Dingdong Dantes is Marian Rivera's personal gym trainer for Darna

IMAGE 0


"Lahat ng klase ng workout ipinapagawa ko sa kanya, kahit ang pagbuhat ng weights. Siyempre yung pambabaeng workout lang na alam kong kaya niya, para mag-firm ang kanyang muscles," says Dingdong Dantes about his training session with Marian Rivera.


Iilang miyembro pa lamang ng Professional Artists Managers, Inc. (PAMI) ang nasa Chapel 7 ng Heritage Memorial Park nang magkasabay na dumating sina Dingdong Dantes at Marian Rivera kagabi, June 18. Ang PAMI ang nag-sponsor ng Holy Mass para sa yumaong talent manager na si Douglas Quijano kagabi.

From afar, tinanong ng mga taga-PAMI kung sino ang kasamang "sexy" ni Dingdong. Si Marian ang tinutukoy nila na kahit naka-tuck in ang white blouse na suot ay kitang-kita pa rin ang magandang figure sa Jag pants na suot nito.

Pagkatapos magbigay ng kanilang huling respeto kay Douglas, lumapit sina Dingdong at Marian sa mga taga-PAMI upang bumati. Hindi raw sila nakarating noong GMA-7 sponsored Mass last Wednesday evening, June 18, dahil may training si Marian para sa Darna.

Sa pakikipag-usap ng PEP (Philippine Entertainemnt Portal) kina Marian at Dingdong, nabanggit nila na naging close din pala sila kay Tito Dougs.

Kuwento ni Marian, "Una pong ipinakilala sa akin ni Momsie [Popoy Caritativo, Marian's manager] si Tito Douglas noong bago pa lang niya akong hina-handle. At alam ko po marami siyang pointers na ibinigay kay Momsie how to handle his talents. Nakakagulat nga lang po nang malaman kong wala na siya. But I know masaya na po siya kung saan siya naroon ngayon."

Ayon naman kay Dingdong, "Matagal ko na ring kilala si Tito Dougs, Viva days ko pa po. At nakita kong napakamasayahin niya. Nang itawag nga po ni Marian sa akin, hindi ako makapaniwala. Matagal-tagal na ring hindi kami nagkikita ni Tito Dougs. May he rest in peace with our Lord."

TRAINING FOR DARNA. Pinansin naman si Marian dahil blooming ang beauty niya at ang ganda-ganda ng figure niya. Dahil ba ito sa training niya for Darna?

"Yes po," sagot ng aktres. "Bukod po kasi sa training ko ng harness at wushu, nagdyi-gym na rin po ako... Ang higpit po ng trainor ko!" natawa niyang sabi sabay tingin siya kay Dingdong.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Patuloy niya, "Two days pa lang po akong nakikisabay sa gym sa kanya [Dingdong]. Kapag hindi ko magawa yung ipinapagawa niya sa akin, sasabihin niyang 'Kaya mo 'yan,' at nagagawa ko rin po naman."

Dagdag naman ni Dingdong, "Lahat ng klase ng workout ipinapagawa ko sa kanya, kahit ang pagbuhat ng weights. Siyempre yung pambabaeng workout lang na alam kong kaya niya, para mag-firm ang kanyang muscles."

KATRINA AS VALENTINA. Tinanong ng PEP si Marian tungkol sa issue na ayaw raw niyang makasama bilang kontrabida sa Darna si Katrina Halili, at kung anu-ano pa raw pagtataray ang ginawa niya simula nang lumabas ang sex-video scandal ng huli.

"Hindi po totoo 'yon," tanggi ni Marian. "Wala naman akong karapatang magpatanggal o magsabi kung sino ang gusto kong makatrabaho. Ang management po ang nagdedesisyon kung sino ang alam nilang bagay sa character sa isang show.

"May mga nagtanong na rin sa akin kung gusto ko raw si Katrina ang gumanap na Valentina sa Darna. At sabi ko, bakit naman hindi? Nagkasama na kami sa Marimar at ang laki ng nagawa niya sa aming show.

"Ngayon ko nga lang po nalaman na siya na pala ang kontrabida sa Rosalinda ni Carla Abellana. Kayo po, baka alam na ninyo kung sino ang magiging Valentina, sabihin na ninyo sa akin... Hindi ko pa alam kung sinu-sino ang makakasama ko.

"Isa pa, wala na rin po akong time makipagkuwentuhan. May two shooting days pa po ako ng Tarot sa Regal, at yung training ko po ng Darna. Kaya pag-uwi ko ng bahay, gusto ko na lang magpahinga at matulog," paliwanag niya.

TWO MARKS. Iba naman ang pananaw ng talent manager na si Lolit Solis, na kaharap din habang kausap ng PEP sina Dingdong at Marian.

Ani Lolit kay Marian, "May nagsabi sa akin na pinatanggal mo raw si Mark [Herras] sa Darna. Sagot ko naman, karapatan mo kung ayaw mo sa katambal mo. Naloka lang ako nang hindi naman pala talaga kasama si Mark sa Darna kundi si Mark Anthony [Fernandez]! Nang-intriga agad yung nakarinig na akala niya dahil Mark, akala niya si Mark Herras na!"

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sagot naman ni Marian, "Si Mark Anthony Fernandez nga po ang sinabi nila sa akin na makakatambal ko sa Darna. Kaya nagulat din ako na may nagsabi na kasama rin si Mark Herras, dalawa raw ang katambal ko. Ako naman, okey lang sa akin kung 'yon ang gusto ng management. Walang problema sa akin 'yon."

DINGDONG IS CHOLO. Tinanong naman namin si Dingdong kung sino yung girl na tumawag sa kanya ng "Cholo" sa teaser ng susunod niyang project sa GMA-7, ang Pinoy adaptation ng Koreanovela na Stairway To Heaven.

"Hindi ko po siya kilala, baka isang talent po siya. Pero hanggang ngayon, hindi pa rin nila sinasabi sa akin kung sino ang makakatambal ko sa soap. By August pa kasi kami magte-taping nito," saad niya.

Pinaghahandaan na ba niya ang taping ng Stairway To Heaven, na isang full-length drama series?

"Yes, pinanood ko na po ang DVD nito at pinag-aaralan ko na ang mga eksena. Pero siyempre, guide ko lang po 'yon, at gusto kong gumawa naman ng sarili kong interpretation ng bawat eksena."

Kagagaling lang ni Dingdong sa Tacloban City last weekend sa opening ng branch ng Robinson's doon. May coming shows ba siya abroad since wala pa siyang ginagawa?

"Hindi po muna namin tinatanggap ang out-of-the-country shows," sabi ng matinee idol. "Dapat next weekend nasa Hong Kong kami, pero hindi na po muna kasi may chances talaga na makakuha ka ng virus ng A (H1N1) at makahawa sa mga kasama. Mahirap po sa trabaho namin. Kailangan naming mag-quarantine pa bago makapagtrabaho."

FATHER'S DAY. Sa Sunday, June 21, ay Father's Day na. Paano nila ise-celebrate iyon ng daddy niya?

"Hindi ko pa po alam kung paano. Kasi a-attend kami ni Marian ng Box-Office King & Queen coronation night ng Guillermo Mendoza Memorial Scholarship Foundation. Through PEP, gusto po naming ipaabot ang pasasalamat sa kanila at sa mga fans namin," banggit ni Dingdong.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Napiling Most Phenomenal Love Team on TV sina Dingdong at Marian para sa kanilang TV shows na Marimar at Dyesebel last year.

"Bukas naman [tonight, June 19], maaga ang call time namin sa Araneta Coliseum para sa 59th anniversary celebration ng GMA Network sa Araneta Coliseum. Magri-rehearse pa po kami kaya maaga ang call time namin."

Sabi naman ni Marian, na ang ama ay nasa Spain, "Miss na miss ko na po si Papa. Iti-text ko na lang siya sa Sunday. Hindi ako natuloy na pumunta sa kanya sa Madrid. Siguro po, sosorpresahin ko na lang siya basta nabigyan ako ng kahit one week vacation ng GMA-7."

Pagkatapos nito ay nagpaalam na ang dalawa. Biniro tuloy ni Lolit na siguro ay magdi-dinner sila sa Serendra at natawa lang ang dalawa. Pero bago sila nakaalis, nakasalubong naman nila ang mag-asawang Aga Muhlach at Charlene Gonzalez, at ilang minuto rin silang nagkuwentuhan at maraming nagpa-pictorial sa kanilang apat bago sila tuluyang nakaalis.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN