Actor Johnny Delgado finally laid to rest

IMAGE 0


One of Johnny Delgado's closest friends, Tirso Cruz III, remembers him for his honesty and frankness. "Johnny will always shoot straight to the ear. Pag ayaw niya, ayaw niya. Pag gusto niya, gusto niya... "I would rather have one friend like that, than ten thousand na puro ipa-pump up lang ako na kahit na mali na 'ko, kahit na hindi maganda ang ginagawa ko, just to please me. I would rather have a Johnny Delgado na who would tell me straight to my face na mali


Inihatid na sa kanyang huling hantungan ang beterano at multi-awarded actor na si Johnny Delgado kaninang bandang alas-11:30 ng umaga, November 24, sa Loyola Memorial Park sa Marikina City.

Namatay ang 61-taong-gulang na aktor sanhi ng lymphoma, o cancer of the immune system, noong November 19. Naiwan niya ang asawang award-winning director na si Laurice Guillen at ang mga anak na parehong aktres na sina Ana at Ina Feleo. Ibinurol siya sa Mt. Carmel Church sa Quezon City.

Dinamayan ng mga kamag-anak at malalapit na kaibigan sa libing kanina ang naiwang pamilya ni Johnny. Kabilang sa mga artistang namataan ng PEP (Philippine Entertainment Portal) ay sina Cesar Montano,Christopher de Leon, Tirso Cruz III, Edgar Mortiz, Gina Alajar, Ricky Davao, Sandy Andolong, Amy Austria, Isabel Rivas, Hyubs Azarcon, at Marc Abaya.

Bago ang libing, nagkaroon muna ng misa sa Mt. Carmel Church para kay Johnny. Nagpasalamat ang mga mahal sa buhay ng yumaong aktor sa pangunguna ni Direk Laurice sa mga nakiramay sa kanila.

Pagdating sa Loyola Memorial Park ng mga labi ni Johnny at ng convoy ng mga nakipaglibing, ibinaba mula sa karo ang ataul ng aktor at isinakay sa isang kartilya. Mula sa gate ng memorial park ay inakay nina Christopher, Edgar, Tirso, at iba pang kalalakihang kamag-anak at mga kaibigan ni Johnny ang ataul patungo sa lugar na paglilibingan nito. Sa hulihan ng ataul ay naglalakad naman sina Laurice, Ana at Ina, kasunod ang iba pang mga kaibigan at kamag-anak.

Nagbigay muli ng misa para kay Johnny at pinagsalitang muli si Laurice sa harap ng mga nakikiramay. Ani Laurice, masaya na rin daw siya't kapiling na ng Panginoon at payapa na si Johnny. Nagpasalamat siyang muli sa mga nakidalamhati sa kanilang pamilya.

Pagkatapos nito ay binigyan ng pagkakataon na magpaalam isa-isa ang mga nakipaglibing bago inangat ang salaming nagtatakip sa mga labi ni Johnny para mahagkan at mahawakan siya sa huling pagkakataon ng mga mahal niya sa buhay.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Matapos isara nina Laurice, Ana, at Ina ang ataul ni Johnny at ibaba na ito sa loob ng nitso, naghagis ng mga bulaklak ang mga nakipaglibing at ang pamilya ng aktor bago tinakpan nang tuluyan ang nitso nito.

Nagpakawala ng mga paru-paro at mga lobo ang lahat ng nakipaglibing bilang simbolo ng tuluyan nang pamamaalam nilang lahat sa iginagalang at minamahal nilang si Johnny.

FRIENDS REMEMBER JOHNNY. Nakapanayam ng PEP ang ilan sa mga nakipaglibing kay Johnny. Pawang magagandang salita at alaala ang nailahad nila patungkol sa mahusay na aktor.

Unang nakausap ng PEP si Direk Lito Calzado, ama ni Iza Calzado at dati nang kasama ni Johnny sa trabaho kahit noong mga binata pa sila. Napaaga ng dating si Direk Lito at nasa Loyola Memorial Park na siya bandang alas 8:45 pa lang ng umaga.

Nagkatrabaho na sina Direk Lito at Johnny sa maraming proyekto, pero pinaka-di niya malilimutan ang mga panahon na magkasama sila sa Banana Sundae noon sa BBC 2 bago mag-EDSA Revolution, at noong Goin' Bananas nung nasa ABS-CBN na sila bandang late '80s. Nag-iisa lang daw si Johnny sa larangan ng showbiz at hindi maitatanggi ang naging kontribusyon ng aktor sa Philippine showbiz.

"He has done his share in the showbiz world... I think everybody will remember him as a villain actor, an award-winning actor, an artist per se," nawika ni Direk Lito tungkol kay Johnny.

Tila sang-ayon naman si Cesar Montano sa sinabi ni Direk Lito na nag-iisa lang talaga si Johnny Delgado sa lokal na showbiz. Aniya, "He's one of the finest actors natin sa industriya. Ewan ko kung meron pang susunod na Johnny Delgado. Nag-iisa lang 'yan dito. Isang malaking kawalan para sa industriya 'yang si Kuya Johnny Delgado. Isang malaki... sa'n pa 'ko kukuha pag kailangan ko si Kuya Johnny Delgado? Sino pang tatakbuhan ko? Wala na. Mahirap..."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Nung huling magkita raw sila ni Johnny, nagpalitan pa sila ng mga gawang paintings. Pareho kasing nagpipinta sina Cesar at Johnny. Ite-treasure niya raw ang painting na bigay ni Johnny dahil ito raw marahil ang huling dokumento na pinirmahan ni Johnny. Pinirmahan kasi ng mahusay na aktor ang gawa nito bago ibinigay kay Cesar. Sabay yakap daw kay Cesar at sabi sa kanyang, "Stay healthy!"

"Isang magandang paalala ni Kuya Juan... pangalagaan natin ang ating kalusugan," sabi pa ni Cesar tungkol sa huling pagkikita nila ng iginagalang niyang aktor.

Malaki naman ang utang na loob ng komedyanteng si Hyubs Azarcon sa itinuturing niyang "tatay" niya sa showbiz. "Tata ko 'yan, e. Dahil sa kanya, kaya ako narito. Yung kotse ko, yung Pajero na bili...bigay niya sa akin, ang pangalan nga noon, Tata. Kasi galing sa kanya yun.

"Sabi nga ni Ina noon, nung ibigay sa akin ni Tata yung kotse, 'Dad, bakit mo ibibigay yung Pajero sa kanya? E, suwerte sa atin yun.' Sagot ni Tata Johnny, "Yun nga. Para si Hyubs naman ang suwertihin."

Dahil din daw kay Johnny kaya siya nakakapag-golf ngayon. Niregaluhan daw kasi siya nito ng isang set ng golf clubs at bag. "Hindi ko malilimutan ang kabutihan niya sa akin. Mami-miss ko siya nang husto."

Marami rin daw magagandang alaala ang singer-actor na si Marc Abaya sa magaling na aktor. "If ever I have a mentor in acting, it's Tito Johnny. He's pretty much like a dad to me, too. He's the reason why I have the courage on what I am doing right now.

"I miss his jokes, I miss him breaking my balls, I miss him humbling me. He's the only man brave enough to say... well, I suck in acting. And no one's ever told me that. Sabi niya, 'Wala... rockstar pa rin ang acting mo.' I can take that. It's his way of telling me to improve my craft. And he can say that because he's Johnny Delgado," lahad ni Marc.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Parang nawalan naman ng kapatid si Christopher de Leon sa pagkawala ni Johnny. "He's my kuya. Four decades kaming magkakasama and he's always been like a brother to me. He's outspoken and frank, minsan nagkakasamaan ng loob, but that's how brothers are. Gano'n ang magkakapatid, nagkakasamaan ng loob. For a while di kami magkikita pero pag nagkita naman... Marami na rin kaming pinagdaanan... mga rambol, mga parties. I will miss him."

Para naman kay Tirso Cruz III, mami-miss niya nang husto ang pagiging jolly, pagiging life of the party, at ang pagiging prangka ng kaibigan niya.

"Si Johnny, makakapag-iwan siya ng message at advice sa iyo pero dadaanin niya sa biro, dadaanin niya sa patawa, although laging seryoso. Straight to the point 'yan. Sabi ko nga, Johnny will always shoot straight to the ear. Pag ayaw niya, ayaw niya. Pag gusto niya, gusto niya. Pag may napuna siya sa iyo, sasabihin niya sa iyo. Pag may ginawa kang mali, he will tell you straight to your face. 'Mali ka do'n, hindi maganda ang ginawa mong iyon. Bakit gano'n ang trabaho mo?'

"Pero alam mong it's not negative, it's not to put you down. Ang sa kanya, para bang, 'I expect more from you.' Because he has faith in you. And that's a true friend. I would rather have one friend like that than ten thousand na puro ipa-pump up lang ako na kahit na mali na 'ko, kahit na hindi maganda ang ginagawa ko, just to please me. I would rather have a Johnny Delgado na who would tell me straight to my face na mali ang ginagawa ko. Pero the other side of the coin naman is pag may ginawa kang maganda, talagang all praises ka sa kanya."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN