Rufa Mae Quinto does not want to meddle in Manny Pacquiao-Krista Ranillo controversy

IMAGE 0


"Mahirap talaga kasi lahat sila kasama mo. So, kahit biruan, mahirap... Ayoko kasi, baka... Hindi ko alam ang pinagdadaanan nila. I will play safe talaga. Pang-pamilya 'yan, e. Walang koneksiyon sa role ko, sa trabaho ko, ang issue about other people, di ba?" says Rufa Mae Quinto when asked to comment about the rumored affair of her Wapakman co-stars Manny Pacquiao and Krista Ranillo.


Naidadaan pa rin ni Rufa Mae Quinto sa biro ang mga sagot kapag kinukuhanan siya ng reaksiyon tungkol sa kontrobersiya sa pagitan ng co-stars niya sa Wapakman na sina Manny Pacquiao at Krista Ranillo.

"Tinatanong nga ako diyan, kaya sabi ko, 'Puwede bang magkaroon ng Team P-chi [palayaw niya]?" natatawang sabi ni Rufa Mae sa presscon para sa kanya ng Viva Artists Agency (VAA) kahapon, December 10.

Gusto niya bang magkaroon ng "Team P-chi"?

"Wala lang... for the sake na ano lang... Parang siyempre, wala kang papanigan. Wala ka na lang comment sa mga ganyan," palusot niya.

Sa palagay ba niya ay makakatulong ang controversy na ito sa co-stars niyang sina Manny at Krista sa box-office result ng Wapakman?

"Hindi ko pa naisip, pero definitely, maganda yung movie at yun ang importante sa akin," sagot ni Rufa Mae.

Si Rufa Mae talaga ang leading lady ni Manny sa Wapakman dahil siya ang asawa sa movie. Pero tila mas natutuon ang atensiyon ng publiko kay Krista dahil sa pagkaka-link nito kay Pacman. Ano ang masasabi niya rito?

"Yun nga ang dyino-joke ko, so ako pala si Jinkee rito? Hindi... bilang ano naman, bilang yun... asawa nga!" natatawang biro niya.

Dagdag ni Rufa Mae, "Wala namang problema sa akin. Siyempre, naging conscious at careful ako kasi siyempre, ayoko namang may masabi pa. So, yun, parang friends-friends. Kaibigan ko na rin si Manny, matagal ko na siyang kasama."

Na-link din sila ni Manny before, pero hindi naman sila nagkaroon ng ganito kalaking isyu ni Jinkee. Bakit kaya?

"Hindi naman talaga ako na-link kay Manny," diin ni Rufa Mae. "Parang bulung-bulungan lang, siguro nga dahil dito sa aming pelikula. Tapos, nanood ako ng fight niya last May. Pero kaibigan kami at masaya kami na magkatrabaho. Ganun, yun ang relationship namin ni Manny Pacquiao."

Ano naman ang masasabi niya kay Krista sa isyung ito?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Ang hirap magpa-involve, e. Parang gusto ko na lang respetuhin ang mga kasamahan mo. Baka mamaya kahit pa-joke, may masabi pa, di ba?" iwas niya.

Pero kung siya ang tatanungin, Team Jinkee o Team Krista ba siya?

"Magbubuo nga ako ng sarili kong team. Are you with me?" natatawang sabi ni Rufa Mae.

Sa seryosong tono, sabi niya, "Mahirap talaga kasi lahat sila kasama mo. So, kahit biruan, mahirap... Ayoko kasi, baka... Hindi ko alam ang pinagdadaanan nila. I will play safe talaga. Pang-pamilya 'yan, e. Walang koneksiyon sa role ko, sa trabaho ko, ang issue about other people, di ba?"

Bilang babae, may simpatiya ba siya para kay Krista?

"Well, ang masasabi ko, she's cute," sagot ni Rufa Mae, na ikinatawa ng PEP (Philippine Entertainment Portal) at iba pang entertainment press na nag-i-interview sa kanya.

"Alam niyo, parang pinipilit niyo akong may masabi pa, e!" tawa naman ng comedienne. "Well, sa tingin ko, mukha naman siyang magaling dito sa Wapakman. Hindi ko siya nakita sa shoot, pero nakikita ko ang trailer. Hindi ko alam, e, hindi ko talaga alam."

Hindi raw kasi sila halos nag-aabot ni Krista kapag may shooting. Kahit daw nang mag-resume ang shooting ng Wapakman nang dumating si Krista ay hindi raw siya kasama.

Nakarating din daw kay Rufa Mae ang insidente na diumano'y inalis ang mga gamit ng co-star din nilang si Bianca King sa tent nila ni Krista sa shooting ng Wapakman. Pero hindi pa rin daw siya makakapag-comment dito dahil hindi pa naman niya nakakausap si Bianca hinggil sa bagay na ito.

Ayon sa balita, hindi naman si Krista ang nagtanggal ng mga gamit ni Bianca sa tent kundi ang tiyahin ni Krista na si Suzette Ranillo. Nag-apologize na raw si Krista kay Bianca dahil hindi raw niya alam ang nangyari. Ipapakausap din daw sana ni Krista ang Tita Suzette niya kay Bianca para humingi ng dispensa, pero nakaalis na raw ito.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

MYSTERY BOYFRIEND. Simula nang aminin ni Rufa Mae na masaya siya sa kanyang non-showbiz boyfriend—na sinasabi niyang rason kung bakit magse-settle down na siya at magla-lie low sa kanyang career—hanggang ngayon ay nananatili pa ring sikreto at wala pa ring nakakaalam ng identity ng lalakeng ito. Tuloy, may nagsasabing baka "imaginary boyfriend" lang daw ito ni Rufa Mae.

Ano ang reaksiyon dito ni Rufa Mae?

"Tinanong nga sa akin 'yan kagabi [Dec. 9]. Siyempre, natawa ako. Sabi ko, 'Kung imaginary 'yan, at least, nai-imagine niyo siya!'" natatawa niyang sabi.

Pero dugtong niya, "Hindi... Siyempre, parang this time, gusto ko lang maging pang-personal yun... muna. Kasi buong buhay ko, di ba, mas napag-uusapan yung mga ganung bagay? Parang mas gusto kong pag-usapan natin kung ano ang ginagawa ko—yung mga awards, album ko, kung ano ginagawa ko sa career ko."

Napag-uusapan na rin ang kasal niya. Pero ayon kay Rufa Mae, hindi pa siguro mangyayari yun early next year. Binanggit pa niya ang mga aktibidades niya kung kaya't malabo raw siyang maikasal sa mga unang buwan ng 2010.

"Sa end of January, lalabas na ang FHM. Then, February, yung album ko. Sa March naman, graduation ng mga kapatid ko... Kailangan suportahan ko yun!" natatawa niyang sabi.

Dagdag niya, "Sa April, Holy Week. May, birthday ko naman. E, May 28 ako... So, siguro, after na nun [ang kasal]."

Pero may preparation na ba siya for the wedding?

"Meron na... sa Cebu... Kasi, parang nagpunta kami dun, nagbakasyon at nag-enjoy kami. So, baka ganun... basta isa yun sa option."

Kailan ba niya ito ipapakilala?

"Yung hindi planado... yung nandiyan siya... Kasi ang hirap, e. Nakakapagod na pag-usapan yung wala rito, beside you."

Kung noon ay very open si Rufa Mae pagdating sa kanyang lovelife, bakit ngayon ay very secretive siya?

"E, kasi, napagod din ako sa kaka-share. So, para wala nang involved, ako na lang," paliwanag niya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Happy naman siya?

"Oo naman, super-happy kami. Parang this time lang, gusto ko munang sarilinin."

Natawa naman ang mga entertainment press kay Rufa Mae when asked kung ang boyfriend ba niya ay isang negosyante or politician. Aniya, "Jack of all trades!"

Dagdag niya, "Pinoy na may halo rin na Kapampangan din."

Kahit daw ang mga kasamahan niya sa Showbiz Central ay hindi pa rin daw nami-meet ang kanyang non-showbiz boyfriend.

"Hindi pa... Dapat one time, kaya lang, kung saan-saan kami napunta. Pero meron naman nang mga naka-meet sa kanya, mga close friends."

Gaano na sila katagal?

"Matagal na 'to. Di ba, dati pa, dati pa kaming magkakilala?" aniya.

Parang binawi niya ang sinabi niya noong lie-low na siya sa showbiz dahil magse-settle down na siya?

"Well, unang-una sa lahat, hindi naman talaga kailangang sabihin yun. Na-excite lang ako masyado," sabi niya.

RUDY HATFIELD. Hindi naman daw siya nagulat sa magandang nangyari sa dating boyfriend niya na si Rudy Hatfield. Sa pagkakakilala raw kasi niya ay alam niyang mabuting tao talaga ito.

"Mabait naman siya ever since. I'm happy for him kahit ano naman ang maging career path niya. Yun nga lang, wala na lang talaga kaming communication ngayon, pero siyempre happy ako for him," nakangiting sabi ni Rufa Mae.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN