Jolina Magdangal recalls "pager days" with Marvin Agustin

IMAGE 0


"Madalas mangarap 'yang si Marvin! Daydreaming 'yan parati. Gusto niyang magkaroon ng negosyo, makabili siya ng bahay, at magkaroon ng magandang buhay ang pamilya niya. Lahat naman niyan ay alam ko at may mga ibinibigay akong advice sa kanya," says Jolina Magdangal about screen partner Marvin Agustin.


Walang matandaan si Jolina Magdangal na binigyan siya ng mamahaling regalo ni Marvin Agustin noong love team sila sa ABS-CBN. Hindi raw kasi nila naging ugali ni Marvin na magbigay ng regalo noon.

Dinadaan na lang daw nila sa pagtawag-tawag sa telepono at pagpapadala ng mensahe sa pagers nila ang kanilang ligawan.

"Pager pa kasi ang uso noon, di ba?" malakas na tawa ni Jolina habang kausap niya ang PEP (Philippine Entertainment Portal).

Natatawa ngang ni-recall ni Jolina ang panahon na usung-uso noong '90s ang mga pager, na ang mga tatak ay Easy Call at Beeper 150. Kapag wala ka raw pager noon ay hindi ka "in." Noong kabataan kasi nila ni Marvin ay yun lang ang pinaka-means of communication nila kapag hindi sila magkasama sa taping.

"Kaya dadaan pa sa operator ang mga mensahe namin para sa isa't isa noon. Pero may codename naman kami noon ni Marvin. Kaya walang nakakabuking. Kung may cell phone ka naman noon, mahal ang tawag, di ba? Kaya tama na yung nagpapadala ka sa pager!

"Yun nga lang, minsan hindi mo natatanggap ang message lalo na kapag sabay-sabay ang mga tumatawag. Kailangan i-check ko pa sa operator at siya ang mag-retrieve ng mga messages mo na hindi nakarating. Mabuti na lang at nauso ang texting, di ba? Mura na at mabilis pa. Hindi maliligaw ang ipinadala mong message, unlike sa pager noon!" natatawang pagbabalik-tanaw ni Jolina.

JOLINA'S ADVICE TO MARVIN. Ang pinakamaganda raw na naibigay ni Jolina kay Marvin noon ay ang mga advice tungkol sa buhay at career. Bongga na kasi ang career noon ni Jolina kumpara kay Marvin, at natutuwa naman si Jolina na sinunod naman ng kapareha ang mga payo niya.

"Madalas mangarap 'yang si Marvin!" pambubuking ni Jolina. "Daydreaming 'yan parati. Gusto niyang magkaroon ng negosyo, makabili siya ng bahay, at magkaroon ng magandang buhay ang pamilya niya. Lahat naman niyan ay alam ko at may mga ibinibigay akong advice sa kanya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Ngayon, nakita n'yo naman, ang yaman na niya! Lahat ng mga sinabi niya noon, ginawa niya at natupad lahat. Kaya nakakatuwang balikan ang dating wishes niya kasi nga natupad lahat 'yon.

"Pero kuripot pa rin si Marvin, ha!" sabi ni Jolina. "Yun lang talaga ang hindi nawala kay Marvin, ang pagiging kuripot! Talagang pahirapan pa bago ka niya ilibre!

"Pero in fairness sa kanya, hindi siya kuripot sa mga anak niya. As in spoiled sina Santiago at Sebastian sa kanya. Lahat ng gusto ng kambal niya ay nasusunod. Kaya kawawa ang babaeng papagitna sa kanilang mag-ama dahil nakikita ko na mas tutok si Marvin sa mga bata.

"Kaya dapat, kung sino man ang babaeng papasok sa buhay ni Marvin, kailangan may motherly instincts na kasi dapat pakisamahan din nito ang kambal. Kaya good luck!" tawa ni Jolina.

Magkasama sina Jolina at Marvin sa romantic comedy series ng GMA-7 na Adik Sa 'Yo.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN