PEP lawyer reacts to cease-and-desist letter of Annabelle Rama's legal counsel and Richard Gutierrez's libel case

IMAGE 0


"Hindi rin kami umaatras sa laban. Kung talagang meron silang gawin, palagay namin, kailangan naming iharap sa husgado. Handa rin naman ang PEP na magdemanda," says Atty. Sandra Olaso-Coronel about the P25-million libel suit filed by Richard Gutierrez (in photo) against PEP.


Last Saturday, April 18, sa programang Startalk ay nagbigay ng kanilang mga pahayag ang dalawang panig kaugnay ng P25-million libel suit na isinampa ni Richard Gutierrez laban sa PEP (Philippine Entertainment Portal) noong April 13, 2009. (Click here to read related story.)

Sa panig ni Richard, bukod sa kanya ay nagbigay rin ng kanilang mga pahayag ang ina nito na si Annabelle Rama at ang abogado ng young actor na si Atty. Angelica Y. Santiago. Sa panig naman ng PEP, ang legal counsel ng entertainment website na si Atty. Sandra Olaso-Coronel ang nakausap ng Startalk.

LIBEL CASE. Ayon kay Richard, na nakapanayam ng Startalk nang mag-file siya ng kaso laban sa PEP, "Hindi ako papayag na basta-basta nila ako sisirain at tatapak-tapakan ng ganun. Pinapalabas nila na isa akong kriminal. Hindi ako papayag ng ganun."

Dagdag ng young actor, ipinaglalaban lang daw niya ang pangalang binuo niya para sa sarili at maging ng pamilya niya.

"Yes, first, I wanna say, I'm doing this not only for myself, for my fans, and maybe for the whole industry. Maraming mga artistang nabibiktima ng ganitong klase ng false journalism," saad niya.

Ipinaliwanag naman ng abogado ni Richard na si Atty. Santiago ang kasong isinampa ng kanyang kliyente laban sa PEP. "Libel is a criminal offense and we were also asking for damages. Twenty-five million, yes, total. Fifteen million in moral and ten million in exemplary damages," aniya.

Binanggit din ng lawyer ni Richard ang mga pangalan ng staff ng PEP na kasama sa demanda—ang editor-in-chief na si Jo-Ann Maglipon, ang managing editor na si Karen Pagsolingan, at ang staff writer na si Bong Godinez.


SUPPORT FOR RICHARD. Bukod sa ina at abogado ni Richard ay nagsalita rin para sa kanya ang mga kapatid niyang sina Ruffa at Raymond Gutierrez, at ang model turned actress na si Bubbles Paraiso, na isa sa mga witness ng young actor at alaga ni Annabelle.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ruffa: "Nakakalungkot ang araw na ito para sa amin kasi siyempre kasamahan din namin sa industriya ang sinasampahan ni Richard ng kaso."

Raymond: "He asked for our advise, pero ultimately, naging sariling desisyon niya na gawin ito. So we're just here to support him in whatever decision that he makes."

Bubbles: "I'm here to support Richard, of course, and siyempre, isa din ako sa mga witnesses, sinign ko rin yung affidavit ko."

Ayon naman kay Richard, bagamat nasa likod niya ang kanyang pamilya nang magsampa siya ng kaso, nilinaw niya na sarili niyang desisyon ito.

"Personal kong desisyon na gawin ito para malaman ko yung totoo, kung ano ba talaga ang nangyari behind that," sabi niya.

Sinabi naman ni Richard na hindi niya tinatanggap ang apology na ginawa ng PEP sa pamamagitan ni Ms. Maglipon.

Aniya, "She apologized for the wrong reason. It wasn't a retraction. We were asking for a retraction. We gave a chance actually to retract and they didn't do it."

PEP'S SIDE. Sa panig naman ng PEP, sinagot ni Atty. Coronel ang naging pahayag ni Richard sa dahilan ng pagpa-file niya ng kaso.

"Ang gusto niya, sabihin ng PEP na hindi totoong nangyari ang insidente. Alam mo, may mga testigo na pinagkunan ng istorya. Hindi naman ito inimbento ng PEP. May mga testigo na nagpapatunay na merong nangyari, kung ano exactly yung nangyari, 'yan ang ginawan ng investigation."

Kasabay ng pagsasampa ng kasong grave slander ng ina ni Richard na si Annabelle laban sa SVP for Entertainment TV ng GMA-7 na si Ms. Wilma Galvante noong Miyerkules, April 15, inakusahan din ng talent manager ang lady executive na nag-uugnay sa artikulong inilabas ng PEP tungkol sa "altercation" nina Richard at Michael Flores.

"Actually, ngayon ko lang aaminin sa inyo ano. Noong April 8, may nag-text sa akin ng grupo kung sino yung gumagawa ng mga imbento sa PEP, paninirang-puri sa PEP kay Richard. Aaminin ko na sa inyo, may nag-text sa akin. And behind that PEP story is Wilma Galvante.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Yes! Ayaw kong banggitin yung mga kasama niya, kasi mga kasama niya talagang inggit na inggit kay Richard. Gusto talagang pabagsakin si Richard. That's their plan now. Yun lang," pahayag ni Annabelle. (Click here to read Annabelle's full interview.)

Sa isang previous article, sinabi mismo si Annabelle na "No. 1 na artista" ng GMA-7, kaya may nagtanong kung paanong nangyaring si Ms. Galvante ang nasa likod nito.

"Hindi ko maintindihan nga, e. Hindi ba executive siya? Dapat moral support sa anak ko. Siya lang ang walang moral support kay Richard," sagot ni Annabelle.

Pero mariin namang pinabulaanan ng abogado ng PEP ang pag-uugnay ni Annabelle kay Ms. Galvante.

Ayon kay Atty. Coronel, "Wala kaming kinalaman sa away nila ni Ms. Wilma Galvante. Kung ano lang ang involvement namin is limited sa pagre-report din nung kung anuman ang development sa case."

CEASE-AND-DESIST. Kaugnay pa rin ng P25-million libel case na isinampa ni Richard, noong April 14, Lunes, ay nakatanggap ang PEP ng cease-and-desist letter mula naman sa abogado ni Annabelle na si Atty. Agnes Maranan. Ito ay para ipatigil ang paglalathala ng anumang artikulo o mga komento tungkol kay Richard sa PEP. (Click here to read the C&D letter.)

Ito ang naging kasagutan ni Atty. Coronel, na ipinalabas ng Startalk, kaugnay ng cease-and-desist letter mula sa legal counsel ni Annabelle:

"They are demanding na we cease and desist from writing anything about Richard Gutierrez. Baka naman gusto na ni Ms. Annabelle Rama na mag-retiro ang kanyang alaga, kasi ayaw na niya ng kahit anong istoryang lumabas. Kahit anong pag-usapan, pati na ang mga komentaryo ng mga tao doon sa website, gusto niyang ipababa. Hangga't artista si Richard Gutierrez, lahat ng media ay may karapatang sumulat sa kanya.

"Dun sa letter, it refers not only to PEP, pero pati sa YES!. So, alam mo, ang YES! is published by Summit [Media] na merong more than 30 titles to its name na mga iba't ibang magazines. E, di siguro, kung talagang ayaw na niyang mag-artista, e, di huwag na siyang i-feature at huwag man lang banggitin ang kanyang pangalan sa mga magazine.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"So, siguro, maski yung mga advertisers ng mga magazine na 'to, papakiusapan namin na, 'E, ayaw na palang mag-artista ng inyong endorser, baka meron kayong ibang copy, yun na lang ang ipi-print namin sa mga magazine namin. Kasi, ayaw nang mag-artista ng inyong endorser.

"You know, meron din kaming sister companies na billboard naman ang business. Baka yun din kasi, baka kung yun ang hinihingi nila, anonymity, e, di pakiusapan ko na rin siguro lahat ng Robinson's movie theaters na huwag nang magpalabas ng mga pelikula niya, kasi ayaw na niyang mag-artista.

"Baka ayaw rin niyang mag-mall tour, e, di huwag na lang din siyang papasukin sa mga Robinson's Malls."

Pero nilinaw ni Atty. Coronel na ang kanyang mga nabanggit ay sariling opinyon niya lamang na maaari niya rin namang imungkahi sa kanyang kliyente.

Naninindigan naman ang PEP na sa oras matapos ang imbestigasyon ay ilalabas nila ang buong bersiyon ng artikulo na nailathala sa PEP noong March 29.

Ayon kay Atty. Coronel, "'Yan ang pinagkakaabalahan ng PEP ngayon, na matapos itong istoryang ito. Maipalabas sa publiko dahil ipinangako naman ng PEP nang mag-apologize si Jo-Ann. The apology is dahil nga masyadong maaga nang mai-upload sa Internet na kulang pa ho. So siyempre, kasama dun sa pangako na kapag natapos na ang investigation, ilalagay na ang istorya sa Web.

"Hindi rin kami umaatras sa laban. Kung talagang meron silang gawin. Palagay namin, kailangan naming iharap sa husgado. Handa rin naman ang PEP na magdemanda."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN