Richard Gomez is wishing for another baby this Christmas

IMAGE 0


"Gusto ko, bigyan ako ng regalo ni Lucy ng baby. Ang tagal, e. Naiinip na ako. Itong buong week na ito, 'yan ang ipagdarasal ko. 'Yan ang Christmas gift na hinihingi ko sa Panginoon. Pero, siyempre, huwag lang puro dasal, dapat may gawa rin!" says Richard Gomez with a laugh.


Noong 2007 national elections ay tumakbo sa senatorial race ang actor-TV host na si Richard Gomez. Pero hindi siya pinalad na manalo.

Hindi naman yun naging dahilan para isantabi na ni Richard ang pangarap niyang maging public servant. Kaya naman sa 2010 elections ay muli siyang tatakbo. But this time, hindi na bilang senador kundi bilang congressman sa Ormoc City.

Sa panayam ng PEP (Philippine Entetainment Portal) kay Richard kagabi, December 9, sa kanilang tahanan sa East Greenhills ay ipinaliwanag niya kung bakit sa congressional race na siya tatakbo.

"Yung Congress kasi 'saka yung Senate, iisa lang ang trabaho, e," simula niya. "'Tsaka ang kagandahan, maliit lang yung nasasakupan mo. Siguro magandang training ground na muna yun. Saka darating talaga yung time na kailangan mong mamili, e.

"Dun kasi sa Ormoc, ang talagang kailangan namin, talagang pagbabago, 'saka progress, e. Walang pagbabago doon, e. Kung ano yung inabutan ko nung 1998, nung ikinasal kami ni Lucy [Torres-Gomez] sa Ormoc, hanggang ngayon ganoon pa rin ang hitsura niya, wala pa ring pagbabago.

"Pag nandoon ka nga, sobrang bagal ng panahon doon, sobrang laid- back. Pero I think magandang i-develop ang Ormoc, another tourist destination. It's just a matter of putting things in the right places, e. Kasi meron doon yung Lake Danao na napakaganda. Kailangan lang i-develop nang husto, kailangan lang dagdagan yung mga activities.

"Meron namang golf course na maganda, puwedeng mag-host ng malalaking tournament," patuloy ni Goma. "Parang nangyari sa CamSur, puwede mong gawing isang sports-tourism destination. May future yung tourism for Ormoc."

Kumusta ang pagtanggap sa kanya ng mga tao sa Ormoc?

"Kasi sa survey namin na ginawa ng UP Cebu, lumalabas na ang yes sa akin doon is 54 percent. Sa kalaban ko, nasa 31 percent lang," banggit niya.

Under Liberal Party na ngayon si Richard, kung saan ang standard bearer nito ay si Noynoy Aquino. Bakit Liberal ang napili niyang samahang partido?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Dahil kailangan natin ng pagbabago," maikli niyang sagot.

FAMILY FEUD. Dahil nag-file na ng Certificate of Candidacy (CoC) si Richard kaya inalis muna siya sa game show ng GMA-7 na Family Feud. Pero nagkaroon ng ruling ang Supreme Court na nagpapahintulot sa mga celebrity na lumabas sa telebisyon kahit na nag-file na sila ng CoC. Pero dahil pinalitan na siya ni Dingdong Dantes sa show ay hindi pa rin siya nakabalik.

"Actually, puwede naman ulit ngayon," sabi ni Goma. "Nagkagulo lang dahil dun sa Supreme Court decision, di ba? Bawal yung premature campaigning which covers pati yung mga artista, hindi puwedeng lumabas sa TV. Bago nung filing namin, ni-reverse ng Supreme Court yung decision. So, lahat kami, hanging kaming lahat. Hindi lang ako, pati sina Cesar [Montano], Edu [Manzano], sina Bong [Revilla], Alfred [Vargas], Ara [Mina]."

May mga nagsasabi na hindi raw bagay at hindi perfect choice si Dingdong na pumalit kay Richard sa Family Feud. Maganda raw kasi ang style ni Goma sa contestants na babae na niyayakap at hinahalikan niya.

Ano ang masasabi ni Goma rito?

"I'm sure si Dingdong will develop his own style in time. It's a matter of getting used to it. Ako rin naman, nung mga first few weeks sa Family Feud, medyo nangangapa. Pero nung makuha ko yung feel niya, tuluy-tuloy na, na-develop. I'm sure Dingdong will be the same," saad niya.

CHRISTMAS WISH. Since malapit na ang Christmas at tatakbo nga si Richard bilang congressman, ano ang wish niya para sa bansa?

"Pangit na experience yung nangyari sa atin sa Maguindanao [massacre], e. We really hope and pray na matapos na ang pangyayaring yun doon at huwag nang mangyari sa ibang lugar. Kasi pag minsan, pag ganoon ang nangyari, laging mangyayari. This coming election, baka maging mas madugo. Lulubog na talaga tayo, e," pangamba niya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ano naman ang Christmas wish o Christmas gift na gusto niyang matanggap sa Pasko?

"Gusto ko, bigyan ako ng regalo ni Lucy ng baby. Ang tagal, e. Naiinip na ako. Itong buong week na ito, 'yan ang ipagdarasal ko. 'Yan ang Christmas gift na hinihingi ko sa Panginoon. Pero, siyempre, huwag lang puro dasal, dapat may gawa rin!" tawa ni Richard.

Sa loob kasi ng 11 years na pagsasama nina Richard at Lucy bilang mag-asawa ay iisa pa lang ang anak nila, si Juliana na ngayon ay nine years old na.

Pero, di ba, ayaw ni Juliana na magkaroon ng kapatid?

"Yun nga ang lagi niyang sinasabi na ayaw niya. Sabi ko, 'Hoy, hindi mo pa nae-experience na may kapatid. Masarap ang may kapatid.'"

Ano ang reaksiyon ni Juliana pag sinasabi niya yun?

"Umiiling lang siya," nakangiting sagot ni Goma. "Pero ako, nakikita ko naman pag nandito sa bahay yung mga anak ng relatives namin, yung mga anak ng mga kaibigan namin, masaya naman siya. Nilalaro naman niya yung mga bata."

Paano niya dinidisplina si Juliana?

"Katulad pa rin ng dati. Sa akin naman, sinasabi ko sa kanya, 'Basta eto yung mga hindi mo puwedeng gawin. Pag binreyk mo yung rules natin, grounded ka.' So, may punishment lagi," sabi ni Goma.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN