Ang sinimulang classroom pantry ni Rafael Gutierrez para sa kanyang Grade 3 students ay mabilis na naging school pantry dahil sa tugon ng netizens.
Kaya ang maliit na classroom pantry na ginawa ni Teacher Rafael, napuno na ng mga pagkain dahil sa dumating na tulong.
Nitong weekend, nag-post ang 23-year-old teacher ng ginawang TikTok video tungkol sa hirap ng kanyang Grade 3 students sa Diodol Elementary School, sa Aglipay, Quirino.
Sa video na kinunan gamit ang kanyang camera, mapapanood ang pakikipag-usap ni Rafael sa kanyang students.
Tinatanong niya ang mga ito kung ano ang kanilang kinain bago pumasok.
May mga estudyante na sumagot na tubig lang ang kanilang inulam bago pumasok.
Maririnig si Rafael na sinasabihan ang kanyang mga estudyante na pumasok pa rin kahit na mahirap ang buhay.
Nakikita raw ni Rafael ang kanyang sarili sa mga mag-aaral niya dahil nanggaling din siya sa hirap.
Sa isang sulok ng classroom ay nilamnan ni Rafael ng mga tinapay, biscuit, instant noodles, de-lata, at iba pang pagkain ang isang shelf.
Sa oras ng meryenda, makakapili ang bawat mag-aaral ng gusto nilang kainin.
Sa isa pang bahagi ng video, mapapanood ang pakikipagpulong ni Rafael sa mga magulang ng mga bata.
Ani Rafael sa mga magulang: “Papasukin nang papasukin ang mga anak natin kahit wala man tayong ipabaon sa kanila.”
Paalala niya, huwag i-discourage ang kanilang mga anak na pumasok porke’t wala silang maibibigay na baon.
Sabi ni Rafael, pakainin ang kanilang mga anak ng agahan at silang mga guro ang bahala sa libreng meryenda.
Pero paalala ni Rafael, ang libreng meryenda ay para lamang muna sa Grade 3 students dahil ito lang ang kaya ng kanyang bulsa.
CLASSROOM PANTRY EXPANDS TO SCHOOL PANTRY
Isang araw matapos i-post ni Rafael ang video, tumugon ang netizens.
Umani ng papuri si Rafael sa mga netizens at may mga nag-abot ng tulong.
Kaya ang dating classroom pantry ay naging school pantry na, kung saan lahat ng mag-aaral sa kanilang eskuwelahan ay maaari nang kumuha ng libreng meryenda.
“May mga nag-abot na po ng tulong after 24 hours po ng pagkaka-upload," lahad ni Rafael sa report ng Philippine Information Agency (PIA)– Region 2.
"Magiging pantry na po siya di na lamang po ng mga Grade 3 kundi ng buong school po.”
Grade 3 teacher na si Rafael Gutierrez at ang itinayo niyang classroom pantry.
Ikinagalak din ng kanilang school principal ang naging inisyatiba ni Rafael.
Sabi ni Rafael, “Masaya po siya [principal], lalo po noong itinawag ko sa kanya dahil Sunday po yun, 12:30.
“Ipinaalam ko po na hindi na lamang po sa grade na hinahawakan ko ang maaaring matulungan, kundi buong eskuwelahan na po.
“Tinanong ko po sa kanya kung anong maaari naming gawin kinabukasan [Lunes], at ibinahagi po niya na pamamahagi po ng school supplies para sa mga bata, at feeding program sa tulong na din ng mga kapwa ko guro dito.”
Sa tulong ng kanyang mga kapwa guro, nagbigay sila ng school supplies sa kanilang 103 mag-aaral, mula Grade 1 hanggang Grade 6.
Mas napuno na ang classroom pantry na sinimulan ni Teacher Rafael Gutierrez sa pagbuhos ng tulong.
Sinabi rin ni Rafael na hihikayatin nilang magsagawa ng libreng feeding program sa kanilang school isang beses sa isang linggo.
Mensahe ni Rafael, "Kung may kakayahan po tayong tumulong, tumulong po tayo.
“Gaano man kaliit o kalaki iyan, tulong pa rin at hindi ninyo alam ang maaring maidulot o impact nito sa buhay ng isang tao."