Gabby Concepcion wants to terminate management contract with Mrs. Rose Flaminiano

by Julie E. Bonifacio
Sep 15, 2008
"Tumatanaw ako ng utang na loob kay Momy Rose kasi kung hindi dahil sa kanya, wala ho ako rito [sa Pilipinas]. Kung hindi dahil sa kanya, hindi ko makikita ang ama ko. I'm very, very thankful for that," clarifies Gabby Concepcion in the midst of controversy with his manager Mrs. Rose Flaminiano (inset).

Nagsalita na si Gabby Concepcion tungkol sa isyu nila ng kanyang manager na si Mrs. Rose Flaminiano sa taped interview sa kanya ni Boy Abunda na ipinalabas sa The Buzz kahapon, September 14.

Noong Martes, September 9, isang sulat ang ipinadala ng abugado ni Gabby Concepcion na si Atty. Raymund Fortun kay Mrs. Flaminiano. Sa nasabing sulat, inisa-isa ng abugado ni Gabby ang mga reklamo at hinaing ni Gabby laban sa kanyang manager. Kabilang na rito ang date na nakalagay sa management contract na pinirmahan ni Gabby noong January 2008 sa San Ramon, California.

Nagulat daw ang aktor nang makuha niya ang kopya nito kamakailan. Handwritten ang date at ang nakagalay ay April 1, 2008. May additional na typewritten intercalation o pagdadagdag ng buwan diumano sa huling bahagi ng kontrata para palabasin na si Gabby ay humarap sa notary public sa Pilipinas at nag-attest sa nasabing kontrata. Nangangahulugan daw ito ng panloloko.

Continue reading below ↓

Inilagay rin diumano ni Mrs. Flaminiano si Gabby sa possible criminal charges dahil sa pagpapabayang mabayaran ang kanyang tax liabilities sa kanyang mga proyekto mula pa noong April 2008. Napag-alaman ni Gabby na hindi naisumite ang kanyang TIN (Tax Identification Number) sa Bureau of Internal Revenue (BIR) at wala rin siyang Alien Employment Certificate sa Bureau of Immigration dahil nga sa American citizenship niya.

Sa kabila ng kapabayaan, pinagbantaan pa raw ni Mrs. Flaminiano si Gabby na ire-report niya ang aktor sa BIR kapag sinubukang i-terminate ang management agreement nila. Dahil dito, isa raw itong malinaw na "breach of contractual commitments."

Wala raw "written authorization, full disclosure, proper coordination," at may intensiyon daw na manloko si Mrs. Flamininao sa mga show na ipinapagawa niya sa aktor. Isa na rito ang show ni Gabby sa Pagcor na nagkakahalaga ng P125,000. Pero nang makakuha si Gabby ng dokumento, nakalagay na P150,000 ang kanyang talent fee.

Continue reading below ↓

Ang komisyon at omisyon, kawalan ng transparency, at ang mismanagement ng financial at employment concerns diumano ni Mrs. Flaminiano ang nagtulak sa aktor na humingi ng tulong kay Atty. Fortun. At dahil sa mga nabanggit na dahilan, pinapa-terminate na ni Gabby ang kanilang management contract "effective immediately, in accordance with Article 1191 of the Civil Code." May karapatan diumano si Gabby na mag-claim para sa damages sa lahat ng transaksiyong naganap.

Kung ipipilit daw ni Mrs. Flaminiano ang nasabing management agreement sa kabila ng mga paglabag dito, nakahanda si Gabby na magsampa ng "civil at criminal charges laban sa kanyang manager.

GABBYCRIES FOUL. Hindi raw ginusto ni Gabby ang mga bagay na nangyayari. Pero kung nangyari ‘yon, kailangan lang daw na nandun siya para harapin ito.

Paliwanag niya, "Kaibigan ang hanap ko, hindi mga kaaaway. Gusto ko lang ayusin ang dapat ayusin. Open book ang buhay ko, sana sa tama lang lahat. For as long as we speak the truth, I don't think we can go wrong."

Continue reading below ↓

Nagsimula ang hindi pagkagusto ni Gabby sa kanyang manager nang malaman niya na co-producer pala ng mga show niya si Mrs. Flaminiano.

"Nagkaroon ako ng sama ng loob. Meron kaming show nung August 30 sa Tagaytay. Pagdating ko doon, ‘eto ngayon yung kontrata. Sabi ko, ‘I would like to see the contract because wala akong kontrata.' Nandudun siya [Mrs. Flaminiano]. So, nakita ako nung producer, ibinigay sa akin yung kontrata. So now I told them more, may discrepancy sa kontrata with what I signed at sa hindi ko pinirmahan," lahad ni Gabby.

Nakita raw ni Gabby na mas malaki ang halagang nakalagay sa kontrata kesa doon sa pinirmahan niya. Kinausap ba niya si Mrs. Flaminiano tungkol dito?

"Yun nga, kinausap ko siya through yung gumigitna sa amin na gusto ko siyang kausapin. That night, hindi niya ako sinipot. The next day, sinabi ko sa kanya, this is through Joy again, na kung puwede ko siyang kausapin para maayos na namin ito. Hindi na naman siya nagpakita. Nandudun kami sa Rembrandt."

Continue reading below ↓

Nagpaliwanag din si Gabby sa problema niya diumano sa BIR at sa Bureau of Immigration tungkol sa kanyang Alien Employment Certificate.

"Well, nung nag-usap kami bago kami dumating, ang sabi ko sa kanya meron na akong naririnig na iba na ang BIR sa Pilipinas. Sabi niya sa akin, ‘Ako na ang bahala doon.' Kasi marami na akong naririnig."

Sinabi raw ito sa kanya ni Mrs. Flaminiano bago siya umalis ng Amerika.

"So, meron na raw siyang nakuhang TIN para sa akin. Okey na yun. In fact, nakuha ko pa nga yung TIN. Hinanap ko, e. Nakita ko yung TIN. Pero ang kuwento is, may na-file na ba sa BIR? Wala pa akong pinipirmahan na kahit na ano. Parati ko siyang tinatanong tungkol doon."

Ang sabi raw sa kanya ni Mommy Rose, siya na ang bahalang mag-aasikaso ng tax ni Gabby sa BIR.

Pagkatapos ay nilinaw ng aktor ang tungkol sa kanyang Alien Certificate Employment.

Continue reading below ↓

"Balita ko, napadalhan na raw ako ng memo, although I didn't see that memo. Kaya nagpunta ako doon [Bureau of Immigration] diretso. Ako na mismo, katawan ko mismo. Nagpunta ako run at nag-apply ako. At kinuha ko na ang aking dual citizenship. Okey na ako doon."

Sa sulat na ipinadala ni Atty Fortun sa kanyang manager, nakasaad din ang tungkol sa show ni Roldan Castro, isa sa mga publicist niya.

Ano ang problema tungkol dito?

"Ang point lang kasi dito, kailangang sabihin ninyo lang sa akin. Sabihin ninyo sa akin kung ano ang gagawin ko. Saan at ano ang nakasulat sa kontrata at nasaan ang kontrata ko. Kasi importante sa akin yung kontrata, kasi I need to submit this to the BIR. Yun ang madalas kong sinasabi sa kanya. I need record," saad ni Gabby.

WHAT NOW, GABBY? Ngayong may sigalot sa pagitan nila ng kanyang manager, puwede ba siyang kunin sa mga show at iba pang mga palabas?

Continue reading below ↓

"Yeah, ang point kasi ngayon, scheduling. Yun nga ang aming pinag-uusapan. So, kung tatanungin kung sino ang puwede naming tawagan, meron naman akong telephone number," sagot niya.

Puwede pa bang tumanggap si Mrs. Flaminiano ng proyekto para sa kanya?

"Well, yun na nga ang question na dapat harapin ko, doon sa aking laywer, because we have to settle....Kasi kung tumatanggap pa rin siya nang tumatanggap, okey lang yun sa amin. Yun ang problema namin, kasi we're not aware doon sa mga tinatanggap niya. Dapat makita ko muna."

Sigurado ba siya na ginagawa niya ang lahat para makausap ang kanyang manager?

"Ako nahihirapan ako talaga, I cannot go on this way," sagot ni Gabby. "Kasi ako naman kapag nagtatrabaho ako, lahat ng schedule ko nakasulat. Kaya lang, pinirmahan ko ito. Sabi ko, perfect. ‘Yan ang gusto ko, nakasulat lahat ng gagawin ko at pinirmahan ko yun."

Nagulat daw si Gabby sa nangyari sa kanila ni Mrs. Flaminiano dahil sumobra naman daw ang mga trabahong ibinibigay sa kanya. Bukod kasi sa regular soap niya sa ABS-CBN, may album pa siya sa Warner Music at kabi-kabila rin ang kanyang concerts at personal appearances. Dagdag pa rito ang product endorsements niya.

Continue reading below ↓

"Lahat ng ibigay sa akin, sige gagawin ko, kakayanin ko ‘yan. Wala akong kuwestiyon doon. Siguro ang pagkukulang ko dapat, medyo hininto ko muna siya ng konti."

Sinubukan din daw si Gabby tawagan ang kanyang manager para magkausap sila at magharap.

"Well, sana nga. Kaya nga wala akong choice kundi padalhan ko siya ng sulat, kasi hindi ko siya makontak."

Sinagot din ni Gabby ang isyu na wala raw siyang utang na loob.

"Imposible ‘yan. Ako, tumatanaw ako ng utang na loob. Yung lumalabas sa diyaryo, that is a lie. Tumatanaw ako ng utang na loob kay Momy Rose kasi kung hindi dahil sa kanya, wala ho ako rito [sa Pilipinas]. Kung hindi dahil sa kanya, hindi ko makikita ang ama ko. I'm very, very thankful for that," mariing sabi ni Gabby.

Matatandaang nakabalik ng Pilipinas si Gabby noong March 30, pagkatapos ng labintatlong taong paninirahan sa Amerika. Si Mrs. Flaminiano ang nagsilbing business manager sa pagbabalik niya sa sirkulasyon.

Continue reading below ↓

Galit ba si Gabby kay Mrs. Flaminiano?

"Hindi ako galit, it's more of disappointment," sabi ni Gabby. "Kasi hindi ko siya talaga kilala. Kilala ko lang siya dahil siya'y producer ng FLT [Films]. But personally, we've never met."

Nagbigay rin ng mensahe si Gabby sa kanyang manager.

"Mommy Rose, alam naman ninyo na I'm trying to reach you, I'm very transparent. Marami akong nakakausap na ipinapadala ninyo, na si Joy ang isa. Ilang beses, ako ang kumokontak sa iyo. I have no more resources to get to you. Sorry kung nakausap ko na si Atty. Fortun para bigyan kayo ng letter. Sana maayos na natin ito," pahayag niya.

Kasunod nito, agad namang binasa ni Boy Abunda ang ipinadalang statement ni Mrs. Flaminiano sa The Buzz:

"Walang katotohanan ang lahat ng pinagsasabi ni Gabby Concepcion. Ito ay pawang kasinungalingan at handa kaming humarap sa media para sabihin ang buong katotohanan."

Samantala, napag-alaman ng PEP (Philippine Entertainment Portal) na hindi natuloy ngayong araw ang nakatakda sanang press conference ni Mommy Rose upang ibigay ang kanyang panig tungkol sa mga paratang ni Gabby laban sa kanya.

Continue reading below ↓
Read Next
Read More Stories About
Gabby Concepcion
Featured
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
"Tumatanaw ako ng utang na loob kay Momy Rose kasi kung hindi dahil sa kanya, wala ho ako rito [sa Pilipinas]. Kung hindi dahil sa kanya, hindi ko makikita ang ama ko. I'm very, very thankful for that," clarifies Gabby Concepcion in the midst of controversy with his manager Mrs. Rose Flaminiano (inset).
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results