Kim Chiu insists Gerald Anderson is not yet her "dyowa"

IMAGE 0


"Wala sa amin yung, 'Oy, dyowa ko na yun, bawal mo na siyang ganyanan.' Tapos yung pagbabawalan ka, 'Uy, bawal pumunta sa ganito, ganyan, hindi puwede. Bawal sumama kay ganyan kasi hindi puwede.' Di ba, ganun naman talaga ang mag-dyowa? Kami ni Gerald, hindi kami ganoon kasi hindi nga kami mag-dyowa," says Kim Chiu about the status of her relationship with Gerald Anderson.


Muling pinatunayan nina Kim Chiu at Gerald Anderson ang lakas ng tambalan nila dahil malakas sa takilya ang latest movie nila mula sa Star Cinema, Paano Na Kaya?. Ayon sa Star Cinema, kumita raw ng P12 million ang pelikula ng dalawa sa first day pa lang nito.

Masaya siyempre si Kim sa tagumpay ng pelikula nila ni Gerald.

"Nagpapasalamat ako sa lahat ng nanood ng movie namin ni Gerald, lalo na sa Kimeralds [fan club]. Masaya ako dahil sa lahat ng efforts na ginagawa namin ay nabibigyan siya ng sukli. Natutuwa kami sa reaction ng mga tao," sabi ni Kim nang makausap siya ng PEP (Philippine Entertainment Portal) noong Linggo, January 31, pagkatapos ng ASAP XV.

Sikat na nga ang loveteam nina Kim at Gerald. Halos lahat ng proyektong kanilang ginagawa ay nagiging tagumpay. Ang huling serye na ginawa nila sa ABS-CBN, Tayong Dalawa, ay naging matagumpay rin noong nasa ere pa ito. Maganda rin ang pagtanggap ng mga manonood sa bago nilang primetime series na Kung Tayo'y Magkakalayo. Dahil dito, may mga nagsasabing naka-"three in a row" na raw sina Kim at Gerald.

Ano ang masasabi ni Kim tungkol dito?

"Oo nga, e. Kaya nga linggo-linggo ay nagsisimba na talaga kami ni Gerald. Kailangan na talaga naming magsimba dahil naku, baka..." tawa ni Kim, na ang ibig sabihin ay baka bawiin ang kung anumang biyayang tinatanggap nila ngayon.

Masasabi ba niya na narating na ng loveteam nila ang peak ng kasikatan?

"Hindi po! Hindi!" mariing sagot niya. "Pero thankful na ako sa lahat ng nangyayari sa loveteam namin. Kuntento na rin ako sa naabot namin ngayon. Pero siyempre, hindi ko pa rin masasabi na ito na ang pinaka-the best. Alam namin na mayroon pang darating na mas sa aming dalawa."


KIMERALD VS. ALKRIS. Kung sa ABS-CBN ay ang loveteam nina Kim at Gerald ang itinuturing na pinakasikat na tambalan. Sa GMA-7 naman ay ang loveteam nina Aljur Abrenica at Kris Bernal ang sinasabing pinakasikat at itinatapat sa kanila. Ano ang masasabi ni Kim?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Kami, nagpapasalamat na lang dahil ang dami naming supporters, like mga Kimeralds. Dumarami nga sila ngayon, e. May bagong grupo nga ngayon, e, solid Kimeralds. Dumarami ang inspirasyon namin. Hindi namin iniisip na may kumpitensiya, may kalaban kami na loveteam, ganoon," saad niya.

Pero may nagsasabi na malayo na ang agwat ng loveteam nila ni Gerald kunpara sa tambalan nina Aljur at Kris kung kasikatan lang din ang pag-uusapan. Sang-ayon ba si Kim dito?

"Hindi naman malayo," sabi niya. "Nauna lang kami sa kanila. Pero mararating din nila yun. Marami rin naman silang followers, di ba? Dun nga sa Bench fashion show, sinisigawan sila."

Parehong galing sa reality shows ang apat na young stars. Sina Kim at Gerald ay galing sa unang season ng Pinoy Big Brother Teen Edition samantalang sina Aljur at Kris naman ay mga produkto ng StarStruck 4.

MORE THAN MU? Kapwa umamin sina Kim at Gerald na may mutual understanding na sila. Pero marami pa rin ang nagdududa na hindi lang sila basta mag-MU. May commitment na raw sila, pero ayaw lang daw nilang umamin dahil baka mawalan ng excitement sa kanila ang kanilang fans.

"Hindi naman. Hindi naman namin iniisip yun," tanggi ni Kim. "Kahit naman iba-iba ang gawin namin, pag kami, sasabihin naman namin. Pero masaya naman kami sa ganito. Lahat naman ng kuwento ng buhay namin ikinukuwento na namin sa lahat. Eto, sinasabi na rin namin na mag-MU kami, ganyan, ganyan."

Di ba, pag sinabing may mutual undestanding na, ang ibig sabihin ay parang sila na rin?

"Parang ganoon," pagsang-ayon ni Kim. "Pero walang kung anuman. Walang commitment. Wala sa amin yung, 'Oy, dyowa ko na yun, bawal mo na siyang ganyanan.' Tapos yung pagbabawalan ka, 'Uy, bawal pumunta sa ganito, ganyan, hindi puwede. Bawal sumama kay ganyan kasi hindi puwede.' Di ba, ganun naman talaga ang mag-dyowa? Kami ni Gerald, hindi kami ganoon kasi hindi nga kami mag-dyowa."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

So, puwede pang tumingin o manligaw sa ibang babae si Gerald?

"Oo naman. Choice naman niya yun, e," sagot ni Kim.

Pero aminado naman si Kim na kung manliligaw sa iba si Gerald ay malulungkot siya. "Pero bahala na siya," sambit niya.

Puwede pa ba siyang tumanggap ng ibang manliligaw?

"Oo naman," sagot ni Kim.

Pero mahal ba niya si Gerald?

"Espesyal sa akin si Gerald. Sa lahat ng mga kaibigan kong lalake dito sa showbiz, siya ang pinaka-the-best," sabi ni Kim.

Kung sakaling ready na siya ulit makipag-boyfriend, masasabi ba niyang si Gerald na ito?

"Kung makakapaghintay pa siya ng matagal na matagal. Sabi naman niya maghihintay siya, di ba?"


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN