Lorna Tolentino: "Alang-alang kay Rudy, magpapatuloy kami ng mga anak niya."

by Archie de Calma
Jun 10, 2008
"Mula sa umpisa, ipinagpaubaya na namin ni Rudy ang lahat sa Panginoon. Ginawa na namin ang lahat ng aming makakaya para kahit paano, pahabain pa ang kanyang buhay. Pero hanggang doon na lang yun. Thy will be done. Never naming kinuwestiyon ang mga pagsubok na ito, kaya lalong naging malakas ang pananalig namin sa Diyos sa kabila ng lahat," says Lorna Tolentino.

Kahapon, June 9, ay mas maaliwalas na ang mukha ni Lorna Tolentino nang humarap siya sa mga nakikiramay sa yumaong asawang si Rudy Fernandez. Noong unang gabing nakiramay ang grupo ng PEP (Philippine Entertainment Portal) sa labi ng action superstar sa Heritage Park, sa Taguig City, ay mugtong-mugto ang mga mata niya sa ilang araw na ring pag-iyak sa sinapit ng asawa.

"Noong Linggo [June 8] kasi, umidlip lang ako ng ilang oras. Naramdaman ko na lang na parang may malamig na hanging humaplos sa akin. Parang naalimpungatan ako. Palagay ko, pagpaparamdam na yun ng asawa ko na maayos na siyang nakakapagpaalam sa akin.

"Sa pagpikit ng mga mata ko, nakakatulog lang ako ng konti, akala ko siya [Rudy] yung biglang manggigising sa akin. Pagdilat ng mga mata ko, si Precy [Ejercito, Jinggoy Estrada's wife] pala, kinukumutan ako," nangingiting kuwento ng biyuda ni Daboy.

Kahapon ay medyo humupa rin ang dami ng mga taga-showbiz na dumalaw sa burol ni Daboy. Understandable yun dahil simula na ng pagbubukas ng mga klase sa eskuwelahan ngayon.

Continue reading below ↓

"Yun yung time na sinasamantala namin para makipag-meeting sa ilang mga kaibigan at kamag-anakan," sabi ni Lorna. "Ilang bagay na hindi naman puwedeng ako lang ang magde-decide, kung hindi yung hihingin ko rin siyempre ang opinyon at masasabi ng mga malalapit na kamag-anak ng asawa ko.

"Pero kailangang naririto pa rin kami para harapin ang publikong nag-aabalang pumunta rito para makiramay. Sa kanilang lahat, nagpapasalamat ako kasama ang aming pamilya ni Rudy sa kanilang tulong at taos-pusong pakikiramay."

THY WILL BE DONE. Inamin ng aktres na hanggang ngayon ay sariwa pa rin sa kanyang alaala ang mga huling sandali ng mister niya na kapiling siya.

"Yung pinakamasakit na ungol niya, ramdam na ramdam ko pa rin," at medyo nangilid pa rin ang mga mata ni LT. "Naririnig ko pa rin, at talagang may mga sandaling iniiyakan ko pa rin.

"Mula sa umpisa, ipinagpaubaya na namin ni Rudy ang lahat sa Panginoon. Ginawa na namin ang lahat ng aming makakaya para kahit paano, pahabain pa ang kanyang buhay. Pero hanggang doon na lang yun. Thy will be done. Never naming kinuwestiyon ang mga pagsubok na ito, kaya lalong naging malakas ang pananalig namin sa Diyos sa kabila ng lahat," very positive na sabi ng aktres.

Continue reading below ↓

Ito ang dahilan kung bakit very admirable ang katatagan ng loob at pananalig ni Lorna sa kabuuan ng paglalakbay nilang mag-asawa para sa pakikipaglaban sa pinakamatinding pagsubok na pinagdaanan nilang mag-asawa sa nakaraang dalawang taon.

"Sa mga ganitong pagkakataon, wala ka namang panghahawakan kung hindi yung pananalig mo sa Kanya," sabi niya. "Naroroon agad ang pagtanggap. Pero hindi kami nawawalan ng pag-asa na kung makakagawa kami ng paraan, may maitutulong pa rin yun para pahabain ang buhay ng mister ko.

"Kung hanggang doon na lang talaga yun, Diyos ang nakakaalam, at ang kasagutan sa mga tanong ay malalaman din sa takdang panahon. Basta ako, never kong kinuwestiyon ang lahat ng kaganapang ito at hinarap ko na lang, bilang pagbibigay ng lakas ng loob pa sa asawa ko noong nabubuhay pa siya."

ALL PROPERLY PLANNED. Lahat halos ng mahahalagang desisyon ay naihabilin ni Daboy sa asawa bago ito nalagutan ng hininga.

Continue reading below ↓

"Pati itong sa Heritage Park, napadaan lang kami rito noon. Nabanggit na niya na kung sakali, dito niya gustong puntahan siya ng mga nagmamahal sa kanya.

"Naging praktikal naman kami. Pero hanggang sa huling sandali, hindi talaga ako sumuko. Naiiyakan ko ang mga nasasabing pagtanggap na ni Rudy sa kanyang sitwasyon, pero ako yung gusto pa ring lumaban, hangga't makakaya. Ganoon talaga kapag mahal mo ang isang tao. Ikaw dapat ang magiging lakas niya," pahayag ng asawa ni Daboy.

Haharapin ni Lorna ang bagong kabanata ng buhay niya ngayong wala na ang kanyang asawa nang mas matapang.

"Pero, hindi na siya mabubura sa puso ko," nakangiti niyang sabi. "Inihanda rin niya ako para rito. Alang-alang kay Rudy, magpapatuloy kami ng mga anak niya, sina Mark [Anthony], Ralphe at Renz, lahat ng mga nagmamahal sa kanya, para sa higit pang pagsubok ng buhay," pagwawakas ni Lorna.

Read Next
Read More Stories About
Lorna Tolentino, Rudy Fernandez
Featured
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
"Mula sa umpisa, ipinagpaubaya na namin ni Rudy ang lahat sa Panginoon. Ginawa na namin ang lahat ng aming makakaya para kahit paano, pahabain pa ang kanyang buhay. Pero hanggang doon na lang yun. Thy will be done. Never naming kinuwestiyon ang mga pagsubok na ito, kaya lalong naging malakas ang pananalig namin sa Diyos sa kabila ng lahat," says Lorna Tolentino.
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results