Jackie Rice: "Wala po akong boyfriend. Wala rin po akong ka-live in."

IMAGE 0


"Gusto ko lang lahat ng ginagawa ko may pagbabago. Ayoko naman yung palagi na lang ganyan. Every project gusto ko, iba. Like yung sa Tadyang, mother role na yung ginawa ko. Sa Dyesebel, parang sinira ko yung tiwala sa akin ni Alfred [Vargas], parang naging balimbing ako. Mabait tapos masama. Tapos dito sa Aagawin at saka sa men's magazine, iba naman yung ipapakita ko," says Jackie Rice.


Masaya ang StarStruck 3 Ultimate Female Survivor na si Jackie Rice na nabigyan siya ulit ng project ng GMA-7 pagkatapos ng Ang Babaeng Hinugot Sa Aking Tadyang. Kasali siya sa cast ng bagong handog ng Sine Novela, ang Kung Aagawin Mo Ang Lahat Sa Akin, na mapapanood na simula sa June 22. Kasama rito ni Jackie sina Patrick Garcia, Maxene Magalona, Glaiza de Castro, JC Tiuseco, Jackie Lou Blanco, Nonie Buencamino, Emilio Garcia, Joanne Quintas, Rich Asuncion, Jace Flores, at Lovely Rivero.

Ano ba ang role ni Jackie sa Kung Aagawin Mo Ang Lahat Sa Akin?

"Ako po rito si Mercedita Andrada, kapatid po ako ni Maxene. Bata pa po kami nang ampunin kami ni Tito Nonie Buencamino kasi hindi sila magkaanak ni Tita Jackie Lou. Kung gaano po kami ka-close kay Tito Nonie, galit naman sa amin si Tita Jackie Lou. Pero magkakaanak din po sila, si Glaiza.

"Noong una po, inaaway kaming dalawa ni Maxene ng half-sister namin na si Glaiza dahil naiingit siya sa amin, kasi feeling niya, mas mahal kami ni Tito Nonie. Lagi niyang ipinamumukha sa amin na mga ampon kami. Hanggang sa magdalaga na kami ay si Glaiza pa rin ang kontrabida sa buhay namin. Pero may mangyayari po na magiging magkakampi kami ni Glaiza against Maxene.

"Abangan po n'yo yung mga mangyayari kung bakit pati kaming magkapatid talaga, si Maxene, ay magkakaroon din ng conflict sa isa't isa," paglalarawan ni Jackie sa kanyang role nang ma-interview siya ng PEP (Philippine Entertainment Portal) sa presscon ng Kung Aagawin Mo Ang Lahat Sa Akin na ginanap kagabi, June 17, sa 17th Floor g GMA Network.

NOT A BAD GIRL. Marami ang nanghihinayang kay Jackie Rice dahil isa talaga siya sa may potential sa mga alumni ng StarStruck, pero tila hindi umuusad ang career niya dahil balitang may attitude problem daw siya. Nabalita rin na kinastigo siya ng GMA-7 dahil dito. Ano ba ang katotohanan tungkol dito?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Hindi po ako na-suspend o pinarusahan o kung anuman. Wala pong katotohanan yun," paglilinaw niya. "Bago po itong Kung Aagawin, may Ang Babaeng Hinugot Sa Aking Tadyang, at bago pa ito ay may Dyesebel pa ako. Hindi naman po ako nawawalan. Wala lang sigurong naibibigay na tamang project for me."

Ano ang masasabi niya na may mga tao na ang impression sa kanya ay bad girl siya?

"Naku, mas lalo na ngayong nag-pose na ako for a men's magazine, baka mas lalong maging masama yung tingin nila! Hindi, hindi po ako bad girl. Siguro noong dati may mga nagawa lang akong mali, na ngayon mas natuto ako. Binigyan ako ng leksiyon ng network, yun po," sabi niya.

Isa nga sa career move ni Jackie ngayon ang pagpayag niyang magkaroon ng sexy pictorial para maging cover girl sa July issue ng isang men's magazine. Paano siya napapayag na magpa-sexy?

"Gusto ko rin pong mag-try din ng paiba-iba. Wala akong nakikitang masama. Gusto ko kasi natututo ako, e."

Gaano siya ka-sexy rito? Nag-two-piece ba siya?

"Siyempre, dapat bumili na lang kayo ng copy para makita n'yo. Basta ibang klase ito. First time ko pa lang ginawa ito kaya abangan n'yo. Daring po."

Ano ang ginawa niya in preparation sa kanyang sexy pictorial?

"Nag-diet po. Gym. Minsan nga hindi na ako kumakain, e. Buti na lang hindi pa ako hinihimatay."

Hindi ba siya nag-aalala sa sasabihin ng mga tao na nagre-resort na siya sa pagpapa-sexy para mapansin siya sa showbiz?

"Hindi naman," sagot niya. "Gusto ko lang lahat ng ginagawa ko may pagbabago. Ayoko naman yung palagi na lang ganyan. Every project gusto ko, iba. Like yung sa Tadyang, mother role na yung ginawa ko. Sa Dyesebel, parang sinira ko yung tiwala sa akin ni Alfred [Vargas], parang naging balimbing ako. Mabait tapos masama. Tapos dito sa Aagawin at saka sa men's magazine, iba naman yung ipapakita ko."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

NO LOVELIFE. Kumusta naman ang lovelife niya? Balitang nakikipag-live in na raw siya sa boyfriend niya ngayon, totoo ba ito?

"Wala po akong boyfriend. Wala rin po akong ka-live in," tanggi ni Jackie.

Ang huli niyang nakarelasyon ay ang aktor na si Biboy Ramirez. Ano ba ang nangyari sa relasyon nila?

"Wala na po kami ni Biboy," maikli niyang sabi.

Bakit ba sila nagkahiwalay?

"Matagal na po kasi kaya ayoko nang balikan. August of last year pa po kasi," iwas ni Jackie.

Gaano katagal ang naging relationship nila?

"Hindi naman ganun katagal. Matagal na ligawan, mas matagal yung ligawan kaysa yung naging kami."

Sino ang nakipag-break?

"Mutual decision po. Pareho po kami," sagot ng dalaga.

May kinalaman ba ang career nila sa kanilang breakup?

"Wala. Pareho po naming mahal ang industriyang ito. Siyempre kung meron pong project ang bawat isa sa amin, sinusuportahan po namin ang isa't isa."

Pero magkaibigan ba sila ni Biboy ngayon?

"Friends naman po kami. Pero mas friends sila ng daddy ko," nakangiting sagot ni Jackie.

MONEY ISSUES WITH HER MOM. Kumusta na ang relationship niya with her mom?

"Okay naman po," aniya.

May isyung lumabas na may sakit daw ang mommy niya, tapos humingi ng pera sa kanya at hindi niya raw tinulungan. Gaano katotoo?

"Wala pong ganun. Bata pa po ang mommy ko. Wala po siyang sakit. At saka bakit siya hihingi, e, may sustento pa rin naman pong ibinibigay ang daddy ko. Hindi po, hindi po siya nanghihingi ng pera sa akin."

May isyu rin na nanghihingi ang mommy niya ng pera dahil nalululong sa sugal. Ano ang reaksiyon niya rito?

"Hindi po nagsusugal ang nanay ko. At hindi po siya nanghihingi ng pera para lang ipangsugal," tanggi ni Jackie.

Pero sinusustentuhan niya ba ang kanyang pamilya?

"Hindi po. Ako po, sarili kong pera, sarili kong pagod, parang ganun po. Ako po yung bunso. Kanya-kanya kami, actually. Yung apat ko pong kapatid, may sarili na po silang kanya-kanyang pamilya. So, wala na kaming pakialamanan, parang kanya-kanyang buhay na kami."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Hindi siya inoobliga, pero nagbibigay ba siya ng pera sa mommy niya?

"Opo. Kung meron naman pong ibibigay, okay lang. At saka kapag may special occasion, nagbibigay po ako. Kapag may binabayaran, nagbibigay po ako. Hindi po alam ng mga kapatid ko, palihim po akong nagbibigay."

Kung magkakaroon ba ng financial problem sa family, handa ba siyang tumulong?

"Opo, kung kaya ko pong tumulong, why not? Pero kung inaabuso na rin ako, hindi na tama. Lahat po may limitasyon. Lalo na pag nalaman ko na sa hindi okay gagamitin. Siyempre hindi ko naman po pinupulot yung pera, e," pagwawakas ni Jackie.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN