Mart Escudero shrugs off rumor linking ex-girlfriend Jennica Garcia to Rayver Cruz

IMAGE 0


"Wala naman akong dapat ipagselos. Alam ko naman ang mga nangyayari. Siyempre, itong showbiz, alam naman natin na may mabalita lang na ganito, sasabihin nila ganyan. Sanay na 'ko," says Mart Escudero (in photo) about rumors linking ex-girlfriend Jennica Garcia to Kapamilya star Rayver Cruz.


Hindi itinatanggi ni Mart Escudero na pagkatapos nilang mag-break noon ni Jennica Garcia ay sinubukan niyang muling ligawan ang dating girlfriend.

"Pareho naman naming sinubukan, pero yun nga, hindi na rin siguro kinaya, or mas maraming ibang bagay na importante na mas dapat unahin. Ganun yung nangyari," sabi ni Mart nang makausap siya ng PEP sa press conference ng Shake Rattle and Roll XI last Sunday, December 13.

Pero noong sinubukan ba niyang ibalik yung dati nilang samahan ay tinanggap ito ni Jennica o hindi na siya nito binigyan ng pagkakataon?

"Siyempre, tinanggap niya. Wala namang negatibo sa aming dalawa. Maayos naman siya," sagot ni Mart.

Ano ang pakiramdam niya na magkasama at magkatabi sila ni Jennica, tulad na lang noong presscon?

"Okay naman, wala namang bago. Matagal namang nangyayari ang mga ganito. Okey naman, masaya pa rin," sabi niya.

Pero inamin ni Mart na magiging plastic siya kung sasabihin niyang wala na siyang nararamdaman para kay Jennica.

"Siyempre, nandoon pa rin yun, pero siguro hanggang dun na lang yun. Yung pagkakataon noon, hindi ko naman sinayang. Pero kung hindi naman ipagkakaloob ng Diyos, nandiyan na yun, Siya na ang bahala sa amin."

Marami raw siyang nami-miss sa ex-girlfriend ngayong wala na sila.

"Kukulangin tayo ng limang oras!" natatawang sabi ni Mart. "Hindi, marami... marami. Siyempre, malambing siya, mabait, maasikaso. Siyempre, sa mga araw na ako lang mag-isa, parang yun lang ang hinahanap-hanap ko."

JENNICA & RAYVER? Pareho sila ni Jennica na consistent sa pagtangging magsabi ng real reason kung bakit sila nag-break. Pero ayon kay Mart, definitely raw ay walang third party involved. Kaso, may isyung nanliligaw o may namamagitan kina Jennica at sa Kapamilya talent na si Rayver Cruz, na kasama rin nila sa Shake, Rattle & Roll XI.

Ano ang reaksiyon niya rito? Nagseselos ba siya?

"Hindi, kasi... 'saka wala naman akong dapat ipagselos. Alam ko naman ang mga nangyayari. Siyempre, itong showbiz, alam naman natin na may mabalita lang na ganito, sasabihin nila ganyan. Sanay na 'ko," ani Mart.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sa palagay ba niya ay hindi totoo yung kina Jennica at Rayver?

"Mabuting kaibigan ko si Rayver. Kilala ko siya. At saka magkakasama kami sa isang location, so alam ko ang mga nangyayari. Yung mga balitang ganun, alam ko kung ano ang totoo."

Kung sakaling manligaw si Rayver kay Jennica, magseselos ba siya?

"Wala akong karapatan, siyempre!" natatawa niyang sabi. "Pero ewan ko... hindi ko masabi. Hindi naman nangyayari."

Siya ba, nanliligaw na ng iba o nakikipag-date na sa iba?

"Ako naman, hindi ko naman kailangan. Ako naman ang taong kuntento na sa kung ano ang meron ako. Hindi naman ako yung maghahanap ng kapalit kahit kaka-break lang. Hindi naman ako ganun."

GREATEST LOVE. Naka-move on na ba siya from his breakup with Jennica?

"Hindi ko alam kung ano ang ibig sabihin niyan... Ewan ko ha, half-half siguro. Ginagawa ko na lang busy ang sarili ko sa maraming bagay," sabi niya.

Iniyakan din ba niya ang naging breakup nila?

"Siguro... Hindi naman mawawala yun, lampas [isang] taon kami. Parang nasa katawan mo na yun kasi," sabi niya.

Ngayong wala na sila, may message ba siya for Jennica?

"Well, siguro po tulad lang ng dati na huwag siyang magpapabaya sa sarili. At saka siyempre, hindi na tulad ng dati na nasa tabi niya ako dati na, 'Mali ang ginagawa mo.' Ngayon, wala nang Mart na magsasabi sa kanya kung ano ang tama, kung ano ang mali. Parang you're on your own.

"Parang ikaw na ang bahala sa sarili mo na makatuklas kung ano ang tama sa kung ano ang mali. At saka sana naman, huwag siyang malilihis sa tamang landas. Although palagi naman akong nagdarasal na sana bantayan siya ng Diyos. Siya na muna ang bahala kasi nga wala ako," pahayag ni Mart, na katabi lang si Jennica habang nagsasalita.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sa palagay ba niya ay may chance pa ulit silang magkabalikan?

"Hindi natin masasabi 'yan. Kasi mahaba pa naman ang buhay. Lahat puwedeng mangyari. Pero hindi ko pa naman sinasabi na ayoko na, tapos na."

Marami naman ang nagulat nang tahasang aminin ni Mart na "greatest love" niya si Jennica.

"Oo, e, masasabi ko. Siguro kasi with Jen, lahat ng pinapangarap ko sa magiging girlfriend, natupad," sambit ni Mart, na 19 years old pa lang.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN