Yaya and Angelina chat with their fans

IMAGE 0


Ogie Alcasid and Michael V. as Angelina and Yaya, respectively, interact with their fans through live chat. The formidable duo from Bubble Gang and Hole In The Wall will soon be seen in their first movie together, Whatever Yaya! Spoiled Brat The Movie.


In character sina Ogie Alcasid at Michael V. bilang Angelina at Yaya, respectively, nang ma-interview sila ng PEP (Philippine Entertainment Portal) last Monday, June 22, sa 12th floor ng GMA Network Center, after nilang makipag-live chat sa kanilang fans. Ang live chat ay in-organize ng GMA New Media Inc. (NMI) through its iGMA.tv, ang official website ng GMA Network.

Kumusta ang first time nilang pakikipag-chat sa kanilang mga fans, hindi lang sa Pilipinas kundi pati sa ibang bansa na naaabot ng GMA Pinoy TV?

"Maganda," bibong sagot ni Angelina sa interview ng PEP. "E kasi maganda yung kausap mo yung mga fans mo para malaman mo yung feedback nila."

Sagot naman ni Yaya, "First time namin itong mag-chat. Alam ko si Angelina lagi itong nagtsa-chat sa bahay, pero first time naming mag-chat para sa iGMA. Ang daming mga boys! Kinuha ko yung mga e-mail nila para mag-send ako ng pictures, ganyan."

Ano ang memorable message nila mula sa mga chatters?

"Wala nga, e, puro kung anu-ano lang ang pinagtatanong. Akala nila totoo kaming yaya at bata!" biro ni Yaya. "Para sa akin kasi maganda yung hindi nila kami nakikita as Michael V. at Ogie Alcasid. Kasi, ibig sabihin effective yung character namin."

Dagdag ni Angelina, "Marami rin ang naggi-greet, nagko-congrats. Lagi daw sila nanonood ng Hole In The Wall at saka kikita daw yung movie namin."

Ano ang feeling na nagsimula lang sila sa segment ng Bubble Gang, tapos nagkaroon na ng sarili nilang TV show sa GMA-7 na Hole In The Wall, at may paparating pang movie na Whatever Yaya! Spoiled Brat The Movie? Marami ang nagsasabi na sikat na sikat na sila kaya pati pakikipag-chat sa mga fans nila ay kina-career na nila.

"Masaya naman. Happy kami na maraming nagkilala sa amin," ani Angelina.

"Oo nga," dagdag ni Yaya. "Kahit papaano dati taga-Cebu lang ako, tapos ngayon bonggang-bongga na meron na akong pelikula. At saka natutuwa ang mga yaya kasi bida sila, e."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Na-foresee ba nila noon na sisikat sila ng ganito ngayon?

"Hindi, hindi namin alam," sabi ni Angelina.

Biro ni Yaya, "At itong mga nangyayaring ito, palagay ko hindi na lalaki si Angelina. Maiwan na ito sa pagkabata niya."

"Lagi na lang seven years old. Kahit na si Ogie mga 80, seven pa rin si Angelina!" natatawang sabi naman ni Angelina.

SPOILED BRAT, THE MOVIE. Kumusta na ang ginagawa nilang pelikula?

"Mabuti naman, naka-second day na kami," ani Angelina.

Produced by GMA Films and APT Films, directed by Mike Tuviera, nakatakdang ipalabas ang Whatever Yaya! Spoiled Brat The Movie sa September. Makakasama nila rito ang ex-couple na sina Aiko Melendez at Jomari Yllana, na gaganap na mga magulang ni Angelina. Kasama rin sina Iza Calzado, Sheena Halili, Victor Aliwalas, Pekto, at John "Belly Flores" Feir.

"At marami pang susuporta sa amin," pagsisiwalat ni Yaya. "Si Dennis Trillo nandiyan. Si Regine Velasquez mag-a-appear. Si Brad Pitt, Angelina Jolie...kinu-contact ko pa sila."

Ano ang masasabi nila na dahil sa kanila ay magkakasama ulit sa trabaho sina Jomari at Aiko?

"Ang cute nga nila together, e. Nag-bonding-bonding. Hindi nga kami kinakausap, e, silang dalawa lang nag-uusap," ani Angelina.

Ano ang mae-expect ng mga manonood sa movie na ito? May mga revelations ba rito?

"Expectations, revelations... wala!" pa-inosenteng sagot ni Angelina.

Pabirong singit naman ni Yaya, "Huwag naman silang mag-e-expect ng mga tipong Da Vinci Code o kaya Angels and Demons. Puro demons lang dito! Hindi, biro lang. Pero hindi ko masabi pa. Alam ko napaka-light ng istorya, parang Hole In The Wall. At saka malalaman n'yo yung pinagmulan... Kung bakit naging yaya ni Angelina si Yaya at kung bakit hanggang ngayon, e, siya pa rin ang yaya niya."

Pagkatapos ng movie, sa palagay nila ano ang iba nilang papasukan?

"Balak naming magtayo ng sariling TV network. Ano pa yun...hindi pa naman in the near future. Bigyan mo pa ng mga fifty years pa!" patawa pa ni Yaya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ano ang magiging pangalan ng network?

"GMA din. Gusto naming bilhin itong building. Maganda, Yaya, mataas, o!" biro ni Angelina.

"Oo nga. Kaya lang yung mga katulong natin... Dadalawa lang ang mga katulong natin, mahihirapang maglinis ng mga bintana," sabi ni Yaya.


GOOD WORDS FROM YAYA & ANGELINA. Ano ang masasabi ni Yaya sa mga sinasabi ng iba na hindi raw role model sa mga yaya si Yaya?

"Oo nga, kasi sinasabi ng iba minamaliit daw yung mga yaya. Pambihira naman! Bonggang-bonggang yaya na kagaya ko, minamaliit pa. Biruin mo nasa TV ka na, nag-Hole In The Wall, nagpelikula ka pa! Minamaliit mo pa ba 'yang lahat na 'yan? Lahat ng mga yaya magaling. Kasi paano makapagtrabaho ang mga magulang kapag walang yaya?" paliwanag ni Yaya.

Totoo bang spoiled brat si Angelina?

"E, kasi 'yang si Yaya, masarap paglaruan, kasi mabait!" natatawang bulalas ni Angelina.

Sa kabila ng sinasabing spoiled brat si Angelina, anong maganda ang puwedeng sabihin ni Yaya tungkol kay Angelina?

"Wala akong masasabing hindi maganda sa alaga ko. Kasi lahat naman ng mga bata mababait naman talaga, e, likas na mababait ang mga bata. Ngayon, nasa mga matatanda kung paano sila palalakihin. Ngayon, kapag basura ang ipinakain mo sa bata, basura ang iluluwa niyan. Kaya dapat maging aware ang mga matatanda kung paano nila aalagaan ang mga bata. Kagaya ko, laging puro magaganda ang ginagawa ko sa kanya kaya puro magaganda ang ginagawa niya sa akin," wika ni Yaya.

Ano namang maganda ang masasabi ni Angelina kay Yaya?

"Wala!" sabay tawa ni Angelina. "Hindi, si Yaya maano 'yan... maalalahanin. Lagi niya akong inaalagaan. Whatever!"

EDWARD, THE LIFEGUARD. Nali-link si Yaya ngayon kay Edward, ang Belgian model na lifeguard sa Hole In The Wall. Papayagan ba ni Angelina si Yaya na magpasakal kay Edward?

"Kay Edward... ayoko, kasi lagi siyang nakahubad," ani Angelina.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Singit naman ni Yaya, "Ayaw mo nun, dalawa na kaming mag-aalaga sa iyo?"

"Ayaw ko!" mariing tanggi ni Angelina.

"Iha-hug ka rin niya. Kakargahin ka rin niya. Iki-kiss ka rin niya," pangungumbinsi ni Yaya kay Angelina.

"Ayaw ko!" sabi ng ayaw papilit na si Angelina. "Ikaw lang ang may gusto nun, e."

Pero para kay Yaya, sino ba ang mas matimbang sa puso niya, si Edward o si Angelina?

"Tinatanong pa ba yun? Siyempre si Edward... Ay hindi, siyempre si Angelina ang mas matimbang. Kasi mas matagal ko na siyang kakilala. At saka sabi ko nga sa iyo, ibibigay ko ang buhay ko para sa alaga ko, e. Yung si Edward, puso lang ang ibigay ko, pero hindi buhay," sambit ni Yaya.

Ano ang mensahe nila sa kanilang mga fans?

"Salamat sa pagsuporta. Manood kayo lagi ng Hole In The Wall at saka Bubble Gang," sabi ni Angelina.

"Abangan n'yo po ang movie namin, Whatever Yaya! Spoiled Brat The Movie. Pag pinanood n'yo ang movie namin," pagwawakas ni Yaya, "hindi kayo magiging loser!"


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN