Wyngard Tracy denies falling out with former talent Maricel Soriano

IMAGE 0


"Wala kaming problema ni Maricel. Magkaibigan kami. Kaya nga sabi ko, bakit may loose talk na ganyan," says talent manager Wyngard Tracy about reports that he had issues with former talent Maricel Soriano (inset).


Pinabulaanan ng talent manager na si Wyngard Tracy ang isyu na mayroon daw silang hindi pagkakaunawaan ni Maricel Soriano kaya lumipat ang aktres ng manager. Ang Eat Bulaga! executive producer at talent manager Malou Choa-Fagar ang bagong manager ni Maricel.

"Wala kaming problema ni Maricel. Magkaibigan kami. Kaya nga sabi ko, bakit may loose talk na ganyan. In fact, she just finished a commercial, yung Aji-Ginisa, sa akin pa kasing contract yun, e. And then this month, we're doing Alaska, sa akin pa yun. And then another commercial pa. So, yun, wala talaga kaming problema with each other," paglilinaw ni Wyngard nang ma-interview siya ng PEP (Philippine Entertainment Portal) sa presscon ng Family Feud last October 13 sa Studio 5 ng GMA Network.

Dumalo si Wyngard sa naturang presscon para suportahan ang bago niyang alaga na si Richard Gomez, na host ng Family Feud.

Sa tingin niya, paano nag-umpisa ang intrigang yun sa kanila ni Maricel?

"I think nag-umpisa 'yan dun sa wake [ng nanay ni Maricel last July]," banggit ng batikang talent manager. "Yung mga ganun na iba daw yung ano ni Maricel. Sabi ko, sa akin, normal siya noon. Wala akong nakikitang iba. Kaya lang, namatayan ka, sana intindihin n'yo naman yung tao na hindi siya yung the usual self, parang ganun.

"Wala kaming isyu sa isa't isa. Ang ganda-ganda nung commercial. Nung ginawa yung commercial, ang ayos. Dumating siya on time. Alam niya yung gagawin niya, yung linya niya, yung damit niya. Madaling natapos. Nag-pictorial. So, walang problema."

Paano nagpaalam si Maricel na aalis na ito sa poder niya?

"Ito, totoo ito ha, sa bahay ko pa nangyari. It was amicable. Nag-usap kaming dalawa na it's better na magkaibigan na lang kami."

Nag-usap ba sila ng bagong manager ni Maricel na si Malou bago nangyari ang lipatan?

"Oo, actually kaming dalawa ni Maricel ang pumili kay Malou," sabi ni Wyngard. "We had some other names, pero pagdating kay Malou... kasi si Malou kaibigan din niya noong araw pa. Kaya sabi ko, 'yan, mas madali. Kagabi lang magkausap kami ni Malou, e."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Pero open pa rin ba siyang tulungan si Maricel kung kailangan nito ng tulong niya?

"Alam mo, hindi mo kailangang i-manage ang isang artista para tumulong ka. Matagal na naming ginagawa yun. Marami nang managers ang gumagawa nun. Basta makakatulong ka, bakit hindi, di ba?" saad niya.

DOUGLAS' FORMER TALENTS. Kung nawala man si Maricel sa poder niya, isang grupo naman ng mga artista na dating alaga ng yumaong talent manager na si Douglas Quijano ang lumapit sa kanya para magpa-manage. Ito nga ang grupo nina Richard Gomez, ang asawa at anak nitong sina Lucy Torres at Juliana, kasama sina John Estrada at Wendell Ramos. Si Wyngard na rin ang manager ng girlfriend ni John na si Priscilla Meirelles.

"Si Wendell ang nauna. May tumawag sa akin. Sabi kung puwede raw makipag-meeting si Wendell. So, yun, nag-meeting kami. Then, sumunod si John, si John mismo. Kasi kabiruan ko na 'yan, e, alam mo naman yun. So, nag-usap kami kaagad kaya noong 40 days ni Douglas, dun na na-formalize yun, sa Club Filipino. Tapos nun, the next day, tinanong ako ni John kung tinawagan na ba ako ni Goma. Kasi sabi, tatawagan daw ako. 'O sige,' sabi ko. The day after tumawag si Richard, nagkita kami. So, yun, dun na na-formalize yung kay Richard, pati kina Lucy at Juliana," salaysay ni Wyngard.

Paano siya na-convince nina Richard na maging manager nila?

"Naku, hindi kailangang i-convince kasi magkakakilala na kami before pa. Tapos si Douglas, I really look up to him, sobra. So, lahat kaming managers nag-usap-usap kung ano ang maitutulong namin sa mga naulila niya. Totoo yun, ha. Lahat kami, ang daming managers. Hindi kailangang i-manage namin sila para gawin yun. Kaya ganun kadali. Kahit sino sa amin na puwedeng tumulong, tutulong kami. It so happens na sa akin sila lumapit at na-formalize naman lahat."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Big welcome ba sa kanya ang paglipat ng mga alaga ni Douglas sa kanyang poder?

"Oo naman. Mababait sila. Wala akong problema sa kanila, so far, ha. Madali kaming mag-usap, madali silang kausapin. Sana magtuluy-tuloy na ganun, di ba?"

Sa mga original talents niya, sino pa yung nag-stay sa poder niya?

"Alam mo since 1979, ang hindi na nawala sa buhay ko, si Basil Valdez. Hanggang ngayon nandiyan pa siya. Tapos nandiyan pa rin ang Side A, Freestyle, Maneuvres."

May restrictions ba siyang ibinibigay sa kanyang talents?

"Oo, meron," sagot niya. "Ayoko yung nale-late, number one sa akin yun. Pag meron kaming commitment, sinasabi ko yun. Ayokong-ayoko ng nale-late kasi nakakahiyang magpahintay. You know, lalo na kinontrata ka, kinausap ka nang maayos, bakit ka male-late? Wala kang right para ma-late. Yun ang sinasabi ko sa kanila.

"Tapos, you have to be prepared pagpunta mo sa work mo. Dapat alam mo ang gagawin mo. Kunwari, si Richard ngayon papunta siya sa presscon, kausap ko siya sa phone kanina. Kagabi, nag-usap din kami, tapos kanina ulit, 'O ganito, ganito, yun.' Ganun talaga ang trabaho ng manager."

RICHARD GOMEZ. Dahil nasa presscon nga ng Family Feud, na-single out ng PEP ang mga tanong kay Wyngard para sa mga plano niya para sa career ni Richard.

"Alam mo, magmi-meeting kami this weekend dahil hindi ko alam kung matutuloy ang pagpasok niya sa pulitika," ani Wyngard.

Sa mga interview kay Richard ay kinumpirma na nito na tatakbo siya bilang congressman sa fourth distict ng Ormoc sa 2010 elections. Kaya hiningi ng PEP kay Wyngard kung ano ang opinyon niya tungkol dito.

"Nung huli kasi kaming mag-usap, hindi pa opisyal, e, hindi pa definite yung sagot niya sa akin. Yun ang pag-uusapan namin this weekend."

Pero pabor ba siya sa idea ng pagpasok ni Richard sa pulitika?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Oo naman. Kasi kung talagang gusto niya yun, wala tayong magagawa. Gusto niya rin talaga yata yun, e, pulitika."

Kailangan daw nilang pag-usapan ni Richard kung paano makakaapekto sa career nito, lalo na sa hino-host nitong Family Feud, ang pagkandidato lalo na sa panahon ng kampanya.

"Lalo na pag kampanya, bawal silang lumabas sa TV. So, wala. May deadline 'yan kasi, e. Alam naman natin lahat sa Comelec, hindi siya puwedeng makita sa TV, unless ibinabalita. Wala siyang puwedeng tanggaping show. Pero after nun, like kunwari manalo na siya, puwede na."

Paano ang kontrata ni Richard sa GMA-7 at sa FremantleMedia para sa Family Feud?

"I think may arrangement naman sila ng Channel 7. Alam naman nila na may ganung plano si Richard. Kaya nga gusto rin nilang malaman nang maaga kung ano ba talaga, kung tatakbo ba o hindi, para makapagplano rin sila sa show. Kung nagsabi na siya [Richard] sa inyo, kailangan pa rin naming pag-usapan 'yan," saad niya.

Hiningan din ng PEP si Wyngard ng message niya para kay Richard.

"Good luck, lalo na sa pagpasok niya sa pulitika. Sana nga manalo siya na congressman. Alam ko kasi yung kagustuhan niyang tumulong sa mga tao para sa pagbabago. Nandito lang din ako to support him," pahayag ni Wyngard.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN