DOJ files murder charges against suspects in Ruby Rose Barrameda-Jimenez case

IMAGE 0


"Nagpapasalamat naman kami sa panel of prosecutors at kay Secretary Agnes [Devanadera, acting DOJ secretary], na napunta na nga sa korte yung kasong murder, pero at the same time, medyo disappointed kasi hindi nga naisama [sa mga sinampahan ng kaso] si Third. E sa kanya naman nagmula ang lahat, yung gulo nilang mag-asawa," reacts Rochelle Barrameda on the Department of Justice (DOJ) filing of the murder case against Ruby Rose's father-in-law and five others. Ro


Matapos ang may sampung linggong preliminary investigation, nagsampa na ng kasong murder ang Department of Justice (DOJ) laban sa magkapatid na sina Atty. Manuel Jimenez Jr. at Lope Jimenez, at kina Manuel Montero, Eric Fernandez, Leonard "Spyke" Discalzo, at Roberto Ponce sa Navotas City Court kahapon, August 24.

Idinidiin ang anim na nabanggit sa karumal-dumal na pagpatay kay Ruby Rose Barrameda-Jimenez, kapatid ng dating beauty queen at aktres na si Rochelle Barrameda.

Inabsuwelto naman sa imbestigasyon ng DOJ investigating panel na pinamumunuan ni Senior State Prosecutor Theodore Villanueva ang dating asawa ni Ruby Rose na si Manuel "Third" Jimenez III at si Rudy dela Cruz, isa sa mga orihinal na idinawit sa kaso.

Ayon sa 19-page resolution ng investigating panel, kinakitaan ng mga posibleng dahilan o probable cause ang mga kinasuhan sa pagkakapatay kay Ruby Rose. Habang wala namang sapat na ebidensiya o direktang kaugnayan sa pagpatay kay Ruby Rose sina Third Jimenez at Dela Cruz.

Sa pag-aabsuwelto kay Third, nakasaad sa DOJ resolution na, "There appears to be insufficient evidence on hand to link respondent Manuel 3rd to the grisly murder of his late wife. Montero himself admits that it was respondent 'Spyke' who told him that Manuel 3rd was supposed to give him [Spyke] a bonus for a job well done. There was never any direct contact between Montero and Manuel 3rd."

Sa paliwanag naman tungkol sa pagkakaabsuwelto kay Dela Cruz: "Respondent de la Cruz's only participation as narrated by Montero himself was to prepare the 'steel box,' without any elaboration or qualification on whether he was aware of what it was for. It is for this reason that the panel finds there is insufficient evidence to establish the existence of probable cause against him for murder."

ROCHELLE'S REACTION. Agad na kinontak ng PEP (Philippine Entertainment Portal) si Rochelle para sa reaksyon nito tungkol sa pag-file na ng kaso ng DOJ laban sa mga akusado at pag-clear sa kaso ng dating asawa ni Ruby Rose na si Third.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Nagpapasalamat naman kami sa panel of prosecutors at kay Secretary Agnes [Devanadera, acting DOJ secretary], na napunta na nga sa korte yung kasong murder, pero at the same time, medyo disappointed kasi hindi nga naisama [sa mga sinampahan ng kaso] si Third. E sa kanya naman nagmula ang lahat, yung gulo nilang mag-asawa," ani Rochelle.

Gayunpaman, patuloy pa rin daw sila sa pag-aapila na maisama si Third sa mga makasuhan.

"We were given 10 days to file a motion, para nga maisama si Third sa mga nakasuhan. Kasi siya naman talaga ang dahilan, e. Siya ang pinagmulan," diin pa ni Rochelle.

Positibo na rin daw sila na makakamit na nila ang katarungan para kay Ruby Rose sa pag-usad ng kaso. Naniniwala siyang matibay ang mga testimonya ng witness nilang si Manuel Montero na isa rin sa mga inakusahan sa pagpatay kay Ruby Rose. Ayon kay DOJ Secretary Devanadera, sa panayam sa dito ng mga reporter kahapon, babawiin din ng prosecutors ang kasong isinampa laban kay Montero sa sandaling nililitis na ang kaso para maging state witness ito.

"Nakita naman natin kung gaano ka-credible yung witness. Dahil kung hindi sa kanya, hindi natin makikita si Ruby. And naniniwala rin ako sa SOCO [Scene of the Crime Operatives, forensic investigation unit ng Philippine National Police] sa crime lab, na okey naman yung mga test na ginawa nila at ako mismo nakita ko si Ruby. So, sapat na yun para sa amin na si Ruby yun mismo."

Matatandaang noong matagpuan ang bangkay ng isang babaeng nakasilid sa sementadong drum sa loob ng isang steel box noong June 10 ng taong ito, agad itong pinag-aralan at inalam ang pagkakilanlan ng mga operatiba ng SOCO. Kinabukasan din agad, kinumpirma ng mga elemento ng SOCO at ni Rochelle mismo na si Ruby Rose nga ang bangkay na natagpuan, base sa dental records at sa suot na hikaw at damit nito. Agad na sinampahan ng Philippine National Police (PNP) ng kasong murder sina Atty. Jimenez, Lope Jimenez, Montero, Fernandez, Discalzo, Ponce at Dela Cruz sa DOJ nang araw ring iyon.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"At yung delaying tactics nila, na sinasabi nilang hindi si Ruby yun. Very obvious naman na lahat ginagawa nila para sabihing hindi si Ruby yun, pero napakalinaw naman. Si Ruby talaga yun," sabi pa ni Rochelle.

JIMENEZ LAWYER. Samantala, kinapanayam din ng PEP si Atty. Mario Aguinaldo, abogado ng isa sa mga akusado na si Atty. Manuel Jimenez Jr. at ni Third Jimenez.

Ayon kay Atty. Aguinaldo, lubhang nalulungkot daw si Atty. Jimenez sa pag-file ng kasong murder laban dito ng DOJ. Wala naman daw kasi talaga itong kasalanan. Inalo na lang ni Atty. Aguinaldo ang kaibigan at kasalukuyang kliyente sa pagsasabing parte lang talaga ang lahat ng judicial process.

"Sabi ko pa, part of democratic process lang yan, e. So, nalulungkot man siya, itutuloy na lang namin sa regular na proseso ang lahat," ani Atty. Aguinaldo.

Hindi na rin daw sila magpa-file pa ng apila sa Court of Appeals. Bagkus, nag-file na raw si Atty. Aguinaldo ng Motion for Judicial Determination of Probable Cause sa korteng pinag-file-an ng kaso ng DOJ. Ayon kay Atty. Sandy Coronel ng Yorac Arroyo Chua Caedo & Coronel Law Offices, ang motion na ito ay ipina-file sa judge ng korteng pinagsampahan ng kaso upang rebyuhin "if there is cause to proceed against the accused."

"Para ma-repeal yung DOJ resolution. Hayaan na nating korte ang magdesisyon nitong bagay na ito, gawa ng dun naman na-file, e. Pinare-review ko sa husgado yung findings at resolution ng DOJ panel," paliwanag ni Atty. Aguinaldo.

Dagdag pa ni Atty. Aguinaldo, nakakalungkot namang talaga ang DOJ filing of charges at ang kasunod na galaw ng mga Barrameda.

"Kahit na pinawalang-bisa yung asawa [Third]. Dinamay naman yung ama. Nakakalungkot lang kasi right from the start, talagang sinasabi na nila na may kinalaman si Atty. Jimenez sa pagkawala nung babae gayung wala naman. 'Tapos ngayong wala nang makitang ebidensiya laban sa asawa, idinidiin pa rin at hahabulin pa rin nila. Aba'y kelan ba matatapos ito?" sabi pa ng abogado.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

IT'S NOT RUBY ROSE. Paninindigan pa rin daw ni Atty. Aguinaldo ang nauna na nilang pagkukuwestiyon sa findings ng SOCO at sa pagkikilala ni Rochelle sa natagpuang bangkay ng babae bilang si Ruby Rose.

"Hindi yun si Ruby Rose, e. Yung nakita nilang bangkay, 5'6", si Ruby Rose is 5'9". 'Tapos yung sinabi ng informer nila, yung witness nila, na si Ruby Rose, sinakal. E itong nakita nilang bangkay walang injury sa leeg e. Pagkatapos si Ruby Rose, 1996 binunutan ng first molar. E itong nakuha nilang bangkay may first molar, pero walang third molar. Base ito sa forensics findings ni Dra. [Racquel] Fortun. 'Yan ang hindi mo mapapasubalian na scientific findings."

Si Dra. Racquel Fortun ang forensics expert na kinuha ng pamilya Jimenez para magsagawa ng sariling imbestigasyon sa nakuhang bangkay ng babae na nakasilid sa drum. Kinumpirma ng SOCO at ni Rochelle na si Ruby Rose nga ang natagpuang babae sa drum.

Pero patuloy pang pagkuwestyon ni Atty. Aguinaldo, "Itong nakuha nilang bangkay, walang appendix. Ayon sa SOCO findings din. Pero sabi naman ng asawa ni Ruby, never na nagkaroon ng appendectomy (operasyon sa pagtatanggal ng namamagang appendix) si Ruby.

"Kaya sino ito? Sino itong nakita nila?" tukoy ni Atty. Aguinaldo sa bangkay. "Kaya kung sino man yang nakita nila at kung sino man ang pumatay diyan, dapat din yang mabigyan ng kalutasan."

THE CASE OF THE MISSING RUBY ROSE. March 14, 2007, ang inulat na petsa ng pagkawala ni Ruby Rose Barrameda-Jimenez. Bago ang kanyang pagkawala, nasa isang custody case para sa dalawa niyang anak na babae si Ruby Rose laban sa kanyang hiniwalayang asawa na si Manuel "Third" Jimenez III.

Hunyo ng taong ito nang makatanggap ng tawag si Rochelle Barrameda mula sa isang informer—si Manuel Montero na kalaunan ay umaming isa siya sa mga may kinalaman sa pagkakapatay kay Ruby Rose—na nagtuturo kung saan matatagpuan ang labi ni Ruby Rose. June 10, 2009 nang makuha sa mula sa ilalim ng dagat, 1.85 kilometers mula sa Navotas fish port ang isang metal box na kinapapalooban ng isang drum kung saan nakasiksik at nakasemento sa loob ang bangkay ng isang babaeng nakatali at nakaplastik pa ang ulo.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Kinilala ng SOCO at ni Rochelle ang bangkay na si Ruby Rose matapos maalisan ng semento, gawan ng forensics investigation at ibigay kay Rochelle ang mga suot nitong alahas at damit.

Sa sinumpaang affidavit ni Montero, itinuro niya sina Atty. Manuel Jimenez Jr. at Lope Jimenez bilang mga utak sa pagpatay kay Ruby Rose. Itinuro niya rin si Spyke Discalzo na siyang sumakal kay Ruby Rose habang alalay naman ni Spyke mula pagkidnap hanggang pagpatay at pagtapon kay Ruby Rose sa dagat malapit sa Navotas fish port sina Eric Fernandez at Roberto Ponce.

Si Rudy dela Cruz ang gumawa ng metal box habang si Montero naman ang nag-welding ng drum at metal box.

Testimonya pa ni Montero, binayaran sila ng mga Jimenez ng P50,000 bawat isa para sa trabahong ito.

Binanggit din ni Montero sa pag-iinteroga sa kanya ng prosecution panel ng DOJ ang partisipasyon niya sa lima pang ibang "mafia-style" executions na utos din ng mga Jimenez.

Non-bailable ang kasong murder at kung mahahatulan ang mga akusado, naghihintay sa kanila ang sentensiyang reclusion perpetua o life imprisonment.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN