Alex Gonzaga settles issue about Kimerald fans with Kim Chiu

IMAGE 0


"Kinausap ko si Kim. Kasi yung iba naman dun [Kimeralds], hindi naman nila napanood ang Juicy nung panahon na yun. Yung iba, nagre-react na lang sila, kahit na hindi naman nila alam, dinadagdagan na lang nila. E, baka pag nakita ni Kim, gumawa na kasi sila ng story at pinalala na nila ang sitwasyon," says Alex Gonzaga about her issue with Kimerald fans.


Ani Alex Gonzaga, marami na rin naman siyang natatanggap na masasamang salita bilang isang artista at tungkol sa kanyang paghu-host sa TV showbiz talk show na Juicy. Pero nitong nakaraang kontrobersiyang kinasangkutan niya, napaluha raw siyang talaga dahil naging masyado nang personal ang atake sa kanya.

Ang pinakamasakit pa ay nang sabihan siya ng fans ng artistang di sinasadyang nakanti niya sa Juicy, na hindi raw siya isang mabuting kaibigan.

"Traydor daw akong kaibigan..." sumbong ni Alex nang makausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) at ng iba pang press people sa press conference para sa kanila ng kapatid niyang si Toni Gonzaga ng Shapes clothing line sa Dulcinea Morato kahapon, November 11. Nag-renew ng kontrata ang magkapatid sa clothing line na sponsor na ni Toni noon pang 2005 at ni Alex naman since 2007.

Sabat naman ni Toni, na katabi niya lang ang kapatid habang iniinterbyu, marami pa raw siyang mas masasakit na salitang nakita laban kay Alex. Hindi na lang daw babanggitin ni Toni dahil masasakit nga.

Nanggaling ang masasakit na salita mula sa mga Kimerald, ang grupo ng mga fans nina Kim Chiu at Gerald Anderson. Nagsimula ang lahat nang hindi naging maganda ang dating ng show ni Alex tungkol sa topic ng pagpapareha kina Kim at Gerald sa ibang artista.

Wala naman daw siyang binitawang masamang salita tungkol kina Kim at Gerald, pero dahil siya nga ang host ng show, kaya't sa kanya nagngitngit ang Kimeralds.

Sa payo na rin ng ate niyang si Toni, tinawagan agad ni Alex si Kim para humingi ng paumanhin dito at magpaliwanag.

"Kinausap ko si Kim. Kasi yung iba naman dun [Kimeralds], hindi naman nila napanood ang Juicy nung panahon na yun. Yung iba, nagre-react na lang sila, kahit na hindi naman nila alam, dinadagdagan na lang nila. E, baka pag nakita ni Kim, gumawa na kasi sila ng story at pinalala na nila ang sitwasyon."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Naging maganda naman daw ang usapan nila ni Kim at hindi naman naapektuhan ang kanilang pagiging magkaibigan.

"Friend ko kasi talaga yun. Sabi niya, 'Naku, okey lang yun. Aggressive talaga yung mga fans,'" kuwento pa ni Alex.

Payo pa sa kanya ni Toni nang mga panahong 'yon ng pag-iyak niya dahil sa atake ng mga fans, magbasa ng Bibliya bilang proteksiyon sa mga ganoong atake at iba pang puwedeng ikasama ng loob niya sa showbiz.

ROBIN AND TONI. Hiningan naman ng opinyon si Alex tungkol sa nakatakdang pakikipagpareha ng kanyang Ate Toni sa tinaguriang "Bad Boy" ng Pelikulang Pilipino na si Robin Padilla. Legendary na rin kasing maituturing ang karisma ni Robin sa mga babae, lalo na sa mga nakakapareha nito.

Tinanong si Alex kung okey lang ba sa kanya kung pumorma nga si Robin sa ate niya kahit na may maayos nang lovelife si Toni. Kailan lang kasi'y nabalitang hiwalay na si Robin sa asawa nitong si Liezl Sycangco at single na uli ito.

"Depende sa kanya. Mukha namang masaya sila ni Direk Paul [Soriano]," sagot ni Alex, na ang tinutukoy ay ang boyfriend ng kanyang ate.

Kung maayos ang lovelife ni Toni, bakit tila wala namang nababalita sa lovelife naman ni Alex?

"Hindi pa kasi talaga puwede," sagot niya. "Bukod sa nag-aaral pa ako at may career pa, ayaw pa talaga ng parents ko. Mahirap daw kasi na kalat ang attention ko. So, career at aral muna.

"Although, may ipapakilala na nga ako kay Mommy, one of these days, na manliligaw. Na matagal nang nanliligaw since 18 pa ako," pahabol ni Alex.

ALEX'S TYPE OF GUY. Pareho ba sila ng tipo ni Toni pagdating sa lalake?

"Ako, ayoko ng masyadong good boy, ayoko ng smart-looking... Gusto ko yung 'bobo-looking'!" patawa ni Alex na ikinatawa rin ng nag-iinterbyung press. "Ang gusto ko, yung parang brusko, yung parang maton... yung parang Derek Ramsay, Jericho Rosales."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Si Echo nga raw ang ultimate crush ni Alex, pambubuko ni Toni. Noong hindi pa nga raw artista si Alex, ginamit niya pa ang pangalan ng Ate Toni niya para lang makalapit dito at magpa-picture.

"Nakita ko siya nagwi-withdraw sa ATM. Tapos nilapitan ko siya," kuwento ni Alex.

Sa takot daw kasi niyang baka paghintayin siya ni Echo o iwasan dahil isipin nitong fan lang siya, binanggit niya na "Kapatid ako ni Toni Gonzaga!

"So, niyakap niya agad ako!" at natawa nang tuluyan sina Alex, Toni at ang press na nag-iinterbyu sa kanila.

Noong naging artista na raw siya, nagkasama na sila ni Echo sa Pangarap Na Bituin.

"Sila pa noon ni Heart [Evangelista]. So sabi ko, 'Friends na lang tayo,'" sabay tawa uli ni Alex.

Kinilig naman si Alex nang tanungin siya ng press kung paano raw kaya at ligawan siya ng single na rin ngayong si Jericho.

"Ay, hindi ko alam!" napatili sabay tawa uli ng dalaga.

CLICK HERE para sa iba pang pinag-usapan sa interview kina Alex at Toni.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN