Sharon Cuneta says it's "impossible" for daughter KC Concepcion to be involved in a sex scandal

IMAGE 0


"Though I admit na I don't know kung nasaan siya minsan because she is so busy, pero alam ko na walang gagawin na ganyan ang anak ko. Pinalaki ko nang maayos ang batang 'yan. I trust her sa mga ginagawa niya. And KC is not that kind of person at all," says Sharon Cuneta (right) about the rumored sex video of her daughter, KC Concepcion (left).


Nagsalita na sa wakas ang Megastar na si Sharon Cuneta tungkol sa kumalat na balitang may sex video diumano ang kanyang panganay na anak na si KC Concepcion. Kumalat ang balitang ito noong kainitan ng paglabas ng sex videos ni Dr. Hayden Kho Jr. Kabilang sa mga babaeng nasa sex video ay ang Kapuso star na si Katrina Halili at ang Kapamilya newbie na si Maricar Reyes.

Nakapanayam ng PEP (Philippine Entertainment Portal) si Sharon sa set ng pelikulang OMG! (Oh, My Girl!) noong Miyerkules, July 1, sa Taal, Batangas. May cameo role si Sharon sa naturang pelikula na pinagbibidahan nina Judy Ann Santos at Ogie Alcasid.

Nagulat daw si Sharon noong unang makarating sa kanya ang balitang ito tungkol kay KC. Pero hindi nagtagal ay pinagtawanan na lang daw nilang mag-ina ang issue na iyon. Pati nga raw ang mister ng Megastar na si Sen. Kiko Pangilinan ay hindi makapaniwala sa tsismis na ito.

"To be honest, na-shock ako pero natawa rin ako," simula ni Sharon. "Kasi nananahimik ang anak kong nagtatrabaho, tapos biglang may ganyang balita? Idamay ba ang anak ko sa issue na 'yan?

"Kami nga ni Kiko, shocked kaming dalawa kasi, suddenly, everybody was asking us. Parang, 'Ano 'yon?' Kasi nga, kakabalik ko lang that time, tapos biglang may ganyan. Naguluhan kami, not until we got the whole story from KC na mismo. Tapos, may mga kaibigan kami na nagsabi rin ng lumabas na issue.

"Alam ko na hindi biro ang tsismis na 'yan. Pero if you look at it, nakakatawa talaga because of all people, si KC pa ba ang gagawa ng ganyan? Hindi possible, e. That's not who KC is," pagtatanggol ng Megastar sa anak.

P20-M FOR DVD? Dumagdag pa sa issue na ito na naglabas daw ng pera si Sharon para lang matigil ang pagkalat ng naturang KC sex video.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Mas nakakatawa nga yung nagbalita na I paid P20 million to buy off that sex video of KC daw. Dyusko naman, bago ako maglabas ng P20 million pesos, e, ipapakulong ko muna ang taong 'yon, di ba? Bakit naman ako magbabayad ng gano'n, e, hindi naman totoo?

"Nagkausap naman kami ni KC regarding that, and she was laughing as well. Paano naman daw 'yon, e, napakaingat ng batang 'yan? Though I admit na I don't know kung nasaan siya minsan because she is so busy, pero alam ko na walang gagawin na ganyan ang anak ko. Pinalaki ko nang maayos ang batang 'yan. I trust her sa mga ginagawa niya. And KC is not that kind of person at all."

Naungkat pa nga ang dating issue ni Sharon na may kumalat din itong sex video noong araw.

"Oo nga, di ba? Pati ako noon natsismis na may sex video. Betamax pa nga yung sa akin, e. Sabi ko nga kay KC, masuwerte siya at ang tsismis ng sex video niya, e, nasa DVD na, ako Betamax pa!" malakas na tawa ni Sharon.

Dagdag niya, "Ganyan na lang namin tine-take ang issue na 'yan kasi wala namang katotohanan. Hindi namin iiyakan 'yan because like what I said, it is so funny to even think of it na puwedeng mangyari."

PROTECTIVE MOTHER. Pero bilang isang ina, ang pagiging protective ni Sharon sa kanyang mga anak ay sobra-sobra kaya huwag lang daw magkamali ang mga taong ito na gumawa ng paninira sa kanyang pamilya.

"Kung sino man ang taong nag-imbento niyan at tila may galit sa anak ko o sa pamilya namin, sana, e, na-entertain ka sa sinimulan mong 'yan. But don't ever think that he or she can get away with it.

"Sa ngayon, e, we're taking it lightly. We don't need to panic kasi nga it's not true at all. It's something kasi na we find so ridiculous. But if this thing doesn't stop, marami namang paraan para makabawi kami. There is always a way to get back at this kapag hindi pa nila itigil 'yan.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Please lang naman, huwag nilang sirain ang buhay ng ibang tao. Kung nagawa nilang manira ng ibang buhay ng ibang babae, may kapalit lahat 'yan. I believe in karma. What goes around, comes around, di ba? At kapag tumama sa iyo ang karma, mas masakit," diin ni Sharon.

Wala raw clue si Sharon kung sino ang gumawa ng ganitong tsismis sa kanyang anak. Malaman lang daw niya kung sino ito, baka hindi raw niya mapigilan ang sarili niyang saktan ang taong ito na gustong manira ng kanyang anak.

"Ganyan naman ang lahat ng ina, di ba? We will protect our children from harm. Lalo na siguro kung kilala mo na ang taong 'yan na gustong saktan ang anak mo, masasapak mo talaga siya.

"Nakakapagtaka nga kung bakit sa dami ng artista ngayon, e, si KC pa ang napili nilang ganyanin. Is it because dahil alam nila na mabait ang anak ko at hindi ito papalag? O, gusto lang nilang mabenta ang mga sex videos nila at my daughter's expense?

"Napaka-unfair at mapakabastos ng taong 'yan to even think about using innocent people para sa ginagawa nila. What do they get out of it ba? Money? Magiging masaya ka ba na kumikita ka habang may mga taong nasasaktan? I guess hindi matino ang pag-iisip ng mga taong 'yan and I feel not just anger, but I feel so sorry for them dahil they resort to this kind of work," pahayag ni Sharon.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN