Angelica Panganiban on relationship with Derek Ramsay: "Hindi naman namin ito ibinibenta sa publiko para kumita kami, so hindi siya dapat pag-usapan."

IMAGE 0


"Mas nag-e-enjoy kami pag tahimik ang buhay namin, na kaming dalawa lang ang nakakaalam. Ayoko na rin kasing magsalita tungkol sa aming dalawa, marami kasing nakikisawsaw," says Angelica Panganiban about privacy in her relationship with Derek Ramsay.


Kung dati ay bukas si Angelica Panganiban sa relasyon nila ng boyfriend niyang si Derek Ramsay, now she wants to keep it private.

"Mas nag-e-enjoy kami pag tahimik ang buhay namin, na kaming dalawa lang ang nakakaalam," paliwanag niya sa PEP (Philippine Entertainment Portal). "Ayoko na rin kasing magsalita tungkol sa aming dalawa, marami kasing nakikisawsaw. Pag sinabi mong happy kami, marami ang magre-react. 'Bakit sila masaya? Sirain natin.' Pag sinabi mo namang di kami masaya, marami naman ang makikialam. 'Bakit ganito? Ano ang nangyari?'

"Yung relationship namin, hindi naman namin ibinibenta sa publiko para kumita kami, so hindi siya dapat pag-usapan. Hindi maiiwasan na pag-usapan kami, alam ko yun. Pero ginagawa namin yun sa abot ng magagawa namin para protektahan yung privacy ng relationship namin. Pero kung mayroon naman kaming major plan o patungol sa ikakasal kami, sasabihin namin yun, hindi namin itatago," sabi ni Angelica.

NO STEREOTYPE. Isa si Angelica sa mga artistang hindi nagpatali sa wholesome image, na siyang kadalasang nagiging balakid para umunlad ang isang artista. Aminado naman ang aktres na bata pa lang siya ay hindi nalagay sa bokabularyo niya ang magpatali sa imahe o sa kung ano ang idinidikta ng tao na dapat ay maging ano siya.

Repleksyon nito ang mga kakaiba at daring characters na nagampanan na ni Angelica gaya sa mga pelikulang Santa-Santita at A Love Story at sa soap opera na Iisa Pa Lamang. Bukas siya sa lahat ng challenging roles na ino-offer sa kanya, na buong husay naman niyang nagampanan.

Pero may mga limitasyon din naman si Angelica sa pagtanggap ng roles. Hindi puwede sa kanya ang breast and butt exposures.

"Kasi, hindi naman papayagan ng MTRCB ang kaya ko at baka hindi rin ninyo kakayanin. Pero depende o hindi na rin siguro, kasi pag nagpakita ako ng boobs, ano ang point? May iba kasing directors, producers na ang habol lang talaga ay pera at hindi naman yun ang habol namin," saad ni Angelica sa panayam ng PEP.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

PINAY RUBI. May mga nakalinyang trabaho na si Angelica sa ABS-CBN. Isa na rito ang remake ng Rubi, a Mexican telenovela na bukod sa may pagka-daring ang role ay bida-kontrabida ang character na gagampanan niya.

"Yung Rubi, hindi ko alam kung kailan sisimulan, pero tuloy siya," paniniguro niya. "Bida-kontrabida nga raw yung concept dito. Hindi ko alam kung si Diet [Diether Ocampo] nga ang kapareha ko dito. Hindi ko pa siya gagawin soon, pero siguro this year.

"To be honest, may mga projects na ibinibigay sa akin, pero hindi naman angkop sa pagkatao ko kaya hindi ko ginagawa. Hindi naman ako yung tipo ng tao na grab lang nang grab."

MOVIE WITH DEREK & GABBY. Isa ring pelikula ang nakatakdang gawin ni Angelica kasama si Derek with Gabby Concepcion.

"Nakakakaba kasi iba naman kami ni Derek, hindi naman kami showbiz na tao," sabi ni Angelica. "So, mahirap ibahin yung working relationship sa isang tao na masyadong close sa 'yo. Kayo ngang magkakaibigan, pag nagkasama kayo sa isang trabaho, nagtatawanan kayo. Paano pa kaya yung tao na kilalang-kilala ka, di ba?

"Si Kuya Gabby naman, sobrang kumportable naman ako sa kanya. Nagkatrabaho na kami sa Iisa Pa Lamang at wala akong masasabi kung gaano siya ka-professional. Dun sa mga nagsasabi na wala kaming chemistry, iba-iba naman ang tingin ng iba't ibang tao. Hindi ko pa puwedeng i-reveal yung story, but it's a love triangle."

BANANA SPLIT. Isa sa mainstay ng gag show na Banana Split, masayang ikinuwento ni Angelica na habang tumatagal ay mas lalong nagiging maganda ang samahan nila ng mga kasama niya rito.

"Mas nagiging kumportable kami sa isa't isa," sambit niya. "Mas nakikilala mo kung sino talaga ang makulit, sino yung tahimik talaga. Makikita mo kung paano mo titimplahin ang isang tao.

"Ang tahimik talaga na nasa isang sulok lang parati, nakikipag-usap naman, pero hindi yung mangungulit sa 'yo, si Roxanne [Guinoo] ito. Yung makulit naman, si Cristine [Reyes]."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sa mga bumabatikos naman sa Banana Split, may mensaheng binitawan para sa kanila ang aktres.

"Opinion nila yun kung hindi nila matangggap kung ano ang biro sa totoo. Di huwag silang manood! Parang hindi nga kami nagpapa-sexy dito, para lang kaming talagang nagpapatawa. Yung konsepto ng joke is medyo pa-sexy, pero hindi naman kailangang maghubad. Saka lahat naman ng natatanggap naming feedback, puro magaganda."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN