Marian Rivera unleashes her daring side in Ang Babaeng Hinugot Sa Aking Tadyang

IMAGE 0


"Hindi ko naman sinasabing wala. Pero sa tuwing magkasama kaming dalawa, siyempre kahit papaano, there's something talaga. Sinong babae naman ang hindi mai-in love sa kanya, di ba? Pero this time, enjoy lang kami," says Marian Rivera about her feelings for leading man Dingdong Dantes.


Sa ikatlong pagkakataon ay magtatambal muli ang itinuturing na hottest love team ngayon na sina Marian Rivera at Dingdong Dantes sa pinakabagong primetime series ng GMA-7, Ang Babaeng Hinugot Sa Aking Tadyang, na hango sa comics novel ni Carlo J. Caparas na ginawa na ring pelikula noong early ‘80s.

Kumpara sa nauna nilang dalawang telenovela sa Kapuso network na Marimar at Dyesebel, mas mature ang mga role na ginagampanan nila ngayon—si Marian bilang si Proserfina, isang misteryosang babae, at si Dingdong bilang si Homer, isang businessman na walang kulay ang buhay.

Sa presscon ng Ang Babaeng Hinugot Sa Aking Tadyang noong Huwebes, January 29, sa Studio 5 ng GMA Network Center, ay inilarawan ni Marian ang kanyang character, na unang ginampanan ni Vivian Velez sa pelikula.

"Bukod sa medyo sexy siya, misteryosa kasi ang character ko dito, e," simula ni Marian. "Minsan sumusulpot ako, nawawala ako, makikitulog ako sa kabilang bahay, yung gano'n. Parang hindi mo alam kung sino talaga siya o kung ano yung pagkatao niya. Nakakatuwa na ang daling mag-shift ng character ni Proserfina. Magulo yung utak niya sa mga pangyayari."

Dahil complex ang role na ginagampanan niya, hindi ba siya nahirapan sa characterization niya?

"Nung una mahirap kasi hindi ko din alam kung paanong atake ang gusto ni Direk," pag-amin ni Marian. "So, nag-usap kami ni Direk nang one-on-one na ‘eto si Proserfina, ‘eto yung weakness niya, ‘eto yung nagpapalakas sa kanya, ‘eto yung mga bagay na nagpapasaya sa kanya. So, nagkaroon kami ng ano ni Direk Joyce na, ‘Eto ang dapat na character, kailangan pabagu-bago ang isip mo, misteryosa ka. Pag may sinabi ka, minsan mini-mean mo, minsan hindi. Tapos magpapatawa ka na nagdyu-joke ka, tapos babawiin mo.'

"Kung sa totoong istorya talaga ‘yon, hindi ganun si Proserfina, hindi siya marunong magbiro. Kumbaga, laging direct to the point, biglang mawawala. So, nilagyan namin siya ng medyo may pagka-comedy."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Base sa pilot episode na napanood ng entertainment press sa mismong presscon ng Ang Babaeng Hinugot Sa Aking Tadyang, masasabing tailor-made para kina Marian at Dingdong ang bago niyang telenovela. Si Dingdong kasi ay maituturing na prim and proper at galing sa mayamang pamilya, samantalang si Marian ay kikay at may pagka-kalog. Tanong ng PEP (Philippine Entertainment Portal), hindi kaya sadyang ginawa ang istorya ng Ang Babaeng Hinugot Sa Aking Tadyang para sa kanilang dalawa?

"Malay mo!" sambit ni Marian. "Ang tagal nang ginawa ‘yan... Ang ganda kasi talaga ng istorya niya. Medyo iniba nila yung script talaga. Kasi si Proserfina, hindi talaga nagdyu-joke; sexy lang na nang-aakit. So, nagkaroon kami ng idea ni Direk Joyce na, ‘Ay, haluan natin ng pagka-kikay mo, pagka-komedyante mo.' May kiss man, parang bumabawi sa pagka-kalog."

MORE DARING. Bukod sa mas mature ang roles na ginagampanan nila. Hitik na hitik din sa kissing scenes at daring scenes ang ikatlong pagsamsama nina Marian at Dingdong sa telebisyon. Marami nga ang nakapansin na sa mga kissing scenes nila ay si Marian ang mas aggressive.

"Actually, ganun talaga. Kasi si Homer [Dingdong], wala siyang experience sa ganyan. Kumbaga, sa character niya, e, wala siyang alam...napaka-boring niyang tao. Yung character kasi ni Proserfina, siya talaga yung sabik at siya yung nang-uuto talaga... May layunin kasi si Proserfina sa bawat tao, lalo na sa mga lalake. Sa bandang huli, ire-reveal kung bakit ganun ang ginagawa niya," paliwanag ng aktres.

First time din ni Marian na magsuot ng two-piece swimsuit na walang tapis. Noon kasi sa Marimar ay naglagay siya ng robe sa eksena nila ni Katrina Halili.

Pumayag din daw ulit si Marian na mag-topless sa isang eksena nila ni Dingdong sa swimming pool. Pero nagawa na rin naman daw niya ito sa Dyesebel, kung saan gumanap siya bilang sirena.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Nagpapaka-daring na ba talaga si Marian?

"Hindi naman," sabi niya. "Siguro naniniwala din ako, bilang artista kailangan iba-ibang role yung ginagampanan mo, ‘tsaka nag-iiba rin yung pag-acting mo. Lahat nae-experience mo, lahat natututunan mo."

Sinabi rin ni Marian na lahat ng kissing scenes nila ni Dingdong ay puro take one lang. Kumportable na raw kasi silang dalawa ni Dingdong pagkatapos ng dalawang telenovela at isang pelikula (One True Love) na sila ang magkatambal.

"Nandoon kasi yung trust kaya siguro nagawa ko din siya at lumabas na maganda," sabi niya.

Tinanong ng PEP si Marian kung sa palagay kaya niya ay ganun din siya kakumportableng gawin ang mga kissing scene kung first time pa lang nila ni Dingdong na magsasama.

"Mahihirapan din siguro ako," sagot niya. "Pero bilang artista, kailangan lahat ng character kaya mong gampanan. Pero siyempre, pag first time mo lang nakaeksena, tapos may mga kissing scenes na ganyan, siyempre nakakailang din."

So, mas kumportable ba siya ngayon?

"Oo naman! Sa pangatlong pagkakataon na pagsasama namin ni Dingdong, oo naman!" sambit ni Marian.

Meron nang "feeling"?

Natawa muna si Marian bago sumagot. "Hindi ko sinasabing wala dahil sa araw-araw na ginawa ng Diyos, e, kami ay palaging magkasama sa taping, minsan nagyayaya siyang lumabas, kakain kami sa labas. Open kami sa isa't isa. Ini-enjoy namin talaga yung moment na single kami."

FALLING FOR DINGDONG. Hindi ba siya natatakot na isa sa mga araw na ito, isa sa kanila ang mag-fall?

"Wala namang masama if ever na ma-in love ako sa kanya, o ma-in love siya sa akin dahil parehas naman kaming single," diretsong sagot ni Marian.

Napag-uusapan din ba nila ni Dingdong ang tungkol sa bagay na ito?

"Minsan."

Paano niya sinasagot si Dingdong?

"Pabiro pa rin. Parang ako lang. ‘Tingnan natin, malay natin. Mahirap magsalita ng tapos,' laging gano'n lang. Ini-enjoy lang talaga namin."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Hindi pa ba nanliligaw sa kanya si Dingdong?

"Hinde!" natatawa niyang sagot. "Actually, hindi. At least, naging open ako sa inyo ngayon na lumalabas talaga kami...kumakain kami sa labas."

Exclusively dating?

"Hindi naman exclusively dating. Wala lang, tipong kain lang kami, tapos nood ng sine," sabi ni Marian.

May feelings na ba sila para sa isa't isa?

"Hindi ko naman sinasabing wala. Pero sa tuwing magkasama kaming dalawa, siyempre kahit papaano, there's something talaga. Sinong babae naman ang hindi mai-in love sa kanya, di ba? Pero this time, enjoy lang kami."

May mutual understanding na ba sila?

"Hindi, basta enjoy lang. Basta lumalabas kami. Ini-enjoy lang namin ang isa't isa. ‘Tsaka mahirap kasing madaliin ang mga bagay-bagay," saad ni Marian.

Kailan na-realize ni Marian na posibleng magkatuluyan sila ni Dingdong?

"Ngayon, sa panahon ngayon," mabilis niyang sagot. "Open talaga sa lahat ng posibilidad. Hindi imposible dahil palagi kaming magkasama naman sa set, tapos palagi kaming magkasama sa shoot, sa pagpu-promote, sa mall shows. Parang lahat na lang, kami ang magkasama. Tapos kung hindi pa kami magkasama, ‘Uy, kain tayo, nagugutom ako.' ‘O sige, kain tayo.'"

So, pag mga pagkakataon na hindi sila nagkikita, nami-miss nila ang isa't isa?

"Siyempre naman. Pero hindi, e, lagi kaming nagte-text niyan."

Ano si Dingdong sa buhay niya ngayon?

"Sabihin na lang natin na isa siya sa pinakamalapit na lalake sa buhay ko," sagot ni Marian.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN