Mark Bautista finds persistent rumors linking him to fellow Pop Icons absurd

IMAGE 0


"As long as alam mo naman ang ginagawa mo, alam mo sa sarili mo na secure ka sa sarili mo, wala ka namang kailangang i-worry. Ang problema lang talaga, ako lang, ang concern ko lang talaga, yung mga taong nakakabasa, hindi alam ang totoo, e," says Mark Bautista about persistent rumors linking him to fellow ASAP '09 male artists.


Tinatawan na lang ng singer na si Mark Bautista ang hindi pa rin mamatay-matay na pagli-link sa kanya sa ibang aktor o singer— partikular sa ibang mga kasamahan niya sa Pop Icons na sina Piolo Pascual, Erik Santos, Christian Bautista, at Sam Milby.

"Ako naman kasi, as long as alam ko naman kasi ang totoo. Nakakatawa lang talaga dahil may mga write-ups talaga na sobrang OA talaga. Hindi ko maintindihan kung bakit. Meron pang elevator, meron pang mga eksena..." sabi ni Mark nang makausap siya ng PEP (Philippine Entertainment Portal) sa launching niya bilang endorser ng Mang Inasal kahapon Sept. 23.

May balita ring lumabas na noong naaksidente ang kanyang sasakyan ay may kasama siyang lalaki.

"Isa pa yun," napapailing niyang sabi. "Unang-una, tricycle ang nabangga ko. May sakay at yun ang nagreklamo. Pero wala naman akong kasama. Tapos nasulat nga yun, naalala ko pa.

"As long as alam mo naman ang ginagawa mo, alam mo sa sarili mo na secure ka sa sarili mo, wala ka namang kailangang i-worry. Ang problema lang talaga, ako lang, ang concern ko lang talaga, yung mga taong nakakabasa, hindi alam ang totoo, e.

"Pero wala kang choice. Hindi mo mai-defend ang sarili mo. So, wala, tatahimik ka lang talaga, nasulat na. Nailabas na or something. Ang daming speculations," saad ni Mark.

THE MEN OF ASAP '09. Pero bakit nga ba hindi nawawala ang ganitong isyu, lalo na sa grupo nila sa ASAP '09?

"Siguro dahil palagi kaming magkakasama," sagot ni Mark. "Alam n'yo yung binibigyan na lang ng kulay na kung anu-ano na lang. Weird lang talaga ang ibang write-ups, dun na talagang shocking."

Within their group in ASAP, napag-uusapan naman daw nila kapag may isyu. Pero tulad sa kanilang dalawa ni Piolo Pascual, wala raw ilangan.

Aniya, "Walang ilangan, pero sa grupo nabanggit namin. Siyempre, kailangan malaman sa group namin, 'Ano ba ang nangyari? Bakit may mga lumalabas?' Pero ako naman with PJ [palayaw ni Piolo], sobrang bilib nga ako! Kung grabe ang ganitong tsismis lang naman, mas grabe ang mga tsismis sa kanya. So, doon na lang ako kumukuha dahil parang maliit pa nga ang ganitong tsismis.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"At saka, siya kasi, 'Bayaan mo na...ganoon talaga. Part ito ng business na ito. Hangga't nandito ka sa business na ito, hindi mawawala 'yan. Alam mo, hindi mo talaga mapi-please lahat. Yun na nga lang ang sinasabi ko, kapag sigurado ka naman na wala ka namang ginagawang masama, sigurado ka naman sa sarili mo, wala ka namang dapat i-worry talaga."

Pero dahil sa mga malisyosong isyu tungkol sa kanila, ang mga managers daw nila ang mas apektado.

"Like yung Pop Icons concert namin, hindi na namin madala sa States. Iba na ang concerns nila sa bawat artist. Tapos kami rin, parang hindi na kami puwedeng magkasama sa bawat concert. Kasi nga, ang dami ngang... alam mo yun, nagkakaroon ng isyu.

"Unang-una, aside sa mga schedules namin, yung ibang managers namin, parang 'huwag muna kayong mag-concert'. Kasi nga, pinaplano naming dalhin sa States. Kami kasi, okey lang kami. Pero concerning our careers, yung mga managers namin, may say rin sila. Pero ako, kung ano ang sasabihin ng mga tao, wala na akong ano dun," saad niya.

Naniniwala naman si Mark na siguro dahil pare-pareho silang single sa grupo nila, kaya sila natsitsismis.

"Siguro nga yun ang reason kung bakit kami natsitsismis," sabi niya. "Pero may kanya-kanya kasing conviction. Nagkataon lang na nagkasama-sama kami. And siguro, yung iba sa amin, pareho ng pananaw sa buhay. Puwedeng ganoon. So, nagkataon lang din na wala kaming mga girlfriend kaya yun, nali-link na kami sa isa't isa."

Hindi ba nila naisip na magkaroon na ng girlfriend para matigil na ang isyu sa kanila?

"Yun na nga. Pero siyempre, may mga detalye rin naman na... Ayaw rin naman naming sabihin, like may nililigawan akong ganyan or itong si ano, may nililigawan din. Siyempre, para saan naman, bakit namin sasabihin? Siyempre, we find it darating din naman dun," sabi ng 28-year-old singer.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

SARAH GERONIMO. Hindi kaya ang mga isyung yun ang isa sa dahilan kung bakit hindi siya sinagot ni Sarah Geronimo nang ligawan niya ito noon?

"Hindi naman, I don't think so," sagot ni Mark. "Napagkukuwentuhan nga namin 'yan. Hindi naman siguro. Actually si Sarah, tumatawa lang siya. May mga advice, may mga sinasabi rin siya sa akin at kinu-konsider ko rin yun."

Sa mga nababalitang nanliligaw kay Sarah, si Mark lang yata ang hindi nasasabihang nanggagamit sa Pop Princess. Ano ang reaksiyon dito ni Mark?

"Well, siguro kasi matagal na rin kaming magkasama ni Sarah. Since start pa lang. Hindi naman kailangang maggamitan pa. Wala namang need na maggamitan pa," aniya.

Na-maintain ba nila ang friendship sa pagitan nila?

"Yes, mas naging close kami ni Sarah ngayon. Compared dating-dati, sobrang iba ngayon."

Mas gusto ba niya maging friends na lang sila than being more than friends?

"Well, kung wala na talagang... Alam mo yun, choice niya talaga. Wala na akong magagawa dun."

Hindi ba nakakasagabal sa kanyang intensiyon para kay Sarah ang kasikatan nito ngayon?

"Oo, si Sarah, sobrang laki na niyang artista. Although, hindi ko rin naman naisip 'yan kasi halos sabay kaming nag-start. So, kapag nagkikita kami, hindi ko na naiisip na Sarah, Sarah Geronimo. Hindi ko na naisip yun since ang tagal na naming magkasama."

May lumalabas na pinaghihintay raw ni Sarah si John Lloyd Cruz ng five years sa panliligaw. Siya ba, five years ding pinaghihintay ni Sarah?

"Naku, wala naman pong sinasabi si Sarah kung ilang years. Wala naman po siyang sinasabi," sabi ni Mark.

Natawa naman siya nang tanungin kung makakapaghintay ba siya kay Sarah.

"In time, masasabi ko, alam n'yo, time lang ang makakapagsabi n'yan. Basta ako, nandito lang ako para kay Sarah. Sabi ko nga sa kanya, kaya siguro sinasabi niyang sobra ang respect niya, kasi naiintindihan ko rin siya."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN