FIRST READ ON PEP: John Lloyd Cruz and Shaina Magdayao spotted shopping together

IMAGE 0


These are photos submitted to PEP by PEPster "shyspy" of rumored couple Shaina Magdayao and John Lloyd Cruz in a bike store in Makati City.


Mula sa isang PEPster, na nagpakilala sa PEPster I.D. na "shyspy," ay nakatanggap ang PEP (Philippine Entertainment Portal) ng dalawang litratong nagpapakita kina Shaina Magdayao at John Lloyd Cruz na magkasama.

Ayon sa PEPster, nakunan ang litrato noong Sabadong nakaraan, Pebrero 6, sa isang bike store sa Makati City. Bumibili raw ng bicycle parts si John Lloyd noon. Si Shaina naman ay mukhang sinamahan lang ang aktor sapagkat wala namang nakitang binibili ito.

Nagpakuha pa ng litrato sina Shaina at Lloydie kasama ang isang fan (inset). Tinanggal lang ni shyspy ang fan sa litrato dahil private person daw ito at baka mas shy pa ito kay shyspy.

Ayon kay shyspy, nakuha niya ang mga litrato mula sa isang "superclose friend" niya, na nagkataong naroon din sa bike store at siya mismong nag-click ng camera. Sa aming pananaliksik, ang bike store ay ang Sabak Sports and Adventure Store.

BAKIT HOT ANG LITRATONG ITO? Si John Lloyd kasi ay lumalabas na Box Office King ngayon ng Star Cinema, ang film arm ng ABS-CBN. Ang pinakamalaking pelikula ng Star Cinema noong 2008 ay ang A Very Special Love (P180 million gross, sabi mismo ng film outfit at ng co-producer Viva Films), kung saan ang leading man ay si John Lloyd Cruz. Noon namang 2009, ang pinakamalaking pelikula nito ay ang You Changed My Life (P240 million ayon pa rin sa Star Cinema at co-producer Viva Films), kung saan si John Lloyd na naman ang male lead.

Ang You Changed My Life nga raw, sabi ng Wikipedia, ay ang unang Filipino movie na naka-break sa P200million barrier. Kaya walang pasubali, importanteng star si John Lloyd.

Sa gayo'y inaabangan ang mga kaganapan sa buhay ng binata—na mukhang makulay nga. Hindi pa man natatapos ang three-year relationship nito with top stylist Liz Uy, na-link ito sa dating beauty queen, actress at TV host na si Ruffa Gutierrez, na kaibigan ni Liz at kapatid ng barkada ni Liz na si Raymond Gutierrez.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Nakunan pa sina Ruffa at John Lloyd na papasok sa isang Beverly Hills hotel bandang June 22, 2009, na unang lumabas sa PEP noong June 30. Inamin din sa TV ni Ruffa na sila nga ang nasa litrato; si John Lloyd ay hindi naringgan ng pahayag.

Matapos ng mga walong buwan, nabalita namang wala na ang aktor at si Ruffa, at na-link naman ang aktor sa isang non-showbiz girl. Ngunit di naglaon, mas naging maingay ang balitang nagugustuhan ni John Lloyd ang batang aktres na si Shaina Magdayao, na nagkataong kabi-break lang sa boyfriend nitong si John Prats. Dahil nagtagal din ng two years sina Shaina at John Prats, nagkaroon ng haka-hakang ang naging third party sa kanila ay si John Lloyd. Nagkataon pa, ang tatlong stars ay mina-manage ng iisang outfit, ang Star Magic.

Ngunit tigas-tanggi sina Shaina at John Lloyd na sila na ngayon at na may kinalaman si Lloydie sa breakup nina Shaina at John Prats. Sa magkahiwalay na appearances sa iisang episode ng The Buzz, nagsalita sina Shaina at Lloydie.

John Lloyd (Feb. 7): "From my end, as far as I know and as far as I'm concerned, talagang wala po tayong kinalaman. And my being friends with Shaina now has nothing to do with their breakup. Alam ni Shaina iyon, alam ni John iyon. Wag na sanang i-push ang isyu."

Shaina (Feb. 7): "Walang third party."

Ang interview na ito ni Shaina, ayon kay PEPster shyspy, ang siyang nagtulak sa kanyang i-email sa PEP ang nakalap niyang mga litrato nina Shaina at Lloydie. Ang mga ito raw ay patunay na meron ngang "something" sa pagitan ng dalawang Kapamilya stars.

Gusto namang magpasintabi ng PEP, na kung meron mang "something" sa dalawa ngayon, hindi automatic na si Lloydie ang dahilan ng breakup nina Shaina at John Prats. Kapani-paniwala rin naman kasing nag-break up na sina Shaina at John Prats bago pa pumasok si Lloydie sa buhay ni Shaina.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ngunit para matapos ang mga sapantaha, agad na kinontak ng PEP ang PR ng Star Magic na si Thess Gubi, upang hingan ng pahayag ito. Ayon naman kay Ms. Thess, wala pa silang nakukumpirma kina Shaina at Lloydie, although nagde-date daw ang dalawang artista "in groups." Babalikan na lamang daw niya ang PEP kapag may sasabihin na sila tungkol sa two young stars.

Sa obserbasyon naman ng ilang showbiz insiders, hindi magugustuhan ng Star Cinema ang paglabas-labas ng mga tsismis tungkol kina Shaina at John Lloyd sa ganitong panahong prino-promote ang John Lloyd at Bea Alonzo starrer na Miss You Like Crazy. Palabas na ang latest Star Cinema offering sa Pebrero 24.

Noong Pebrero 8, sa press conference ng Rubi—ang bagong teleserye sa ABS-CBN na pinangungunahan nina Angelica Panganiban at Shaina Magdayao—sinagot muli ni Shaina ang makulit na tanong ng press tungkol sa kanila ni Lloydie.

Sabi ng young actress, na dating mas kilala bilang kapatid ni Vina Morales, "Hindi totoo, walang third party. Nahihiya ako kay John Lloyd, wala siyang kinalaman. Nag-sorry na ako sa kanya. Nagso-sorry din ako kay Denise [Laurel], dahil pati siya nadadamay." (Si Denise, na hawak ng talent manager na si Arnold Vegafria, ay na-link naman kay John Prats.)

Sa kasalukuyan, hinihintay ng PEP ang statement na manggagaling kay Thess Gubi ng Star Magic. Samantala, ang mga litratong narito ay simple lang naman: sinasabi lang ng mga ito na nagsabay sa isang bike store ang good-looking young stars na sina John Lloyd, 26, at Shaina Magdayao, 20.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN