Annabelle Rama to Wilma Galvante: "Bumaba ka na sa puwesto mo! Resign!"

IMAGE 0


"Dapat ikaw, Wilma, mag-resign ka, dapat mag-leave of absence ka. Nakakahiya ka! Hindi ka ba nahihiya sa mga taga-GMA? Nandiyan ka pa hanggang ngayon nagdedemandahan tayong dalawa? Conflict of interest, 'yan ang ibig sabihin doon, kaya huwag makapal ang mukha mo, Wilma Galvante! Ako pa sa 'yo, Day, bumaba ka na sa puwesto mo! Resign!"Annabelle Rama (right) says to Wilma Galvante (left).


Live na nag-guest ang talent manager na si Annabelle Rama sa showbiz talk show ng GMA-7 na Startalk kanina, August 15. Pero bago yun, may natanggap na text message ang writer na ito mula sa isang taong nagpakilalang siya si Annabelle at sinabing panoorin daw ang guesting niya sa Startalk later.

Sa live interview kay Annabelle kanina, nagpakawala na naman ng maaanghang na salita ang ina nina Ruffa, Richard, at Raymond Gutierrez laban sa SVP for Entertainment TV ng Kapuso network na si Wilma Galvante. Ito ay kaugnay ng pagkakabasura ng "grave oral defamation" case na isinampa ni Annabelle laban kay Ms. Galvante. (Click here to read related story.)

Ang apat na hosts ng Startalk na sina Joey de Leon, Lolit Solis, Ricky Lo, at Butch Francisco ang humarap kay Annabelle at nagtanong sa kanya.

"KUNG AKO ANG FISCAL, HINDI AKO MATATALO." Binanggit ni Joey na si Annabelle raw mismo ang nagpasya na sa Quezon City Prosecutor's Office isampa ang kaso niya laban kay Ms. Galvante.

"Alam mo, Joey, ako, matigas ang ulo ko," umpisa ni Annabelle. "Ang lawyer ko, ayaw talagang mag-file dun kasi alam niya na walang mangyayari. Kasi yung lawyer ni Wilma, ang asawa ay assistant prosecutor [sa Quezon City]. So, sabi niya, 'Wala tayong kapana-panalo diyan. Kasi, isang tawag lang 'yan, tapos na tayo diyan.'

"Sabi ko naman kay Attorney, hindi ako naniniwala. Kasi para sa akin, yung justice system sa kaso ko, aandar. Alam mo na kung ano ang bawal sa akin, 'yan ang gustung-gusto ko, e. Sabi ko, 'Try natin, bakit, walang masama?' Kung ako ang fiscal, si [Ronald] Torralba, kung nabasang mabuti yung aking complaint against Wilma, hindi ako matatalo.

"Kaya ako magpa-file ng reconsideration, kasi malaki ang paniniwala ko, Joey, malakas ang kaso ko. For me, mas naniniwala ako kay JC [de Vera, Annabelle's talent], who is only 22 years old, kesa kay Wilma Galvante na siyempre puro kasinungalingan, di ba?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Unang-una, sinabi ni Wilma... Hindi totoo lahat ng sinasabi niya. Totoo 'yan, 'Day, puwede kang makipag-usap sa talent ko kung creative. Kunyari, 'O, JC, hindi ka maganda sa show na yun, ganun-ganyan.' At wala kang pakialam kakausapin ang talent ko para sira-siraan mo ako sa harapan ng talent ko! At wala ka ring pakialam susulutin ang talent ko! At nagbibigay-bigay ka pa ng calling card. Ang sabi mo kay JC...

"Ito ha, Prosecutor Torralba, kung nanonood ka sa akin ngayon, at saka yung asawa ng lawyer [ni Wilma], Prosecutor Vicky Villamor... Ito, iano ko na sa TV, ang nasa loob ko ba't ako nagdemanda kay Wilma Galvante.

"Sinusulot mo ang aking talent, Wilma! Huwag kang magsinungaling sa akin. Ayan, buhay na buhay si JC. Paniwalaan ko yung talent ko, he's only 22 years old, hindi magsisinungaling 'yan. Binigyan mo pa siya ng calling card. Sabi mo sa kanya, 'Kapag may problema ka sa manager mo, tawagin mo ako anytime. Eto ang calling card ko.' Okay? Maliwanag na maliwanag 'yon sa sikat ng araw na sinusulot mo si JC.

"At ako ang manager, bakit hindi mo ako tinatawagan para kausapin mo? Bakit mo ikukulong ang aking alaga sa kuwarto mo at kung ano-ano ang mga sinasabi mo tungkol sa akin? Sinisira-siraan mo ako! Yun lang naman ang sa akin Joey, wala siyang karapatan dapat doon."

"KAPAG WALA SIYANG PATAK NA METRO... IIPITIN ANG MGA TALENTS MO." Tanong naman ni Lolit, hindi ba't dati naman silang magkaibigan ni Wilma at palagi naman silang nag-uusap?

"Alam mo Lolit, hindi lang alam ng publiko, pero kami ni Wilma, mula Mulawin days, mula Click days ni Richard, magkaaway na kami. Kasi, napapansin ko lang lately, napapansin ko lang, kapag wala siyang patak na metro sa mga talents mo, hindi ka... Ikaw Lolit, delikado ka rin diyan, iipitin ang mga talents mo. Si Richard, iniipit niya umpisa pa lang 'yan, e. Kaya ako, marami ang nagtataka sa akin, bakit daw magkaaway kami ni Wilma, maraming projects si Richard?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Mula noong Mulawin, Lolit, hindi ako na-convince ni Wilma Galvante na mag-renew ng contract sa GMA. Hindi ako na-convince. Yung Mulawin days pa, alam ni Wilma 'yan, gusto ko nang umalis dahil sa kanya.

"Napakabait lang talaga ni Attorney [Felipe] Gozon, napakabait ni Annette, yung mga Gozon sa akin. Nag-usap kami ni Attorney, dun kami nagkasundo. Yung kontrata ni Richard, galing 'yan sa network. Hindi dahil 'yan kay Wilma Galvante. Kaya marami siyang projects dahil sa kontrata niya. Lahat ng ginagawa ni Richard ngayon, nasa kontrata lahat 'yan hanggang Captain Barbell, nasa kanya, kaya hindi puwedeng agawin maski kanino 'yan.

"Itong si Wilma Galvante, wala siyang patak galing sa akin sa alaga ko kaya siguro iniipit-ipit niya."

"IPAPUTOL MO NA, NGAYON DIN!" Kinuha naman ni Ricky ang reaksiyon ni Annabelle sa sinabi ng abugado ni Wilma na si Atty. Alfred Villamor na hindi naman sa sala ng asawa niya na si Quezon City Assistant city Prosecutor Victoria Gener-Villamor natapat ang kasong isinampa niya laban sa GMA executive. Kaya ang pakiusap ng abugado ay huwag silang idamay at personalin.

"Hindi ko naman siya idinadamay. Guilty ka ba? Guilty ka ba, Attorney?" buwelta ni Annabelle. "Attorney, ito lang ang mga message ko sa 'yo ha... Siguruhin mo lang na hindi makulong ang client mo. Kasi, ikaw, alam ko na lawyer ka ni Atong Ang. Si Atong Ang pinakulong mo. Nakulong siya, talo kayo sa kaso. Kaya siguraduhin mo lang si Wilma Galvante, hindi makulong, okay? Kaya huwag kang magyabang-yabang sa akin dahil hindi naman kita pinepersonal, e.

"Attorney, ang ayaw ko lang sa 'yo, masyado kang mayabang na lawyer. Pinagsasabi mo sa party ni Chavit Singson, ipapaputol yung ari mo kung matatalo yung kaso. Mali yun, e. Huwag kang magyayabang! Nagkakaso pa lang tayo, nagyayabang ka na agad na ipapaputol mo ano mo... Ipaputol mo na, ngayon din! Gusto mo? O, hinahamon kita, ipaputol mo ngayon din!"

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"KAKARMAHIN KA RIN NIYAN!" Natatawang tanong naman ni Butch kay Annabelle, bago raw sila magkaputulan, kung itutuloy pa ba niya ang pagpa-file ng motion for reconsideration?

"Monday, magpa-file na kami," sagot ni Annabelle. "Kasi ako, naniniwala talaga ako, Joey, malakas talaga ang kaso ko. Malakas ang laban namin. Kaya ako naman, yung pagre-review ng mga prosecutors sa Quezon City, rebyuhin n'yong mabuti, Dong! Alam kong mananalo ako sa kasong ito. Ako, hindi ako prosecutor, hindi ako fiscal, pero alam ko na mananalo ako. Kaya rebyuhin n'yo lang. Huwag n'yo lang pairalin yung kalaban ko, executive ng GMA. Bakit, tao lang naman siya, tao lang din ako. Pareho lang tayo, Wilma Galvante.

"Kaya ikaw Wilma... Advice ko rin sa 'yo, Wilma, 'no... Attorney, kung magaling kang lawyer, adbaysan mo ang client mo na habang may kaso kaming dalawa, dapat sa kanya, mag-leave of absence. Kasi, conflict of interest 'yan. Siyempre, executive ka ng network, kalaban mo ako, manager. Kawawa naman kami! Ipit ka nang ipit. Iniipit mo yung Zorro. Lahat ng project ni Richard, ipit ka nang ipit. Masama yun, 'Day, kakarmahin ka rin niyan!"


"WALANG KINALAMAN SI WILMA SA MGA TALENTS KO!" Tanong naman ni Lolit, hindi ba't may mga assignments naman sa GMA-7 ang ibang mga alaga niya, gaya ni TJ Trinidad na nasa Stairway To Heaven? Pero bago pa man natapos ni Lolit ang tanong ay sinagot na siya ni Annabelle.

"Hindi naman siya ang tumutulong. Walang Wilma... Iklaro ko lang sa taong bayan, lahat ng mga talents ko na may trabaho, walang kinalaman si Wilma Galvante diyan, wala! Siguro napansin ng network, o ni Attorney Gozon ang aking mga talents. Talented naman talaga, magaling umarte, maganda, hindi naman problematic sa set, lagi namang on time, kinukuha nila. Hindi naman pipitsugin ang mga alaga ko, a! Mga disente naman. Hindi naman mga pokpokin mga alaga ka, a! Disente naman ang mga alaga ko, a! O, bakit niya hine-hate-hate niya? Biro mo naman 'yan. Walang kinalaman si Wilma diyan, mga projects ng alaga ko, hindi siya ang nagbigay diyan, hindi!" diin ng talent manager.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"ANG SARAP KAYANG MAG-HEARING!" Tinanong naman ni Ricky si Annabelle kung bakit masigasig pa rin siyang ituloy ang kaso at nag-e-enjoy ka siya.

"Ang sarap kayang mag-hearing Ricky, mag-try ka nga!" sagot ni Annabelle. "Nag-enjoy ako talaga, yung ganun. Lalo na kapag magagaling ang mga lawyers, enjoy talaga ako. Pangarap kong maging lawyer, maging madre, hindi lahat natutupad lahat 'yan. Kaya ngayon ako, parang gusto ko nang matupad, pero mahihirapan yata ako. Nag-e-enjoy talaga ako. Saka ako, mas nauuna pa akong dumating sa judge. Kapag sinabing eight o'clock, 5 a.m., gising na ako!"

Kinumusta naman ni Joey ang civil case na isinampa sa kanya at kung ano ang inaasahan niya sa mediation na magaganap sa pagitan niya at sa kabilang kampo?

"Hindi ba kasasabi lang ng lawyer ni Wilma, wala daw akong maaasahang mediation, wala akong maasahang settlement? Dong, nagkakamali ka! Ako, hanggang Supreme Court, tuloy natin ang kaso. Hindi ako magpa-settlement. Ako, hindi ako nahihirapan sa hearing. Yung talent mo, baka nahihirapan na 'yang si Wilma, kaya hindi na magaganda ang mga shows ng GMA dahil puro na lang meeting ang ginagawa sa 'yo, Dong. Hindi mo ba alam Attorney 'yan? Pumangit na ang shows...."

Naputol ang sinasabi ni Annabelle nang biglang magtanong si Lolit kung ano ang saloobin ng pamilya niya sa kasong ito?

"Ang pamilya ko, kung ano ang tama, doon sila. Alam naman siguro ng pamilya ko na tama ako," aniya.

"LORAYNE... HUWAG KANG UMASA KAY RICHARD." Pagkatapos nito ay biglang isiningit ni Annabelle ang kaso naman ng anak niyang si Richard Gutierrez na isinampa ni Lorayne Pardo, ang asawa ng namatay na personal assistant ng actor na si Nomar Pardo.

Aniya, "Maiba muna tayo ng isyu... Yung lawyer na isa [Atty. Ombar Jainal], sasagutin ko 'yon. Yung kay Lorayne, asawa ni Nomar, namatay... Sabi niya kanina, hindi siya umaasang settlement. Attorney, I'm sorry, hindi ako makikipag-settlement sa inyo. Baka hindi mo alam, yung client mo, yung tatay ni Nomar... Yung tatay ni Nomar [Mr. Ramon Pardo], tumawag kay Pilita [Corrales, dating amo ni Nomar] last Tuesday [August 11] at nagmakaawa siya na kumbinsihin si Richard at saka ako. Kung puwede, yung three years na gustong itulong ni Richard na suweldo ni Nomar para do'n sa mga bata, i-lump sum na lang bigay at pipirma na sila kung anumang klaseng pipirmahan nilang waiver.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Ang isinagot ko kay Pilita, Attorney, kung hindi mo pa alam, 'Pilits, hindi na tutulong si Richard kasi nagdemanda na sila. At aayusin na lang yung kaso, haharapin na lang yung kaso ni Richard. Yung offer na 'yun, yung pagkamatay ni Nomar, concern lang si Richard sa mga bata. At ayaw ni Richard na magbigay ng lump sum, Attorney, doon sa client mo na ang makinabang sa pera niya, ang asawa at ang tatay.

"Gusto ni Richard, magbigay siya ng lump sum na cash dun sa mga bata. Mas ilalagay pa sa bangko yung pera para yung mga bata, may maaasahan every month. May pangkain, may pang-gatas, may pang-grocery. Yun ang gusto ni Richard na mangyari. Wala siyang pakialam sa asawa!

"Day, Lorayne, magaling kang mag-English, magtrabaho ka. Huwag kang umasa kay Richard. Ikaw naman, tatay ni Nomar, magtrabaho ka rin, 'Dong. Maski ano pang klase ang pipirmahan mo, hindi magbibitaw ng pera si Richard. Para sa mga bata, okay. Para sa asawa at sa 'yo, hindi puwede!"

"HINDI AKO TAKOT SA 'YO!" Tinanong ni Butch si Annabelle kung ano naman ang ipinapayo sa kanya ng mga lawyer niya ngayon.

"Anong ipinapayo sa akin? Walang ipinapayo sa akin," sagot ng talent manager.

Hindi raw ba sinabing ayusin na lang nila ito?

"Wala namang ganyan! Papaanong ayos nga, sila ang nagdedemanda, siyempre sasagot ako!

"Si Wilma, idinemanda niya ako. One month akong nanahimik, pino-promote ko yung show ng anak ko. Biglang may demanda sa bahay, dumating. Ngayon, inumpisahan mo, Wilma, tatapusin natin ang laban. Ako, hindi uurong sa 'yo, Day, tandaan mo 'yan! At hindi ako takot sa 'yo maski executive ka pa ng network! Hindi ako takot sa 'yo kahit anong klase ng laban, Wilma Galvante!

"Dapat ikaw, Wilma, mag-resign ka, dapat mag-leave of absence ka. Nakakahiya ka! Hindi ka ba nahihiya sa mga taga-GMA? Nandiyan ka pa hanggang ngayon, nagdedemandahan tayong dalawa? Conflict of interest, 'yan ang ibig sabihin doon, kaya huwag makapal ang mukha mo, Wilma Galvante! Ako pa sa 'yo, 'Day, bumaba ka na sa puwesto mo! Resign!

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Sa lahat ng mga nakikinig sa akin, maniwala kayo sa akin. Ako, hindi ko kailangang magsinungaling. Ba't ako magsinungaling? Hindi ko kailangang mag-imbento ng istorya, kung ano ang tama, sinasabi ko. Kami, lagi kaming binabato, lagi kaming tinatamaan. Ako, never akong nag-umpisa ng away. Ako, laging inaaway. Ako, laging inaaway. Ako Bisaya, hindi umaatras sa laban. Ako Bisaya, lumalaban! Yun lang ang masasabi ko."

Marami pa raw sanang sasabihin si Annabelle at ipinakita pa nga niya ang papel na dala niya, pero punung-puno na raw ang mga sinabi niya.

Sa huli, may mensahe pa siyang ipinahatid sa mga kapwa niya Bisaya: "Sa lahat ng mga Bisaya, sama-sama tayo sa laban na 'to."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN