Marian Rivera surprised by rumored boyfriend Dingdong Dantes on the set of Darna

IMAGE 0


"Actually, kung sa hiling, e, marami pa akong hinihiling—hindi lang sa akin kundi maging sa mga taong nagmamahal sa akin, sa pamilya ko. Alam n'yo po yung ganoon? Pero kung sa career, salamat talaga dahil ibinigay talaga sa akin ng Diyos 'to. At sa mga taong nagmamahal sa akin, nandiyan sila," says Marian Rivera.


Last August 12, mismong araw ng 25th birthday ni Marian Rivera, dalawa ang naging sorpresa sa aktres habang nagte-taping ng Darna sa Bulacan.

Una, ang pagdating nang maaga sa taping ng ilang GMA-7 executives para personal siyang batiin ng "Happy birthday!" Ang kanyang manager na si Popoy Caritativo ay may dala namang dalawang litson para pagsalu-saluhan sa mismong taping ng Darna.

Inaasahan lang namang pagkaabalahan ng Kapuso network si Marian. Ang dalaga ngayon ang nagdadala ng ibinabanderang topnotcher sa mga primetime shows ng network, ang Darna, na sinasabing umaakay din sa ibang primetime shows nito upang umangat pa.

Ikalawa, ang pagdating pa rin sa taping, kinahapunan, ng rumored boyfriend ni Marian na si Dingdong Dantes.

Ito naman ay inaasahan ng maraming malapit sa dalawa, dahil tingin nila ay masaya ang dalawa pag magkasama. Dagdag dito, ito'y inaasahan din ng maraming fans na sumubaybay sa loveteam nila sa TV mula pa nung tanggapin sila ng publiko sa Marimar.

"PINAKAMASAYANG BIRTHDAY." Ayon kay Marian, ang kanyang birthday raw ngayon ang maituturing niyang pinakamasaya sa lahat.

"Sa lahat ng birthdays ko, masaya ako. Pero ito ang pinakamasaya at ubod nang saya!" nakangiting saad ni Marian sa panayam sa kanya ng Startalk.

Dahil naghahabol pa sila ng taping ng Darna, nagtrabaho pa rin siya nung mismong araw ng birthday niya. Pero pinagbigyan naman daw siya na maagang matapos ang kaniyang taping.

"Naghahabol kasi kami sa taping, pero ganoon naman talaga ako. Simula nung nag-artista ako, tuwing birthday ko ay nagtatrabaho naman talaga ako," sabi ni Marian.

Aside from her birthday, ipinagdiwang din ni Marian at ng buong cast at staff ng Darna ang napakataas na rating ng kanilang pilot episode, na umabot ng 44.1 percent, noong August 10.

"Thankful ako at saka nakakataba ng puso na nagustuhan nila, umpisa pa lang," masayang sabi ni Marian. "At itong tagumpay na nakuha namin ay hindi lang dahil sa akin kung hindi dahil sa lahat ng cast ng Darna, staff, crew, at sa lahat ng nasa likod ng kamera, dahil lahat kami rito, nagtutulong-tulong."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sa mga biyayang dumarating sa kanya ngayon, may mahihiling pa ba siya?

"Actually, kung sa hiling, e, marami pa akong hinihiling—hindi lang sa akin kundi maging sa mga taong nagmamahal sa akin, sa pamilya ko. Alam n'yo po yung ganoon? Pero kung sa career, salamat talaga dahil ibinigay talaga sa akin ng Diyos 'to. At sa mga taong nagmamahal sa akin, nandiyan sila."

DINGDONG'S SURPRISE. Si Dingdong ang masasabing isa sa pinakamalapit sa puso ni Marian ngayon. May nasabi ba sa kanya ang actor the day before her birthday tungkol sa plano para sa kaniyang kaarawan?

"Kagabi [August 11], kausap ko nga siya. Nag-happy birthday siya, e, may work din naman siya. Ganoon naman talaga, di ba? Work siya, work ako. After nito, e, kung anumang meron na binabalak niya, siguro, sa amin na lang yun... Mabait naman ang production ng Darna at ini-half day nila 'ko today."

Dugtong ni Marian, "Actually, siya lang ang may plano ng lahat. Ako ay pinagsabihan niya lang na magbihis, mag-ayos, at susunduin niya 'ko."

Paano nga ba naging kakaiba ang birthday niya ngayon?

Ani Marian, na malinaw sa mukha ang pasasalamat: "Lahat ng taong ibinibigay ni Lord sa akin, mga nagmamahal sa akin. Yung Darna, minahal ng tao. Ako, ang pamilya ko, maayos naman. Masaya naman kaming lahat, di ba? Parang lahat sa personalidad ko, e, masaya naman at maayos."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN