Robin Padilla willing to be Manny Pacquiao's sparring partner

IMAGE 0


"Sinabi ko nga sa kanya na kung kailangan niyang mag-ensayo sa set ay sasabayan ko siya. Hindi bale nang masapak ako ng malakas ni Manny, okey lang. Malaking karangalan para sa kahit sino ang madaplisan man lang ng kamao ni Pacman!" says Robin Padilla (right) about Manny Pacquiao (left).


Hangga't maaari raw ay ayaw maging hadlang ni Robin Padilla sa magiging ensayo ng Pambansang Kamao na si Manny "Pacman" Pacquiao para sa nalalapit nitong laban kontra kay Ricky "The Hitman" Hatton. Nakumpirma na nga na sa Mayo ng taong ito ang magiging laban nina Pacman at Hatton sa Las Vegas, Nevada.

Ito ang dahilan kaya kailangang balansehin ni Pacman ang pag-eensayo niya sa nalalapit niyang laban at sa magiging taping schedule niya for Totoy Bato, ang GMA-7 primetime series na pagsasamahan nila ni Robin.

Sa kuwento ni Binoe, gagampanan ni Pacman ang role ng isang sikat na boksingero na makikilala ni Totoy at tutulong sa pag-train sa kanya sa larangan ng boxing. Marami raw mga eksena si Binoe na kasama si Pacman kaya kailangang maunang kunan lahat ng mga eksenang ‘yon dahil alam nilang sa ibang bansa nag-eensayo ang Pinoy boxing champ.

"Ito ang pangalawang beses na makatrabaho ko si Manny," ani Robin. "Una kaming nagkatrabaho sa kabilang istasyon pa. Pareho kaming nag-host ng isang reality show doon. Ngayon, sa isang serye na kami magkasama at nakakataba ng puso na noong ialok ito kay Manny ay pumayag siya kaagad.

"Alam naman natin kung gaano ka-busy si Manny ngayong taon dahil may laban na naman siya sa Mayo, at ayaw namin talagang makaistorbo sa kanya. Pero walang problema kay Manny dahil gusto rin daw niyang gawin ang show at makatrabaho ako. Doon na lang, e, isang malaking karangalan na makasama siya sa isang TV show ulit."

Sobra ang paghanga ni Binoe sa pagiging atleta at mabuting tao ni Pacman. Kaya anytime daw na kailanganin nito ang tulong nila sa ensayo nito ay hindi ito ipagdadamot ni Binoe.

"Ang pagkakaibigan naman namin ni Manny ay nagbilang na ng maraming taon. Nagustuhan ko si Manny hindi dahil sa sikat siyang atleta sa buong mundo, kundi dahil sa mabuting tao siya at may puso siya para sa mga maraming tao.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Sinabi ko nga sa kanya na kung kailangan niyang mag-ensayo sa set ay sasabayan ko siya. Hindi bale nang masapak ako ng malakas ni Manny, okey lang. Malaking karangalan para sa kahit sino ang madaplisan man lang ng kamao ni Pacman!" malakas na tawa ni Binoe.

So, handa palang makipagbasagan ng mukha si Binoe kay Manny?

"Sa naging training ko ng ilang buwan, siguro e, handa na ako. Pero mukhang hindi pa rin ako makakalaban kay Manny dahil mabilis at magaling siya. Tiklop ako sa husay ni Manny sa larangan ng boksing. Siya lang talaga ang number one. Lalaban na lang ako sa acting dahil diyan tayo mas makakalamang siguro!" natatawang pagtatapos ni Robin.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN