PEP EXCLUSIVE: Joey Marquez says he is vindicated by Supreme Court ruling

IMAGE 0


"I feel relieved! Supreme Court na ito, pagpapatunay na wala akong kasalanan," actor-businessman Joey Marquez told PEP in a phone interview conducted earlier today. The Supreme Court cleared Marquez on graft charges in connection with the alleged overpricing of brooms intended for the city of Parañaque. Marquez served as Parañaque vice mayor from 1992 to 1995 and mayor from 1995 to 2004.


"Thank you, Jesus!"

Ito ang masayang pahayag ni Joey Marquez matapos mabalitaan ang naging desisyon ng Supreme Court kaugnay sa graft case na isinampa laban sa kanya.

Kahapon, September 2, ay pormal na binaligtad ng Supreme Court ang naunang desisyon ng Sandiganbayan noong 2007, kung saan hinatulan ng guilty si Marquez sa diumano'y anomalya sa pagbili ng walis-tingting na nagkakahalaga ng P2.9 million noong nanunungkulan pa itong mayor sa lungsod ng Parañaque.

Umapela ang kampo ni Marquez, sa pangunguna ng abogado nitong si Atty. Noel Malaya, matapos magpiyansa ang aktor ng halagang P240,000 para sa pansamantala nitong paglaya. May mahigit limang taon matapos siyang sampahan ng kaso, dumating na rin ang pasiya ng Korte Suprema.

Nanungkulan bilang mayor ng Parañaque si Marquez mula 1995 hanggang 2004 at bilang vice-mayor mula 1992 hanggang 1995.

DAMAGED REPUTATION. Sa isang phone interview ngayong umaga, sinabi ni Joey kay PEP (Philippine Entertainment Portal) editor-in-chief Jo-Ann Maglipon na sa simula pa lang ay pakana ng kanyang mga dating kalaban sa pulitika ang pagsampa ng kasong graft. Bukod kay Marquez, anim pang nanungkulan sa ilalim ng kanyang pamamahala ang nasangkot sa kaso.

Aminado si Joey na malaki ang naging epekto sa kanya ng kaso: "I suffered a lot because of three pesos."

Paliwanag ng dating mayor: "Biro mo, three pesos na walis-tingting, pinalaki! E, pito kaming kinasuhan. Ibig sabihin maghahati-hati kami sa three pesos! Ikayayaman ko ba 'yan? Talagang gawa-gawa lang ng mga kalaban ko sa pulitika noon. But I had no doubt in the Supreme Court. Alam kong 'pag umabot doon, mapapawalang-sala ako. Sa level na iyon, pag-aaralang mabuti ang kaso. Ang naghabla ay mga kalaban sa pulitika na hangad ang puwesto ko noong araw. Di ko na nga matandaan ang mga pangalan nila."

Bagama't labis niyang dinamdam ang naging akusasyon, sinabi ni Joey na hindi naman nasira ang kanyang loob, sa dahilang malaki ang kanyang paniniwalang kakatigan ng korte ang kanyang testimonya. Nasa kanya raw ang katotohanan at ebidensya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Never yumuko ang ulo ko dahil sa kasong ito," sabi ni Joey sa telephone interview ng PEP. "Alam ko ang katotohanan."

SHOW OF SUPPORT. Ang komedyante—na may reputasyong idinadaan ang personal na problema sa tawa—ngayon ay nagsabing naging emotional moment ito para sa kanya. Ikinuwento ni Joey na ang yumaong manager na si Douglas Quijano ang una niyang kinausap nang mabalitaan ang naging desisyon ng korte.

Sa radyo raw unang narinig ni Joey ang balita, subalit hindi daw muna niya ito pinaniwalaan agad hanggat di niya binusisi ang ibang reports.

"Nakahiga ako nang narinig ko sa radyo. Sabi ko, 'Wala akong alam dito, a. Paano nila nalaman? Baka hindi totoo!' 'Tapos nakita ko sa ANC, [ABS-CBN's cable news channel] 'yon bang nakasulat sa screen? Tapos noong kinagabihan marami na ang balita, totoo na pala!"

Dito niya idinagdag: "Kinausap ko ang abo ni Dougs. Di ba nasa akin? 'Dougs, ito na hinihintay natin. Ito na. I'm innocent. Sayang 'di mo mababasa.'"

Ang batikang talent manager na si Douglas Quijano—na tinatawag na Dougs at Tito Dougs sa industriya—ay pumanaw noong Hunyo ng taong ito matapos atakihin sa puso sa kanyang rest house sa Lucban, Quezon. Si Joey ang kinikilalang pinaka-senior na talent ni Douglas at pinakamalapit dito. Basketball player pa lang si Joey ay naging sandigan na nito ang mahusay na talent manager. Sa kasalukuyan ay nasa pangangalaga ni TAPE Inc. lady big boss Malou Choa-Fagar si Joey.

Naikuwento rin ni Joey na noong panahong ibinaba raw ng Sandiganbayan ang nauna nitong desisyon declaring him guilty ay personal niyang kinausap si GMA-7 Network Senior Vice President for Entertainment Wilma Galvante.

"With this case against me, maybe you're pressured by advertisers o sino pa man, maybe the network will suffer," sabi raw ni Joey kay Ms. Galvante. Matapos nito ay nag-offer daw siya: "I can resign."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ngunit hindi raw tinanggap ni Ms. Galvante ang alok ni Joey, at sa halip ay sinabi nito: "No. We will wait for the Supreme Court's decision."

Ngayon na nilinis na ng Supreme Court ang kanyang pangalan, sabi ni Joey, ang dalawang taong una niyang tinawagan ay sina Ms. Galvante at GMA-7 Network Program Manager Redgie Magno para ihatid ang masayang balita.

"I'm innocent!" bungad daw ni Marquez sa network executive. "Congratulations! I'm happy for you," sagot naman daw ni Ms. Galvante sa kabilang linya.

Si Joey ay kasalukuyang mapapanood sa GMA-7 sitcom na Adik Sa 'Yo. Sa Kapuso network din lumabas si Joey sa mga dating once-a-week sitcom na Who's Your Daddy Now?, ang weekly teleserye na Fantastic Man, mga episode appearances sa Love to Love at Mga Kuwento ni Lola Basyang, at showbiz talk-show S-Files.

Bukod sa pagiging aktor ay businessman si Joey. May farm siyang planted to dragon fruits, na popular sa bansang Taiwan at local hotels. Co-owner din siya ng MAQ (Marquez And Quijano) Lights and Grip Rentals—isang negosyo na nagpaparenta ng production lights at iba pang high-grade equipment.

PENDING COURT CASE. Bagama't absuwelto na sa naunang graft case, may isa pang kasong kinakaharap si Marquez na nakabinbin sa Sandiganbayan. Magkahawig na magkahawig daw sa walis-tingting issue ang naiwang court case.

"Dapat nga consolidated kasi identical na identical. Same people ang nag-accuse, same people ang charged, same evidence, same transaction. Mismong iyong kaso kung saan ako pinawalang-sala ng Supreme Court. Ang isang ito naman ay nasa Sandiganbayan."

Malakas ang paniwala ni Marquez na malilinis din ang kanyang pangalan sa nasabing kaso.

"COA [Commission on Audit] ang complainant. E, 'yong commissioner of COA mismo wrote a statement exonerating me when this case was first filed, so hindi ako dapat kasama," depensa ni Joey. "At ngayon na naghusga na ang Supreme Court, dapat naman may bearing iyon sa pag-deliberate ng kaso ko sa Sandiganbayan. Parehong-pareho kasi."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sa ngayon daw ay ayaw na munang isipin ni Joey ang pending court case, at sa halip ay nais niyang magpasalamat sa lahat ng naniwala sa kanya kaugnay nang katatapos pa lamang na graft case.

"I feel relieved!" sambit ng aktor. "Supreme Court na ito—pagpapatunay na wala akong kasalanan."

Dagdag niya, "Pag nakakuha na ako ng kopya ng Supreme Court resolution, kasi sa mail pa iyon e, bibigyan ko agad ang PEP."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN