Hero Angeles on being Kapuso: "Masaya na may halong excitement."

IMAGE 0


"Hindi ko na-imagine na makikita ko yung sarili ko sa screen na may station logo ng GMA sa upper right. Nakakatuwa lang na yung iniisip mong imposible, puwede pala talagang mangyari," says Hero Angeles about being a Kapuso contract artist.



Ngayon ay certified Kapuso na ang young actor na si Hero Angeles. Pumirma siya ng one-year contract with GMA-7 Network and GMA Artist Center last March 1.

Bagama't regular na siyang napapanood sa Walang Tulugan Presents Master Showman, ang fantaserye na Dyesebel ang magsisilbing first big break ni Hero sa GMA-7. Bagama't hindi pa kinukunan ang kanyang mga eksena ay masaya ang 23-year-old actor sa pagkakasali niya sa isang malaking proyekto gaya ng Dyesebel, na pinagbibidahan nina Marian Rivera at Dingdong Dantes.

"Sinabi sa akin ‘to, hindi pa ako nakaka-sign nun. So hindi ko alam kung ano ang ibibigay na project. Nung nalaman ko na Dyesebel ‘yon, kinabahan ako kasi ang kasama ko sina Marian at Dingdong. E, alam naman natin na top-rater yung Marimar. So, nakaka-pressure talaga.

"Pero naging masaya rin ako kasi si Direk Joyce [Bernal] ang magdidirek. Nakasama ko na siya before sa SCQ Reload [defunct teen show of ABS-CBN], na-handle na niya ako. So nung nag-workshop kami, nandun din siya. Parang naglaro lang kami, parang reunion lang," kuwento ni Hero sa grand launch ng Dyesebel last April 21 sa poolside ng Sofitel Hotel.

Nilinaw ni Hero na hindi porke't may primetime soap na siya ay iiwan na niya ang Walang Tulugan ni German "Kuya Germs" Moreno.

"Siyempre, hindi ko makakalimutan yung pagku-co-host ko sa Walang Tulugan. Kasi malaki rin ang utang na loob ko dun, e," saad niya.

Si Kuya Germs ang naging daan kaya finally ay natuloy na si Hero na maging isang Kapuso.

Paliwanag ni Hero, "Kasi nagge-guest ako dati sa Walang Tulugan, nagku-co-host ako. Sabi lang niya [Kuya Germs], nabanggit ni Ma'am Wilma [Galvante] na gusto ka nila. So in-invite nila kami ng kuya ko [Henry Angeles] para sa meeting, sinabi nila yung ideas."

AWAY FROM SHOWBIZ. Habang hindi aktibo sa showbiz si Hero ay hindi naman ibig sabihin na wala rin siyang ginagawa. Ipinagpatuloy niya ang kanyang pag-aaral sa University of the Philippines, kung saan third year na siya sa kursong Visual Communication. Bukod dito ay sinubukan din niyang magdirek ng isang digital film, ang Stockroom.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Dagdag niya, "Sinubukan ko ring gumawa ng iba't ibang bagay. Nag-volunteer din ako, nagturo din ako sa mga bata. Saka nagde-design ako ng tourism shirts para sa Tagaytay, charity siya. Nag-volunteer akong mag-design. Yung kikitain nun, mapupunta sa Pag-asa Social Center."

Inamin ni Hero na sumagi sa isip niya na huwag na lang ituloy ang kanyang showbiz career.

"Parang naglaro sa isip ko na, ‘Magtutuloy pa ba ako sa showbiz? Para sa akin ba ito or what?' Kasi before, dapat nag-sign na ako sa GMA, di ba? Bale ako mismo yung tumatanggi sa offers. Kasi nga, naguguluhan pa ako nun.

"Hindi lang alam ng tao, akala nila ayaw ng kuya ko, bina-block ng kuya ko. Bale personal decision ko na huwag muna dahil sa mga nangyari. Kailangan ko lang ng space that time."

Tatlong taon ang hinintay ni Hero bago siya nagkaroon ulit ng regular TV show. Ang huli niyang proyekto ay ang teen show ng ABS-CBN na SCQ Reload. Gaya ng alam na ng lahat, naging kontrobersiyal ang pag-alis ni Hero sa Kapamilya network, kung saan siya nagwagi sa artista search na Star Circle Quest.

EDUCATING HERO. Ngayong nabigyan siya ulit ng pagkakataon upang humarap muli sa kamera, ano ang mga natutunan niya sa mga nangyari sa kanyang showbiz career?

"Actually, ang natutunan lang dun, hindi kailangang patulan lahat ng mga bagay na kumukuha ng atensiyon ng lahat," panimula ni Hero. "Kung hindi naman kailangan talaga, huwag tutukan kasi masisira ang buhay mo kung tututukan mo lang yun. Kasi alam naman ng lahat na ang katotohanan ang mangingibabaw, di ba? So yung mga ganung bagay, huwag na nating pansinin. Kung may mga negative—kasi hindi mawawala ‘yan sa showbiz, e—hayaan na lang natin ‘yan.

"Pero kung kailangan mong ipagtanggol ang sarili mo, ipagtanggol mo siyempre. Kahit sobrang pangit niya, sobrang hindi ko siya nagustuhan, yun yung nagmolde sa akin na lakasan ko yung loob ko, bigyan ko pa ng hope yung sarili ko, faith. Kung wala rin ‘yon, wala ako dito," pahayag niya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Dahil sa paninindigan niya sa ipinaglalaban niya, naakusahan si Hero na masyadong matigas ang ulo at hindi nakikinig. Nakabangga niya ang ilan sa pinaka-maimpluwensiyang tao sa showbiz na lalong nakaapekto sa kanyang career. Pagkalipas ng ilang taon, natuto na ba si Hero sa mga nangyari sa kanya?

"Kung alam ko na ang pinaninindigan ko tama naman, paninindigan ko ‘yon," sabi ni Hero. "Kung alam kong mali, sinasabi ko kung mali ako. Ang nabago lang siguro sa akin, mas nag-mature ang pag-iisip ko.

"Siyempre, kailangan mong makisama dito, e. ‘Yan nga yung sinasabi nilang magtiis ka muna. Parang kalsada ‘yan, e. ‘Pag umaandar ka, hindi mo mae-expect yung mga makakasalubong mo... Kahit gusto mong tumakbo nang mabilis, mata-traffic ka. So, tanggapin mo. Kasi kung traffic, wala ka namang magagawa, kahit mamuti ka, hindi ka aandar. Sa showbiz, ganun din. Kung ano yung dumating na bagay, tanggapin mo," pag-aanalisa ng young actor.

Kapansin-pansin sa mga sagot ni Hero sa mga katanungan ng entertainment press ang pagiging "reactionary" niya, at times defensive.

Paliwanag niya, "Siyempre kapag kinausap ka, magre-respond ka. May reaction sa lahat ng bagay. Hindi yun pagiging offensive, hindi rin pagiging defensive. Hindi rin ‘yan pagiging maangas or something."

NEW KAPUSO. Noong March 29 ay nakasama ni Hero ang mahigit sa isandaang contract artists ng GMA Artist Center sa shooting para sa bagong image plug ng talent arm ng GMA-7. Aminado si Hero na medyo nahirapan siyang makibagay dahil halos wala siyang kilala sa kanyang mga nakasama.

Ayon kay Hero, "Mahirap maki-relate kasi almost lahat ng talents magkakakilala na. Bale ako, nangangapa pa lang. Pero nakakausap ko naman sila, approachable naman sila. Yun lang, di ko alam kung saan ako mag-i-start. Pero buti na lang may mga kakilala akong iba. Yung mga nakakausap ko rin talaga dun, sina Yasmien [Kurdi], si Mark [Herras], si Jennylyn [Mercado], si Nadine [Samonte]... Mga StarStruck Batch 1. Kasi nakilala ko na sila before, so sila-sila pa rin."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ironically, ang StarStruck ang nakatapat noon ng Star Circle Quest na kinabilangan ni Hero.

Ano ang pakiramdam ng maging isang Kapuso?

"Una, hindi ko ini-expect," sabi ni Hero. "Hindi ko na-imagine na makikita ko yung sarili ko sa screen na may station logo ng GMA sa upper right. Nakakatuwa lang na yung iniisip mong imposible, puwede pala talagang mangyari. Nakakatuwa lang malaman na ang buhay mo sa showbiz, hindi lang natatali sa isang network.

"Iba, iba... Masaya na may halong excitement. Before pa bago pa ako naging artista, naging talent na ako. Nakapag-talent na ako dito [GMA-7], soap nila Dingdong Dantes at Tanya Garcia [Sana ay Ikaw Na Nga], yung wedding scene nila. Nakapag-talent na ako sa kabila [ABS-CBN].

"Ngayong nasa GMA na ako, sabi ko, ‘Ah ganito pala yung feeling ng GMA.' Kasi nung extra pa lang ako, hindi ko nararamdaman yun, e. Nung nagge-guest ako sa shows ng GMA, welcome naman ako, mabait naman yung mga tao sa akin, mga staff, mga crew, friendly naman sila. Pero dito sa Dyesebel, hindi pa ako nakakapag-taping, hindi ko pa nakikilala lahat, so hindi ko pa alam. Pero sa nakikita ko, sa preview pa lang, feeling ko magiging okay naman," lahad niya.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN