Former child actor Peewee Quijano accepts death of his favorite Tito Dougs

IMAGE 0


"Kung nasaan man ngayon si Tito Dougs, alam ko na ipinagkaloob din ito ng Diyos. Para sa akin, nagawa na niya ang lahat ng gusto niya. Marami na siyang natulungan noong nabubuhay pa siya. It's time for us na tanggapin na ang pagkawala niya," says former child actor Peewee Quijano.


Nakausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) ang sinasabing paboritong pamangkin ng yumaong talent manager and starmaker na si Douglas Quijano, ang former child actor Peewee Quijano na 37 years old ngayon.

Sa mga hindi na matandaan si Peewee, lumabas siya sa ilang pelikula ng Regal Films at iba pang movie productions noong '80s. Ilan sa mga nagawa niyang pelikula ay ang Gabi ng Lagim Ngayon with Alma Moreno, Mark Gil, and Tet Antiquera; Shake, Rattle & Roll ("Manananggal" episode) with Herbert Bautista and Irma Alegre; Regal Shocker: The Movie ("Pangako" episode) with Carmina Villarroel and Anjo Yllana; at mga pelikula nina Maricel Soriano at William Martinez na Oh My Mama at Pabling.

Si Peewee ang unang pamangkin ni Tito Dougs mula sa kapatid niyang si Mark Quijano kaya medyo spoiled daw ito sa talent manager. Ikinuwento ni Peewee sa amin na minsan daw ay isinama siya ni Tito Dougs sa isang shooting at hindi niya alam na magsu-shooting na pala siya.

"Ganyan si Tito Dougs, e. Lagi niya akong sinosorpresa. Tulad noon, isasama raw niya ako sa isang shooting. Siyempre, tuwang-tuwa ako. Pagdating namin doon, sinabi niya sa akin na kasama ako sa movie. Hindi ko alam na pinasok na pala niya ako bilang artista.

"Minsan naman sinabihan niya ako na magbihis at may lalakarin kami. Yun pala, sasakay kami ng yacht kasama ang ilang mga kaibigan niya. Tuwang-tuwa ako kasi first time ko na sumakay ng yacht. Natandaan ko pa na kasama pa namin that time si Babette Villarroel [yumaong entertainment reporter]," lahad ni Peewee.

Kaya nabigla raw si Peewee nang may tumawag sa kanya na sumakabilang-buhay na ang pinakamamahal niyang Tito Dougs. Hindi raw makapaniwala si Peewee dahil noong June 8 ay nagkausap pa raw sila. Noong June 13 ay sumakabilang-buhay na si Tito Dougs.

"Iti-treat ko pa naman sana siya for dinner. Kasi nga, pangako ko sa kanya 'yon noong mag-start ako mag-work sa call center. Gusto ko sa isang sosyal na restaurant ko siya i-treat. Pero noong makatanggap nga ako ng tawag na may nangyari sa kanya, bumiyahe agad ako sa bahay niya sa Lucban. Gusto ko makita for myself kasi gulung-gulo pa ang utak ko."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Noong makita ni Peewee na wala nang buhay si Tito Dougs, umiyak ito dahil marami pa raw siyang dapat ipagpasalamat sa kanya.

"Matagal din kasi kaming hindi nagkita ni Tito Dougs," sabi niya. "Puro tawagan lang kami at text. Yung dinner treat ko nga for him ang chance na magkita kami ulit. Pero hindi ko inaasahan na sa ganitong paraan pa kami magkikita ulit. Ito na pala ang huling pagkakataon na magkakasama kami.

"Malaki ang naitulong niya sa akin, sa dalawang anak ko, at sa asawa ko. Parati siyang may pangaral sa akin. Na ayusin ko ang buhay ko kasi hindi na ako bata. Noon daw kasi cute pa kapag nakakagawa ako ng pagkakamali. Pero ngayon at may edad na ako, hindi na raw cute 'yon. May mga anak na ako kaya pagbutihin ko ang trabaho ko. Yun ang mga mami-miss ko kay Tito Dougs."

Kung may isang bagay raw na hindi makalimutan si Peewee tungkol kay Tito Dougs, ito ay noong tawagan siya nito sa araw ng kanyang kasal.

"Wala sa bansa si Tito Dougs noong wedding day ko," sabi niya. "Tumawag lang siya sa akin. Over the phone, nararamdaman ko na parang malungkot siya kasi ibang buhay na ang papasukin ko. Nagpasabi lang siya na maging mabuti ako sa pamilya ko at maging maayos na ang buhay ko. Pero anytime daw na kailangan ko ng tulong niya ay nandiyan siya parati."

Masakit man sa loob ni Peewee ay nagawa na niyang tanggapin ang pagkawala ng kanyang paboritong uncle.

"Kung nasaan man ngayon si Tito Dougs, alam ko na ipinagkaloob din ito ng Diyos. Para sa akin, nagawa na niya ang lahat ng gusto niya. Marami na siyang natulungan noong nabubuhay pa siya. It's time for us na tanggapin na ang pagkawala niya.

"Mahal kita, Tito Dougs, at maraming salamat sa lahat ng pangaral mo sa akin at pagmamahal na binigay mo sa pamilya ko. Hinding-hindi ka namin makakalimutan," naluluhang pagtatapos ni Peewee.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN