Kapuso stars running in 2010 elections must give up their shows for now

IMAGE 0


(From left) Kapuso star Richard Gomez, boxing champ Manny Pacquiao, and Sen. Bong Revilla will all run in the 2010 elections. As a result, they will have to momentarily take a leave of absence from their respective shows to focus on their campaign.


Sa November 30 na ang deadline ng filing of candidacy ng mga nagnanais tumakbo para sa 2010 elections.

Sa ganitong pagkakataon, apektado ang mga programang tinatampukan ng mga artistang nagbabalak kumandidato. May ruling kasi ang Commission on Elections (Comelec) na nagbabawal sa mga artistang kakandidato na lumabas sa regular TV shows sa panahon ng kampanya. Dahil dito, kinailangang gumawa ng paraan ng network para hindi maapektuhan nang husto ang kanilang programa.

Kanina, November 10, ay nagpatawag ng luncheon meeting ang executives ng Entertainment TV ng GMA-7, sa pangunguna ng senior vice president Ms. Wilma Galvante, para sa mga piling entertainment editors and writers. Dito ay ipinaliwanag ang mga hakbang na gagawin ng network sa mga artista nilang kakandidato sa 2010 elections na may mga programa sa kanila. Kasabay na rin nito ang paglalatag ng mga programa nila sa pagtatapos ng 2009 at para sa unang bahagi ng 2010.

KAPUSO STARS IN 2010 ELECTIONS. Ayon kay Ms. Galvante, limang Kapuso stars na may existing shows ang nagbabalak tumakbo sa 2010 elections—Manny Pacquiao bilang congressman sa Saranggani Province, Richard Gomez bilang congressman sa Ormoc City, Bong Revilla na tatakbong muli bilang senador, at sina Ara Mina at Alfred Vargas na parehong tatakbong konsehal sa Quezon City.

Dahil maganda naman daw ang performance ng sitcom ni Manny with Marian Rivera, Show Me Da Manny, tuloy pa rin ito sa pag-ere. Habang wala si Manny ay iba't ibang big stars daw muna ang magge-guest sa programa linggo-linggo.

Hindi rin mawawala sa ere ang isa pang weekly show ni Manny, Pinoy Records, na hinu-host nila ng basketball heartthrob na si Chris Tiu. Habang wala si Manny, si Chris muna ang solong maghu-host nito.

Nakatakda ring umalis ang grupo ng Show Me Da Manny at Pinoy Records patungong Los Angeles at Las Vegas para gumawa ng episodes doon. Nasa U.S. ngayon si Manny para sa kanyang laban kontra sa Puerto Rican na si Miguel Cotto sa November 15.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Hindi na rin muna matutuloy ang binabalak na show na pagsasamahan sana ni Manny at ng kanyang ina na si Mommy Dionisia Pacquiao. Isa itong morning variety program na may titulong Todo Bigay. Pero itutuloy pa rin daw nila ang project pagkatapos ng eleksiyon.

Si Goma naman ay pansamantalang papalitan ni Dingdong Dantes sa daily game show niyang Family Feud. Dapat sana ay isa rin sa mga host ng StarStruck V si Dingdong, pero dahil siya na nga ang maghu-host ng Family Feud ay ipinalit sa kanya si Dennis Trillo.

Mawala man sandali si Bong sa weekly show niyang Kap's Amazing Stories, isa pa ring Revilla ang papalit sa kanya rito—ang bunsong anak nila ng misis niyang si Lani Mercado na si Ram Revilla. Makakasama ni Ram dito ang dalawa pang child stars. Dahil bata na ang mga host nito ay magiging Kap's Amazing Stories Kids Edition muna ang title ng programa.

Sa kaso sina Ara at Alfred, magpapaalam na ang characters nila sa Tinik Sa Dibdib at Darna, respectively.

Ayon kay Ms. Galvante, maaari pa ring bumalik sa kanila ang mga artistang ito pagkatapos ng eleksiyon.

"Nakaplano rin yun kung saan sila puwedeng i-cast, lalo na yung sa mga drama. But we just have to follow the policy kesa hindi ka gumalaw," sabi ng lady executive.

CHRISTMASERYE. Bukod sa mga pagbabago sa ilang programa ng GMA-7 kaugnay ng pagtakbo ng ilan sa kanilang mga artista, ibinalita rin ni Ms. Galvante sa press ang mga bubuksan nilang programa sa huling dalawang buwan ng 2009 at sa first quarter ng 2010.

Sa kauna-unahang pagkakataon ay magkakaroon ng ChristmaSerye ang GMA-7. May working title na Sana Ngayong Pasko, ito ang papalit sa maiiwang timeslot ng high-rating drama series nina Dingdong Dantes at Rhian Ramos na Stairway To Heaven, na magwawakas na sa December 11.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Tampok sa ChristmaSerye na ito si Ms. Susan Roces.

"When we developed the story, talagang pang-Susan Roces siya, e," banggit ni Ms. Galvante. "Kung ika-cast mo, una mo talagang iisipin, sinong artista ang gaganap dito, sino ang bagay... si Susan talaga. So, we just took our chances. Kinausap ni Redgie [Magno, senior program manager], tinanong kung puwede. Nakipag-usap naman, nakipag-meeting, and she liked the idea.

"Sobrang heavy drama siya. It's about a family coming together every Christmas, about a matriarch wanting her family to be together. Tumatanda na siya, nawawalan na siya ng alaala. Basta gusto niya, maalala niya lahat ng dapat nandiyan. Maikli lang siyang tatakbo, but we promise you that it will be a compelling primetime drama. It's a GMA original."

Ang Sana Ngayong Pasko rin ang magsisilbing comeback project sa Kapuso network ng premyadong aktor na si Christopher de Leon.

Tinanong ng PEP (Philippine Entertainment Portal) si Ms. Galvante kung hindi ba magkakaroon ng conflict ang pagtanggap ni Boyet sa proyektong ito. Kasama rin kasi si Boyet sa cast ng ongoing ABS-CBN primetime series na Lovers In Paris, kung saan gumaganap siya bilang ama ni Piolo Pascual.

Nagkataong nasa meeting din ang manager ni Boyet na si Lolit Solis kaya ito ang nagpaliwanag sa sitwasyon ng aktor. Ayon kay Manay Lolit, wala na raw dapat si Boyet sa Lovers In Paris noon pang October 30. Pero nag-request daw ang ABS-CBN na mag-tape pa si Boyet ng tatlong araw kaya posibleng makita pa rin ang aktor sa mga susunod na araw.

Pero tiniyak ng manager na balik-Kapuso na talaga ang alaga niya. Sa katunayan nga raw ay hindi na pumayag si Boyet na sumali sa Christmas station ID ng Kapamilya network.

Kasama rin sa cast ng Sana Ngayong Pasko sina Gina Alajar, Maxene Magalona, TJ Trinidad, JC Tiuseco, Yna Asistio, at JC de Vera.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

AFTER THE RAIN. Bukod sa ChristmaSerye, meron ding inihandang Christmas musical special ang GMA-7. Ito ay ang After The Rain na tatampukan ng Asia's Songbird na si Regine Velasquez at ididirek ni Louie Ignacio.

Ayin kay Ms. Galvante, "Sa loob ng special, makikita natin yung mga nangyari sa atin nitong mga lumipas na bagyo... Magiging uneasy ka pag ang ginawa mong Christmas special ay sobrang todo celebration, yung ganyan. Parang insensitive ka sa mga realities na nangyari sa bayan. Kaya this Christmas special will have meaning, not only will it talk about, it will tell you in musical form what the country went through. Pero meron din siyang charity na mangyayari."

Speaking of Regine, nakatakda ring gumawa ng soap opera ang singer-actress next year. May working title na Diva, ang target airing nito ay sa March 2010.

Kung saka-sakali, ito ang magiging ika-apat na primetime series ni Regine sa GMA-7; pagkatapos ng Forever In My Heart, Ako Si Kim Samsoon, at Totoy Bato.

FULL HOUSE. Magtatapos na ngayong buwan ang Pinoy remake ng Mexicanovela na Rosalinda, na pinagbibidahan nina Geoff Eigenmann at Carla Abellana. Ang papalit dito ay ang remake naman ng highest-rating Koreanovela sa Pilipinas, Full House. Bida rito sina Richard Gutierrez, Heart Evangelista, Isabel Oli, at Patrick Garcia.

Bukod sa location taping nila sa Cavite at Batangas, nakatakda ring pumunta ang cast and crew ng Full House sa Prague, Czech Republic para kunan ang ilang mga eksena doon. Titigil sila roon ng almost two weeks.

Magpa-pilot na ang Full House sa November 30.

Samantala, sina Geoff at Carla naman ay tampok sa SRO Cinemaserye Presents Carinderia Queen, na magsisimula na sa Huwebes, November 12.

STARSTRUCK V. Bago matapos ang taon ay magaganap na ang pinakaaabangang pagbabalik ng kauna-unahang reality-based artista search sa bansa, ang StarStruck, na ngayon ay nasa ika-limang season na.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ang maghu-host ng StarStruck V ay sina Raymond Gutierrez, Carla Abellana, at Dennis Trillo. Ang bubuo naman sa Council ay ang aktres na si Iza Calzado, talent manager Lolit Solis, at direktor Louie Ignacio.

Kung sa mga nakaraang taon ay gabi-gabi napapanood ang StarStruck, ngayong season ay tuwing Sabado at Linggo lamang ito ipalalabas. Pero magkakaroon ng daily updates na tatagal ng lima hanggang sampung minuto.

Ibabalik din sa dalawa ang magiging winners—isang lalake at isang babae.

Ito rin ang unang pagkakataon na nagsagawa ng auditions ang StarStruck sa iba't ibang panig ng mundo.

Ayon kay Ms. Galvante, mas magiging istrikto raw sila ngayon sa pagpili ng makakasali sa show.

"Talagang ang gusto nating makita, hindi lang all-around... Maganda ang personalidad, magandang magsalita, maganda ang background. Yung makikita mong artistahin talaga," sabi niya.

SOP RELAUNCH. Binanggit din ni Ms. Galvante ang malaking pagbabagong magaganap sa weekly musical-variety show na SOP simula sa November 22. Pero nilinaw nito na hindi revamp ang gagawin nila kundi "relaunch."

Bagamat mananatili pa ring main attraction ng programa ang apat na main hosts nito na sina Regine Velasquez, Ogie Alcasid, Jaya, at Janno Gibbs, may mga aalisin din sila at papalitan ng mga bagong pangalan.

"We will be changing some names and bringing in new names. Merong papalitan, merong pagpapahingahin muna, merong ire-re-image para makabalik," sabi ni Ms. Galvante.

Bukod dito ay magkakaroon din sila ng bagong set. Babawasan na rin daw nila ang mahahabang spiels to give way sa sunud-sunod na production numbers.

THE LAST PRINCE. Isa naman sa magiging opening salvo ng Kapuso network sa 2010 ay ang telefantasya nina Aljur Abrenica at Kris Bernal, The Last Prince.

"This is another GMA original," banggit ni Ms. Galvante. "Big concept ito. Yung story niya, sa isang kaharian, maraming prinsipeng nagdaan—merong hindi totoo, merong nagke-claim na siya yung totoo. Pero sino talaga ang last prince na magru-rule at iibigin?"

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Mabigat daw ang casting nito at malaking preparasyon daw ang ginagawa nila para rito.

Sinabi pa ni Ms. Galvante na dahil nangunguna ang GMA-7 sa paggawa ng telefantasya—gaya ng Mulawin, Encantadia, Darna, at Dyesebel—nais nilang palakasin ang paggawa ng mga ganitong klaseng programa.

Bukod sa The Last Prince, nasa pre-production stage na rin daw ang mga susunod nilang telefantasya—Odessa, Animo, at Encantadia: The Second Saga.

YOUNG CHOLO & JODI. Nakatakda ring pasikatin ng GMA-7 next year ang mga gumanap na batang Cholo at Jodi sa Stairway To Heaven na sina Joshua Dionisio at Barbie Forteza, na pareho nang exlcusive Kapuso talents.

Dahil marami ang nagkagusto sa ipinakita nilang performance sa Stairway To Heaven, nagdesisyon ang management na bigyan sila ng sarili nilang primetime series, First Luv. Makakasama rin nila rito ang mga co-star nila sa Stairway To Heaven na sina Jhake Vargas at Joanna Marie Tan, na gumanap bilang Tristan at Eunice, respectively.

Bukod sa First Luv, tampok din sina Joshua at Barbie sa December episode ng weekly drama anthology na Dear Friend.

SINE NOVELAS. Dalawang malalaking Sine Novela naman ang magsisimula sa 2010, na papalit sa ipinapalabas ngayong Kaya Kong Abutin ang Langit at Tinik Sa Dibdib.

Una na rito ang Ina, Kasusuklaman Ba Kita? na pagbibidahan ng mag-ina sa tunay na buhay na sina Jean at Jennica Garcia. Ito ay TV remake ng 1985 film na pinagbidahan ni Lorna Tolentino at ng yumaong aktres na si Ms. Rita Gomez, at idinirek ni Pio de Castro II.

Ang isa pa ay ang TV remake ng critically-acclaimed 1990 Lino Brocka film, Gumapang Ka Sa Lusak. Pinagbidahan ito nina Dina Bonnevie, Christopher de Leon, Eddie Garcia, at Charo Santos. Pero wala pa raw casting ang proyektong ito.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN