PEP EXCLUSIVE: Legal counsel of Jimenez brothers denies allegations that his clients are responsible for the killing of Ruby Rose Barrameda

IMAGE 0


Atty. Mario Aguinaldo (inset), legal counsel of brothers Atty. Emmanuel Jimenez Jr. and Lope Jimenez, who are both accused of masterminding the grisly murder of Ruby Rose Barrameda-Jimenez (main photo), says his clients did not do it.


Nagpaunlak ng exclusive interview sa PEP (Philippine Entertainment Portal) si Atty. Mario Aguinaldo, abogado ng dalawa sa mga akusado sa pagpatay kay Ruby Rose Barrameda-Jimenez, kapatid ng dating beauty queen at aktres na si Rochelle Barrameda. Nakausap ng PEP si Atty. Aguinaldo sa pamamagitan ng telepono kahapon, June 18.

Ani Atty. Aguinaldo, hangga't maari raw ay ayaw magpa-interview ng mga kliyente niyang sina Atty. Emmanuel Jimenez Jr., Lope Jimenez, at Manuel "Third" Jimenez III. Itinuturong mga nag-mastermind sa pagkakapaslang kay Ruby Rose ang magkapatid na Emmanuel at Lope Jimenez. Asawa naman ng pinaslang si Third Jimenez.

"Yung hinaharap kasi ngayon ng mga Jimenez, masyadong serious, e. Kaya hangga't maari, ayaw nilang magpa-interview," pauna ni Atty. Aguinaldo.

Sa kasalukuyan, lubhang hindi maganda ang impresyon ng publiko sa mga kliyente ni Atty. Aguinaldo. Dahil ito sa mga naglalabasang artikulo tungkol sa kasong kinasasangkutan nila. Kaya minarapat ng PEP na makipag-ugnayan sa kampo ng mga Jimenez upang marinig naman ang kanilang panig tungkol sa mga paratang laban sa kanila.

"Expected na yun," ani Atty. Aguinaldo tungkol sa hindi magandang impresyon ngayon ng publiko sa mga Jimenez. "Dahil ang pinagbibintangan nila [sa pagpaslang kay Ruby Rose], ang mga Jimenez."

NO MOTIVE TO KILL RUBY ROSE. Iginiit ni Atty. Aguinaldo na walang kinalaman ang mga Jimenez sa pagkamatay ni Ruby Rose.

"Wala kasi silang motibo para patayin 'yan, e. Ang gusto nga namin, buhay yung namatay. Dahil unang-una, may mga anak siya na dapat alagaan. Pangalawa, gusto namin na matapos yung isa pang kaso na hindi pa tapos at naka-pending pa sa Las Piñas. Ito yung habeas corpus case."

Lumabas sa mga diyaryo, na noong 2006 ay naghain ng Temporary Protection Order at Writ of Habeas Corpus si Ruby Rose laban sa kanyang asawang si Third Jimenez. Pero pagtutuwid ni Atty. Aguinaldo, hindi Temporary Protection Order ang isinampa ni Ruby Rose sa Regional Trial Court of Las Piñas sa korte ni Judge Gloria Aglugub ng Branch 254, kundi Petition for Protective Order na ipinanalo naman ng mga Jimenez.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ani Atty. Aguinaldo, isinampa ni Ruby Rose ang Petition for Protective Order sa alegasyon nitong sinasaktan siya ng asawa niyang si Third Jimemez. Ngunit, ibinasura raw ng judge ang petisyong ito.

"Sabi kasi nung judge, 'Anong protective order pa ang hinihingi mo? Nakakabisita ka naman sa mga anak mo nang hindi ka sinasaktan ng asawa mo.' 'Saka napatunayan naman sa korte na talagang hindi sinasaktan yung namatay. So, dinismiss na ng korte yun. Yung habeas corpus naman, yun ang hindi pa tapos, pero nananalo na ang mga Jimenez doon. Gusto nga sana ng mga Jimenez na magkaroon na ng final conclusion ang kaso," sabi ni Atty. Aguinaldo.

Ayon kay Atty. Sandy Olazo-Coronel ng Yorac Arroyo Chua Caedo & Coronel Law Firm, isinasampa ang Writ of Habeas Corpus sa child custody cases ng mga naghiwalay nang mag-asawa. Sa pamamagitan ng Writ of Habeas Corpus, maaaring obligahin ng korte ang sinuman sa mag-asawa na nangangalaga sa mga anak na iharap sa korte ang mga ito.

Sa kaso ni Ruby Rose laban sa kanyang hiniwalayang asawa, hangad nitong makita ang mga anak na nasa pangangalaga na ni Third at makuha ang mga ito.

Ngunit dahil binigyan na nga ng visitation rights si Ruby Rose ng korte, alam ni Atty. Aguinaldo na malayong manalo pa si Ruby Rose sa habeas corpus case nito laban kay Third. "Under examination pa nga siya sa witness stand sana. Kaya lang namatay, hindi na dumating...

"At talagang walang dahilan at walang kinalaman ang mga Jimenez sa pagkamatay niya. Hindi sila [Jimenez] mga bayolenteng tao," diin ni Atty. Aguinaldo.

THE BARRAMEDAS' CLAIM. Imposible rin daw ang ipinipilit ng mga Barrameda na may nadiskubreng ilegal na gawain ng mga Jimenez si Ruby Rose, kaya ito pinatay. (Click here to read related article.)

"Imposibleng mangyari yun, dahil hindi alam nung namatay ang operation ng businesses ng pamilya. Walang pinahawakan kay Ruby...dito sa namatay, kundi yung maliit na gasolinahan ng Petron na pinahawakan sa kanya from time to time ng father-in-law niya. Yung other business concerns ng mga Jimenez, walang kinalaman yung namatay," salaysay ng abogado ng mga Jimenez.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Tungkol naman sa sinabi ng ama ni Ruby Rose na si Mr. Roberto Barrameda, na maaaring kaya pinatay ang kanyang anak ay dahil nanakot ito sa mga Jimenez na ibubunyag ang mga ilegal na gawain ng pamilya kung hindi ito mananalo sa kaso nito laban kay Third, wala rin daw itong katotohanan, ani Atty. Aguinaldo.

"Kung totoo 'yan, di tumestigo na yung namatay, lalo na't may kaso tungkol sa oil smuggling na binibistahan na ngayon sa Bureau of Customs. Tsaka malabo yung sinasabi nilang may alam siya tungkol sa ganyan, sa operation...dahil ni hindi nga siya nakakatuntong dun sa compound ng mga Jimenez sa Malabon, e."

MONTERO'S MOTIVES. Sa paglitaw naman ni Manuel Montero, ang pangunahing saksi at isa sa mga akusado sa pagpatay kay Ruby Rose, hindi pa raw alam ni Atty. Aguinaldo kung ano ang tunay na motibo nito.

"Pinaimbestigahan ko ang background ni Montero. Hindi ko pa alam kung ano ang motibo niya. Pero I'm sure meron siyang motibo. Dahil hindi siya makapagsasalita ng mga ganun na sinasabi niya kung wala siyang motibo."

Taliwas din sa mga naunang lumabas na artikulo sa mga diyaryo na nag-resign si Montero sa Buena Suerte Jimenez, sinabi ni Atty. Aguinaldo na tinanggal talaga ito sa kumpanya.

"Tinanggal yan sa kumpanya. Kaya kung siya talaga yung napag-utusan para gumawa nitong krimen na 'to, ba't pa siya tatanggalin? Dapat pa nga, alagaan siya, di ba?" rason ng abugado.

Pinapaimbestigahan pa raw niya kung bakit tinanggal sa Buena Suerte Jimenez Trading Co. si Montero.

"Meron nang sinasabi sa akin, pero gusto kong magkaroon pa ng proof tungkol doon," nawika pa ni Atty. Aguinaldo tungkol sa pagkakatanggal sa trabaho ni Montero.

DOJ SECRETARY'S STATEMENT. Sa panayam sa kasalukuyang Department of Justice Secretary na si Agnes Devanadera ng dzMM (radio station sa AM band ng ABS-CBN), sinabi nitong malakas ang kaso laban sa mga Jimenez at mahihirapan ang mga ito na sirain ang testimonya ng witness na si Montero.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Hindi naman natinag si Atty. Aguinaldo sa pahayag na ito ng bagong itinalaga na Justice Secretary.

"Hindi natin masasabi agad iyon, e. Dahil unang-una, hindi ko pa nakikita yung affidavit ni Montero, wala pa kaming natatanggap na subpoena. Tingnan natin ang ebidensiya, pero to pre-judge a case, e, hindi ko ginagawa yun in my long years of practice. Kailangang tingnan muna nating maigi kung malakas o mahina or whatever.

"Yung sinasabi ni Secretary na yun, maaaring opinion niya yun, pero depende pa rin kung ano ang ebidensiya ng kabila. Hindi ko alam kung bakit niya nasabi yun. Hindi ko alam kung ano ang dahilan...wala akong masasabi ro'n. Okey lang yung sinabi niyang yun. Wala akong masasabi," nasabi na lang ni Atty. Aguinaldo tungkol sa mga pahayag ni Sec. Devanadera.

RESPECTING THE DEAD. Matagal na raw abogado ng mga Jimenez si Atty. Aguinaldo, bukod sa pagiging matalik na kaibigan ng mga ito. Nasaksihan niya rin daw ang naging pagsasama nina Ruby Rose at Third, ngunit pinili niyang huwag na lang magsalita tungkol dito.

"Alam ko kung ano yung mga nangyari sa kanila. Hindi ako makapagsalita on public, gawa ng...may namatay nga. Ako'y gumagalang sa patay. Dahil kapag ako'y nagsalita on public, baka sabihin, e, hindi ako Pilipinong marunong gumalang sa patay. Kapag nagsalita ako, e, merong masasaktan," makahulugang bitaw ng salita ni Atty. Aguinaldo.

Tungkol naman sa balak ng mga Barrameda na pagsasampa na rin ng kaso laban kay Third Barrameda dahil binantaan daw nitong papatayin si Ruby Rose nung nabubuhay pa ito, nagtatakang napatanong si Atty. Aguinaldo.

"Bakit ngayon lang nila sinasabi 'yan? Nung kasagsagan ng mga kaso sa Las Piñas, bakit wala silang sinasabing ganun? Bakit ngayon lang? Mahirap yang nagbibintang, e. Ako'y nahihirapan sa nagbibintang na ganun, e. Pagka kaso, dapat may mabigat na ebidensiya pag nagkaso ka, e.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Kaya nga nung tinatanong mo 'ko tungkol kay Montero, sinabi ko sa iyo na may dahilan sa pakakaalis kay Montero, pero hindi ko masabi sa iyo kung ano. Dahil wala pa akong records.

"'Yang mga ganyan [pagsasampa ng kaso], hindi sa press sinasabi iyan. Hindi sa ganitong interview sinasabi. Ebidensiya ang tinitingnan diyan. Kaya nga ang ating Lady Justice may piring sa mata, e. Dahil ayaw niyang tumingin dahil gusto niya tinitimbang. Kaya may timbangan siya. 'Yan ang essence ng ating Lady Justice.

HOW ARE THE KIDS? Kinumusta naman ng PEP ang mga anak nina Ruby Rose at Third Jimenez.

"Mabuti naman. Maligaya sila sa piling ng ama nila," sagot ni Atty. Aguinaldo.

Alam na ba ng mga bata ang mga nangyayari, na may kaso ang lolo nila at posibleng magkakaso rin ang ama nila?

"Alam nila. Umiyak nga yung mga bata nung malaman nila, e," pagbabalita ng abogado.

Pero ano nga kaya ang dahilan kung bakit ayaw na raw ng panganay na anak nina Ruby Rose at Third Jimenez na makita pa ang ina niya?

"Hindi ko masabi sa iyo, e. Kung gusto mo, tingnan mo yung records sa Las Piñas sa branch ni Judge Aglugub. Malalaman mo doon ang dahilan, ayokong sabihin na lang sa iyo. Makikita mo ro'n ang petisyon ng namatay at ang sagot namin sa petisyon niya," sagot ni Atty. Aguinaldo.

Sa interview naman kay Atty. Aguinaldo ni Arnold Clavio ng Unang Hirit ng GMA-7 noong June 16, malalim daw ang dahilan kung bakit ayaw nang makita ng panganay na anak si Ruby Rose. Ayaw niya ring basta magsalita tungkol dito.

"Ayokong magsalita. Kasi I want to respect the dead," nasabi na lang ni Atty. Aguinaldo.

OTHER CASES. Hiningan din ng PEP ng reaksiyon ang abogado ng mga Jimenez tungkol sa mga ibinabatong paratang sa kanila—ang diumano'y pagma-mastermind ni Atty. Jimenez at kapatid nitong si Lope sa pagpatay kay Ruby Rose, at ang pagkakasabit ng mga ito sa oil smuggling at tax evasion cases.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ayon sa report ng manilatimes.net, ang online version ng broadsheet na Manila Times, ni-raid ng magkasamang puwersa ng Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) at National Bureau of Investigation (NBI) ang Jimenez-owned company na Buena Suerte Jimenez Trading Co. na pinaghihinalaang sentro ng operasyon ng oil smuggling diumano ng mga Jimenez. Iniimbestigahan din daw ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang kumpanya ng mga Jimenez na idinidiin sa salang sa tax evasion.

"Yung oil smuggling at tax evasion na tinatawag, wala naman, e. Katunayan, napatunayan sa lab test mismo na ang mga langis na ginagamit sa kumpanya ay hindi foreign purchased, kundi locally purchased. 'Yang smuggling na 'yan, walang basehan 'yan," pahayag ni Atty. Aguinaldo sa PEP.

Ang nagsagawa raw ng lab testing sa mga langis at gasolinang ginagamit ng Buena Suerte Jimenez Trading Co. ay ang Department of Environment and Natural Resources (DENR). Ayon kay Atty. Aguinaldo, pinatunayan ng DENR na lokal na mga langis ang ginagamit nila.

Dagdag pa ni Atty. Aguinaldo, "Merong mga invoices ang kumpanya about that. May mga delivery receipts na all locally purchased yun. Kaya nga 'yang oil smuggling na 'yan ,di ko malaman kung ba't nila nalaman 'yan at ibinibintang na naman, e."

Idinemanda naman nila ang mga nang-raid na CIIS at NBI operatives na nang-raid sa Buena Suerte Jimenez. "Gawa ng...mali nga yung pagre-raid at yung mga oil ay napatunayan naman na hindi smuggled."

Tungkol naman sa bintang sa kanilang tax evasion, "'Yan ang binibistahan ngayon sa Bureau of Customs. Kaya nga paano mo sasabihing smuggler...smuggling? E, may pending case sa Bureau of Customs."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN