Joseph Estrada tells Kris that his love for the Aquino family is "beyond politics"

IMAGE 0


Joseph Estrada hopes to fulfill two things with his comeback film, Ang Tanging Pamilya: first, "para ma-relieve ang mga tao sa kahirapan," and second, to donate his talent fee to charity.


Sa wakas, natuloy na rin last Sunday, November 8, ang kauna-unahang live guesting ni dating Pangulong Joseph "Erap" Estrada sa The Buzz. Dapat sana ay special guest sa birthday celebration ng host na si Boy Abunda si Erap last October 25 pero hindi nga siya nakadalo noon.

Naging mainit ang pag-welcome sa kanya nina Boy at Kris Aquino sa show. Narito ang kanilang naging pag-uusap:

Boy: Halos 20 years po na hindi kayo nakagawa ng pelikula. Ano po ang nagkumbinsi sa inyo na tanggapin ang role ninyo rito sa Ang Tanging Pamilya?

Erap: Palagay ko, dahil sa nakikita ko, marami nang naghihirap sa ating mga kababayan. Sa bahay nila halos nag-iiyakan na. 'Ika ko, panahon na upang... noong in-offer sa akin ito, comedy, para 'ika ko, matuwa naman, tumawa naman ang mga tao, kahit na sandali ma-relieve ang mga tao sa kahirapan.

Kris: Tama naman. President Erap, kung papipiliin po kayo, how will you classify yourself, as a loving and doting father, or a sweet and sexy lover?

Erap: Well, I think it should be my children who should answer that.

JINGGOY ENTERS. Sa puntong ito ay tinawag na nina Boy at Kris ang anak ni Erap na si Sen. Jinggoy Estrada, na nasa studio rin, para sagutin ang naturang tanong.

Jinggoy: For me, it's a loving and doting father. He's a very, very good provider.

Boy: Tutal narito ka na rin naman, Senador, e, ano ba ang sikreto ng iyong pagiging guwapo? You're looking very good. Pumayat ka.

Jinggoy: Mas guwapo po yung tatay ko.

Kris: Totoo naman yun. But uma-approximate ka na sa kaguwapuhan ni President Erap. Ano ang ginawa mo?

Jinggoy: Kasi noong araw, talagang sobra-sobra na ang katabaan ko. So, I decided na magpapayat.

Kris: Totoo, cutie pie ka talaga ngayon. Pare, before we ask your dad, we'll ask you na lang, ano ang mensahe mo for your dad? Kasi, di ba, during moments like this, we get to express kung gaano natin kamahal ang ating magulang. And you're so blessed, you have your mom [Loi Ejercito], your dad pa. So, anong gusto mong sabihin sa dad mo na we can all listen to.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Jinggoy: Ako, I'm very, very blessed with a father like President Estrada, who really supported me all the way throughout my political career, my movie career. Lagi po siyang nandiyan sa likod ko. Kaya wala na po akong hahanaping iba. Kung mamamatay at mabubuhay ulit ako, ang pipiliin kong tatay ay si Joseph Estrada.

Kris: Sa inyo [Erap] naman po, si Jinggoy bilang panganay, ano ho ba ang espesyal kay Jinggoy bilang anak?

Erap: Well, masunurin siya. Natatandaan ko noong araw, siyempre sa Greenhills nakatira. Sinabi ko, pag bakasyon... ang ginawa ko sa kanya para malaman niya ang hirap ng buhay, makita niya yung mga... nung mayor ako, ang ginawa ko sa kanya, bumili ako ng isang maliit na truck para mag-rasyon siya ng softdrinks sa mga sari-sari store.

Boy: Hindi namin alam yun, ha.

Erap: Para maramdaman niya talaga ang hirap ng buhay. At nakikita niya yung mga mahihirap dun sa bayan ng San Juan, nakilala niya.

Kris: As in ikaw [Jinggoy] yung nagmamaneho ng truck at ikaw ang nagbubuhat ng mga case ng softdrinks?

Jinggoy: Yes, binigyan niya ako ng negosyo, yung softdrinks, Coke at saka sa Pepsi, ako yung nagrarasyon. Ako minsan yung pahinante, ako minsan yung driver, ako minsan yung ahente. Pero sa San Juan lang. Marami akong mga parokyano dun sa San Juan. Marami akong tindahan na nirarasyunan sa San Juan noong araw, noong binata pa ako.

Boy: I think what your dad is trying to say is, ang importante kasi, mga kaibigan, yung pagtuturo ng values sa ating mga anak. At ang konsepto kasi ng kahirapan ay iba dun sa totoong kahirapan na mahirap kumita ng pera. That's why you appreciate your life today because of how you were raised by your dad.

KISSING SCENE WITH AI AI. Sumunod nilang napag-usapan ang Star Cinema movie na pinagbibidahan ni President Erap with Ai- Ai delas Alas na Ang Tanging Pamilya. Showing na ito bukas, November 11. Kasama nila rito sina Toni Gonzaga, Sam Milby, at introducing si Nanay Dionisia Pacquiao.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Boy: Going back to the movie, President Erap. Alam natin na ang madalas pinag-uusapan po ay ang inyong kissing scene ni Ai-Ai. Ito naman po ang gusto naming malaman, kung ire-rate n'yo po from one to 10, 10 being the best, kumusta po sa kissing scene si Ai-Ai delas Alas?

Erap: Alam mo si Ai-Ai napakagaling na artista. Isa siyang natural comedian. Kaya ako'y hindi nahirapan. Alam mo naman ang comedy, timing lang iyan, di ba?

Boy: Sa halikan po, nahirapan po kayo?

Erap: Yung halikan naman namin, comedy rin, e. Yun lang last shooting day, yung wedding scene, biglang hinatak ako dun sa ulo.

Boy: Narinig ho namin yung interview kay Ai-Ai at sinabi niyang tinuluyan na raw niya at napilitan na talaga kayong humalik.

Erap: Pinagsamantalahan ako, e!

Kris: President Erap, magtatanong po ako. Kasi kunwari po wala si Jinggoy dito sa mundo, wala si Doktora Loi, single po kayo at papipiliin po kayo kung sino ang liligawan n'yo, si Ai-Ai po o si Aling Dionisia? Isa lang po ha.

Erap: Kahit na isa yata... Siyempre ang leading lady ko, si Ai-Ai. Loyal ako sa leading lady ko.

EDGE OVER SAM MILBY. Hindi rin nakaligtas si Erap sa pagkukumpara sa kanilang dalawa ni Sam Milby.

Boy: Ito na lamang po, President Erap..., ano po ang lamang n'yo kay Sam Milby?

Erap: Ang daming lamang ni Sam Milby dahil unang-una bata siya, pogi, tisoy. E, tayo naman Pilipinong-Pilipino tayo. Lamang ko? Siguro experience lang. Mas may edad tayo sa kanya at matagal din ako sa pelikula, mga almost 26 years, kaming dalawa ni FPJ [the late Fernando Poe Jr.]. Yun lang ang lamang ko, pero siyempre, masyadong high-tech na ang paggawa ng pelikula kaya lamang na rin siya.

REMEMBERING CORY AQUINO. Dumako rin ang pag-uusap nila sa kagustuhan ni President Erap na mag-donate sa ABS-CBN Foundation para sa mga naging biktima ng mga nagdaang bagyo. Nakita niya ang pagiging aktibo ni Kris sa pagtulong at pagkakawanggawa sa mga nasalanta nating mga kababayan. Hanggang sa mapunta na rin ang usapan nila sa pag-alaala ni President Erap sa ina ni Kris na si dating Pangulong Cory Aquino noong nabubuhay pa ito.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Kris: President Erap, nakapag-usap tayo, when was that... last Wednesday. You mentioned to me na may gusto kayo pong gawin dito sa The Buzz. Tungkol po ito sa gusto ninyong i-donate ninyo sa ABS-CBN Foundation. At nandito po yata yung tseke ngayon.

Erap: Ako, admirer mo. Nakikita ko lahat yung pagkawanggawa mo. At maraming hindi nakakaalam... baka ikaw alam mo na noong nanalo akong Senador, di ba nasa oposisyon ako? Out of 24 [elected senators] noon, dalawa lang kaming oposisyon na nanalo noon, kami ni Senate President [Juan Ponce] Enrile. Pagkatapos noon, pinaimbita ako ng mommy mo, si President Cory [Aquino]. Nagulat ako... ano kaya?

Nakasama ko si Teddy Benigno. Tapos sabing ganun [ni Pres. Cory], 'Congratulations!' Tapos, 'Talagang ang lakas ng ano pala, ng ano mo sa masa. Yung mga kasamahan ko dito sa bahay, sinabi ko straight [administration party]. Hindi ako sinunod. 'Tapos tinawag yung mga kasambahay, lahat. 'Tapos sabi, 'Eto lahat isiningit ka. Binoto ka lahat. Hindi ako sinunod. Kaya saludo ako sa iyo, Erap.'

Tapos noon, napag-usapan namin ng mommy mo, ang bait niya sa akin, e. 'Mr. Senator, hihingi sana ako ng advice sa iyo.' Ano po yun, Ma'am? 'E yung anak ko si Kris e, nahihilig mag-artista. Ano kaya sa tingin mo? Me future kaya dun?'

Sabi ko, 'Maganda ho, e. Kung 'yan po ang hilig ni Kris, e, maganda naman ho yung anak n'yo. At nakikita ko maliit pa, nagsasalita sa entablado, may talent ho talaga. Ba't di n'yo payagan?' Yun ang in-advise ko sa mommy mo.

Hindi naman napigilan ni Kris na mapaluha sa kuwentong ito ni President Erap.

Kris: I'm sorry, I'm getting teary-eyed kasi eto ho yung same na kinuwento n'yo sa akin nung nasa loob kayo nung hospital room ng Mom. At ipinaalala n'yo po sa akin na part of the reason na napapayag ang Mom na payagan akong mag-artista because nga doon sa nasabi n'yong yun sa kanya. And sinabi ni Mom na kung yung artista naging Senator and eventually naging Presidente, e, dapat naman talaga suportahan niya itong industriya natin.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

I will never forget po all the kindness na ipinakita n'yo sa Mom namin. Every time po kasi nagtatanong tungkol sa pulitika, Pare [Jinggoy], I hope sasang-ayunan mo ako dito na sa mga Aquinos at mga Estradas, wala nang puli-pulitika. Kasi po naparamdam n'yo sa amin na mahal n'yo ang Mom namin. At ipinaramdam n'yo po na talagang nandun kayo. So, kung anuman ang mangyari po, di ba? Alam n'yo po na mahal namin kayo.

Erap: At ang paggalang ko sa ating dating Pangulo, ang mommy mo, ganun na lang ang respeto ko at paggalang. Yung sa atin naman ngayon, e, yung pagmamahal ko sa inyo, naging ulila na kayo, kaya ang pagmamahal ko sa inyo ay beyond politics. Remember that.

Kris: Sinabi n'yo po sa akin na ngayong wala na ang Mom, any time na may kailangan, we can call you. And we really believe that. Thank you so much po. Maraming-maraming salamat po.

Erap: Totoo yun, totoo. Kahit noong araw, noong Presidente ako nag-state visit ako, sinasama ko si Noynoy [Aquino] at saka si Mar [Roxas].

HUMOROUS ENDING. Sa huli ay pinag-imbita na ulit nina Boy at Kris si President Erap para sa pelikula nitong Ang Tanging Pamilya.

Boy: President Erap, muli imbitahan n'yo po ang sambayanang Pilipino na tangkilikin po ang Ang Tanging Pamilya.

Erap: Alam n'yo, hindi lang po puro comedy itong pelikulang ito. Magagaling ho ang mga artista. Siyempre, si Ai-Ai, si Sam Milby, si Toni Gonzaga at saka, syempre, ang natural comedian, si Mommy Dionisia. Itong pong pelikulang ito'y matutuwa kayo dahil mula sa umpisa hanggang ending ay matatawa kayo.

At ito ay may mensahe naman, kahit na papaano, yung pagmamahal ng pamilya at yung paggalang sa mga magulang at yung paggalang din sa mga kahilingan ng mga anak. May mensahe din po itong pelikulang ito kaya nananawagan po ako sa inyo na hindi po kayo magsisisi, at matutuwa po kayo dito sa pelikulang ito. Ako'y nagpapasalamat sa ABS-CBN–

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Biglang sumingit si Kris at ipinaalaala ang tsekeng ibibigay ni Erap sa ABS-CBN Foundation. Bagay na ikina-react ni President Erap at ikinatawa naman nina Boy at Kris, pati ng mga manonood sa studio.

Erap: Aba, e, ipina-plug ko pa itong pelikula, e. Patapusin mo naman ako.

Kris: Sige po.

Erap: Hindi ko 'yan makakalimutan. Kaya nga ako hindi pumunta noong nakaraang linggo dito, e, dahil wala pa yung tseke. Dahil nakuha ko na yung tseke, kaya ako pumunta rito. Dahil sa nakikita ko yung mga pagtulong mo [Kris] dito sa... lalo na itong nakaraang typhoon na itong kalamidad na Ondoy. Nakikita ko yung hirap mo na nagdi-distribute ng mga ano. Sabi ko, pag ako nagkaroon ng pagkakataon na mag-guest sa The Buzz, ako personal, yung talent fee ko ibibigay ko.

At ibinigay na nga ni President Erap kina Kris at Boy ang tsekeng nagkakahalaga ng isang milyong piso para sa ABS-CBN Foundation Sagip Kapamilya bilang tulong sa mga nasalanta ng mga nagdaang bagyo. Hindi raw tumanggap ng talent fee si Erap sa Star Cinema para sa pelikula nila. Sa halip ay ibinigay nga niya ang parte nito sa ABS-CBN Foundation.

Bago natapos ang segment na ito ay may iniwan pang makahulugang mensahe si Kris para kina Erap at Jinggoy.

Kris: Di ba, Pare, may history tayo? Di ba, ang una nating pagsasama sa gitna din ng kalamidad. Nagdala kami ng relief sa Taytay, di ba? So, whatever happens po, hindi ko po kayang i-assure sa inyo (Erap). Pero, Pare (Jinggoy), you will always be my number-one senator.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN