Yasmien Kurdi refers to former leading man JC de Vera as "that person"

IMAGE 0


"Hindi na po kami nagkikita. Hindi na po kami nagko-communicate. Yun lang po yun," replies Yasmien Kurdi when asked about former screen partner JC de Vera.


Balik-bida at balik-soap opera ang aktres na si Yasmien Kurdi sa pamamagitan ng GMA-7 afternoon soap na Saan Darating Ang Umaga?. Magsisimula na ang sinenovela nitong Lunes, November 10.

Ang Saan Darating Ang Umaga? ay isa sa pinaka-memorable movies ng Viva Films noong 1983. Pinagbidahan ito nina Nida Blanca at Nestor de Villa—mga minamahal na artistang pareho nang yumao—bilang mag-asawa. Sina Maricel Soriano at Jaypee de Guzman naman ang gumanap bilang mga anak nila.

Sina Lani Mercado at Joel Torre ang gaganap sa dating roles nina Nida at Nestor. Ang baguhang child actor na si Jacob Rica ang gaganap sa role ni Jaypee, at si Yasmien naman ang papapel sa role na unang ginampanan ni Maricel.

Lumalabas na ang Saan Darating ang Umaga? ang ikatlong sinenovela ni Yasmien, pagkatapos ng Pati Ba Pintig ng Puso at Pasan Ko ang Daigdig.

Ang direktor ng pelikulang Saan Darating ang Umaga? ay si Maryo de los Reyes, at siya rin ang direktor ng television remake nito. Si Direk Maryo ay isa sa pinakarespetadong direktor sa bansa, na nakilala sa pelikulang Bagets, kung saan artista niya si Aga Muhlach.

Noong 2003, ginawa niya ang Magnifico, starring child actor Jiro Manio. Umani ito ng awards mula sa FAMAS, Gawad Urian, Golden Screen Awards, at Crystal Bear Award for best feature film ng Berlin Film Festival ng taong 2004. Noong 2004 pa rin, pinarangalan uli siya ng FAMAS para sa Naglalayag, starring Nora Aunor and Yul Servo. Last year, ginawa niya ang A Love Story, starring Aga Muhlach and Maricel Soriano.

Ang nagsulat naman ng original screenplay ng Saan Darating ang Umaga? ay ang batikang writer na si Fanny Garcia. Si Fanny ay full professor ngayon sa Filipino department ng De La Salle University-Manila, ngunit hindi ito nahinto sa pagsusulat. Unang nakilala bilang Palanca award-winning short story writer, si Fanny ay marami nang naiakdang libro mula noon.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ang pinakakilala rito ay ang 2004 book niyang Eric Slumbook: Paglalakbay Kasama ang Anak Kong Autistic. Umani ang librong ito noong 2005 ng dalawang awards: ang National Book Award mula sa Manila Critics Circle, biography/autobiography category; at ang Outstanding Book mula sa Miguel Febres Cordero Research Award ng De La Salle University-Manila. Ang English translation ng Eric Slumbook ay ilalabas ng Anvil, publishing arm ng National Bookstore, sa katapusan ng taong ito.

HONOR STUDENT. Nagkaroon ng bali-balitang walang ganang magtrabaho si Yasmien, pero heto't may bago na naman siyang soap opera sa GMA-7.

"Opo naman!" bulalas ni Yasmien. "Nag-aaral ako. Monday and Wednesday, nag-aaral, and then the rest of the week, nagwo-work ako. Dalawang araw lang po ako nag-aaral, pero full load, 21 units." Foreign Service ang kanyang course ngayon sa New Era College. Pero plano pa rin daw niyang kumuha ng master's degree sa International Service.

Masayang ikinuwento ni Yasmien sa PEP (Philippine Entertainment Portal) na nag-valedictorian daw siya noong high school sa Angelicum.

Masayang pagmamalaki ng dalaga: "Ninety-seven point six po ang general average ko ng high school. Tinapos ko muna po ang high school ko. Bale nag-entrance exam po ako ng college. Kaya ngayon, college na po ako. Second sem, first year college po ako. Kaya po noong last sem, nagmi-mix up na po ako, high school at college po. Yun po ang kagandahan ng Angelicum."

Nilinaw rin ni Yasmien na walang katotohanan ang isyung nade-depress siya kaya palagi siyang umiinom.

"Wala! Hindi po kasi talaga totoo! Hindi ko alam kung saan nanggagaling yung mga isyu! Nagtataka nga po ang mga teachers ko dati. Kung emotionally depressed daw ako, at palagi akong wala sa house, paano pa ako magiging valedictorian? Paano naging ganoon? Paano ako nagkaroon ng average na 97.6?" natatawang sabi ni Yasmien.

FROM SHARON TO MARICEL. Ano ang pakiramdam ni Yasmien na pagkatapos niyang gampanan ang dating roles ni Sharon Cuneta sa Pati Ba Pintig ng Puso, Pasan Ko ang Daigdig, at Babangon Ako't Dudurugin Kita, ngayon ay dating role naman ni Maricel Soriano ang gagampanan niya sa Saan Darating ang Umaga?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Pressure!" bulalas ni Yasmien. "Pressure po talaga, but I'm trying my best to do all I can. But I'm not telling na I'll promise everyone. It's really hard to promise, but I'll do my best. Yun naman po palagi. Every time, yun lang po ang ginagawa ko."

Dagdag niya, "Ang gagaling na mga artista ng mga yun. Nakakuha na sila ng award, e. Ako, hindi pa ko nakakakuha ng award ever. Para sa akin, hindi pa ko ganoon na katulad nila."

Na-miss ba niya ang magbida at gumawa ng soap opera?

"Super! Na-miss ko! Ito pala ang excitement. Hindi ba sinasabi ko sa inyo, gusto kong ma-feel yung excited ako ulit? Tapos, bigla akong nag-taping ulit. Parang na-excite akong mag-taping! Sabi pa nga ni Direk Maryo, huwag masyadong exadj [exaggerated] sa first take," natatawa niyang sabi sa presscon ng Saan Darating ang Umaga? kagabi, November 3, sa 17th floor ng GMA Network Center.

NEW LEADING MAN. Na-excite din ba siya na bago na ang kanyang ka-love team dito—si Dion Ignacio, na gaganap sa dating role ni Raymond Lauchengco?

"Lahat po nakaka-excite talaga ang mangyayari, so na-excite rin po ako na bago rin yung partner ko," sagot ni Yasmien.

Hindi naman itinanggi ni Yasmien na, in a way, may nakaraan silang dalawa ni Dion, dahil silang dalawa ang nili-link noon sa StarStruck. Sa pagkakaalam ng marami ay naging sila pa nga.

Pero ayon kay Yasmien, "Well, at ease po kaming talaga ni Dion dahil pareho kaming batch ng StarStruck. At saka proud po kami na taga-StarStruck po kami at first batch kami. At saka before, siya talaga ang best friend ko sa guys."

Best friend lang ba?

"Puppy love lang po yun... Puppy love na parang MU [mutual understanding]!" natatawa niyang sabi.

Si Dion ba ang naging first boyfriend niya sa showbiz?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Hindi po naging kami," diin ni Yasmien. "Parang palagi kaming magkasama. Palagi kaming magka-holding hands, pero hindi po namin alam kung bakit. Hindi ba kapag bata ka... Fourteen pa lang po ako noon. Tapos, kapag matutulog kami... Di ba, malayo ang biyahe, let's say sa Baguio? Kami ang palaging magkaakbay."

Bakit nawala ang closeness nila?

Kuwento ni Yasmien, "Nang matapos ang StarStruck, si Rainier Castillo ang nai-pair sa akin. Hindi na kami nagkikita [ni Dion]. Tapos, nami-miss ko siya ng sobra. Kaya nang malaman ko na kami ang partner ngayon, excited kaming dalawa. Masaya po."

Dagdag niya, si Dion din daw ang first on-screen kiss niya.

Ngayong pinagtambal sila ulit ni Dion, hindi kaya matuloy na ang naudlot na romantic relationship nila?

"Hindi ko po alam. Sa ngayon, ine-enjoy pa lang po namin ang friendship naming," sagot ng dalaga sa pangungulit ng press.

Ano ang nakikita niyang mga pagbabago kay Dion ngayon?

"Mas matured po siya ngayon. At saka yung utak niya at utak ko, hindi na katulad dati na nagbabatuhan kami ng kung ano-ano!" natatawa niyang sabi.

"THAT PERSON." Hindi nakaligtas sa pandinig ng entertainment press ang pag-address ni Yasmien sa dati niyang ka-love team na si JC de Vera bilang "that person" nang tanungin tungkol sa binata. Obvious na kahit itinanggi ni Yasmien na may problema sa pagitan nila ni JC, hindi naman niya mabanggit-banggit ang pangalan ng aktor.

So, kumusta na nga ba silang dalawa?

"Hindi na po kami nagkikita. Hindi na po kami nagko-communicate. Yun lang po yun," matipid na sagot ni Yasmien.

Bakit biglang naputol ang communication nila?

Paliwanag niya, "Kasi po, hindi na kami magkatrabaho. At saka nawala ko yung number niya [sa cellphone]. Nawala ko na talaga."

Magkaibigan naman sila, gaya ng laging sinasabi nila in the past. Pero bakit ngayong hindi na sila magkatrabaho ay nawalan na rin sila ng communication?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"E, siguro po, busy na lang kaming dalawang pareho," rason ni Yasmien. "Kaya siguro po, yun... Tapos, busy rin ako sa school. Halos hindi ko na nga makita ang mga friends ko. Sila na ang nagpupunta sa akin sa school, sa work ko, para magkita-kita lang kami dahil sobrang walang time na po."

Kung magkasalubong ba sila ni JC, babatiin niya ito?

"Kung magkita po...kung magkita," sambit ni Yasmien.

Sa palagay niya, sino ang dapat na maunang bumati?

"Ewan ko," napakibit-balikat niyang tugon.

May bitterness ba ang paghihiwalay nila as a loveteam?

"Bakit naman po magkakaroon ng bitterness?" balik-tanong niya. "Nilalabas lang po yung isyu siguro dahil promo ng La Lola. Hindi po ako kasama sa La Lola para gumawa ng isyu or something with him. Hindi na po kami magkatrabaho, kaya sana huwag nang palakihin ang isyu sa away-away dahil wala naman po talagang away." (Ang La Lola ay ang primetime series ni JC katambal si Rhian Ramos.)

Pero bakit bigla na lang silang parang deadma sa isa't isa, na parang hindi na magkakilala?

"Siguro pagod lang kaming dalawa....pagod lang kami," sagot ni Yasmien.

Ano naman ang reaksiyon ni Yasmien sa sinabi ni JC sa Showbiz Central noong October 26 na siya na lang ang tanungin kung anuman ang meron sila ngayon ng dating kapareha?

"Bakit ayaw niyang sagutin?" ang mahina ngunit may diing sagot ni Yasmien.

May balitang sinabi ni JC noon na nire-request niyang makasama si Yasmien sa isang episode ng Obra ngunit tinanggihan daw ito ng aktres. Ngunit may balita ring si JC raw ang talagang tumangging makasama si Yasmien. Totoo ba ito?

"Ah, hindi ko po kasi alam," sabi ni Yasmien. "Hindi ko alam ang nangyari sa isyu or something. Pero sinu-sure ko sa inyo na wala naman po talagang problema."

May message ba siya kay JC?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Good luck! Good luck sa kanya."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN