choice at that time kung hindi ang lumipat.

But PEP has the inside story on how this ABS-CBN deal with Regine was thwarted. Kampante ang GMA-7 na kahit kumakalat ang balitang kinu-consider ni Regine ang paglipat sa Dos noon, iniisip nilang hindi ito basta magagawa ng Asia's Songbird.



For a time, parang binabalewala ng Kapuso network ito. Ayon sa source, nanliit si Regine nang alukin diumano siya ng Kapuso network ng isang bagong show na bahagi ng Dramarama sa Hapon.

Mahirap tapatan ng GMA-7 ang offer ng ABS-CBN, kasama ang multimedia deal sa recording at pelikula. Kung natuloy si Regine sa ABS-CBN, magkakaroon siya ng sariling musical-variety show, bukod sa planado ang lahat ng gagawin niya sa recording at pelikula.



In fairness sa GMA-7, inalok nila kay Regine ang hosting job para sa Pinoy Idol nang mag-fold up ang Pinoy Pop Superstar. FremantleMedia approved Regine as the show's host, kahit nga overage na ang singer-actress. Pero ang naging problema roon, hindi kakayanin ni Regine ang rigid schedule kaugnay ng reality TV singing contest. Kalahati lang daw ng schedule na naibigay ang pupuwedeng sang-ayunan ni Regine kaya nag-decide ang GMA-7 at FremantleMedia na si Raymond Gutierrez na ang gawing host ng Pinoy Idol.



Hindi hawak ng GMA-7 ang kabuuan ng schedule ni Regine kaya tiyak na magkaka-conflict. Ito rin ang naging problema nang magtangkang gumawa ng isang soap opera si Regine sa GMA-7 noon, ang Forever in My Heart, na hindi nagtagal sa ere dahil sa erratic na schedule ni Regine.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW



This morning at 10:30, February 18, dumating si Regine sa tanggapan ni Atty. Felipe Gozon, ang top honcho ng GMA-7, para ayusin kung anuman ang problema. Obviously, ang pandededma ng GMA-7 for the past few days sa kaso ni Regine ay nagkaroon ng drastic move and decision dahil nga sa nakakaalarma ang pag-iyak ni Regine sa SOP kahapon.



Ayon sa source, walang alam na ibang dahilan ang marami sa emotional outburst ni Regine sa nabanggit na show, pero malinaw sa malalapit sa Songbird na 'yon ay luha ng pamamaalam sa Siete at sa show na talagang minahal ni Regine.

Nasa SOP din kasi ang kanyang boyfriend na si Ogie Alcasid at ang mga malalapit niyang kaibigan na sina Jaya at Janno Gibbs. Bukod pa sa napalapit na rin sa kanya ang karamihan sa mga young performers dito, gaya nina Jolina Magdangal, Kyla, Karylle, Dingdong Dantes, at iba pa.



"Masakit sa loob ni Regine ang ginagawang trato ng GMA-7 sa kanya. Parang ang feeling niya, ito ba ang kapalit ng pagiging loyalistang Kapuso niya?" pahayag ng aming source.

Nagkaayos sa masinsinang usapan sina Regine at mga GMA-7 bosses. Ang immediate plan ay ang pagsisimula ng isang soap opera na pagbibidahan ni Regine, at hindi ito daytime show gaya sa ikinabuwisit niya noong una, kung hindi pang-primetime na.



Isa pang bigwig ng GMA-7, si Ms. Wilma Galvante, ay talagang nag-dialogue daw ng, "Hinding-hindi ko matatanggap na mawala si Regine sa GMA!" Ito ang na-realize nila nang mapag-alaman nilang isang serious matter pala ang paglipat sa Dos na kinu-consider na talaga ng kampo ni Regine.



Ayon sa aming source, "Hindi magiging maligaya si Regine sa paglipat sa Dos dahil makakaapekto ito sa showbiz status niya kung sakali. Walang katiyakan kung mas gaganda ba ang takbo ng lahat sa career niya despite the big offer from ABS-CBN. Pero kung ginawa niya siguro 'yon, 'yon ay dahil sa wala na rin siyang ibang pupuntahan at ang pangde-dedma ng Siete sa mga naiparating niyang kahilingan ay talagang hindi rin niya matanggap."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW



Naramdaman ni Regine sa biglang pagtawag ng emergency meeting with some GMA-7 bosses na malaking artista pa rin pala siya sa Kapuso network na ipaglalaban ng mga ito.



Kaya, at press time, mananatiling Kapuso si Regine. Tingnan na rin lang natin kung hanggang kailan mapagbibigyan si Regine sa mga gusto niyang mangyari sa kanyang career, at kung kakayanin pa rin ng GMA-7 ang liberty and freedom na tinatamasa ng isang malaking artistang gaya ni Regine sa nabanggit na network.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN