Eugene Domingo on network hopping: "Ako ay hindi naniniwalang ang tumatawid ay nakamamatay!"

IMAGE 0


"Sa dami naman ng mga biyayang ibinibigay sa akin, kalabisan na kung humingi pa ako ng iba pa rito. So, yun nga ang sinasabi ko na kung hindi pa panahon na magkaroon ako ng dyowa, yung nakakausap mo sa gabi, iba naman ang araw mo. Sawang-sawa na kasi akong kausapin ang sarili ko at reypin ang sarili ko!" says comedienne Eugene Domingo.


Nagiging masaya talaga ang kahit na anong interview kapag nandun ang comedienne na si Eugene Domingo. Gaya na lamang sa press conference ng pelikulang Here Comes The Bride ng Star Cinema, Quantum Film, at OctoArts Films na ginanap kahapon, April 29, sa Dolphy Theater ng ABS-CBN.

Tinanong ang buong cast ng movie na kinabibilangan nina Eugene, Angelica Panganiban, Tuesday Vargas, at John "Sweet" Lapus kung binalak ba nilang makasal.

Ito ang sagot ni Uge (palayaw ni Eugene): "Kung sa balak at balak din lang, matagal ko nang binalak. So, baka malapit na akong sumuko. Baka 2011, balakin ko ulit. Siguro magpapa-stage na lang ako ng kasal. Kukuha ako ng talent. Parang shooting talaga!

"Nagpapasalamat nga ako at nagkakaroon ako ng mga eksenang ganito at kahit paano, natutupad ang mga pangyayari. So, salamat sa mga shooting at nae-experience ko yun!" natatawa rin niyang sabi.

Pero nandun pa rin naman ang hope niyang makakasal siya one day?

"Siguro naman, habang may buhay, habang may shooting, may pag-asa," biro ng komedyana.

NETWORK HOPPING. Karamihan ng TV shows ni Eugene ay nasa GMA-7. Pero dahil sa Here Comes The Bride—na co-produced ng Star Cinema, ang film arm ng ABS-CBN—ay muli siyang nakabalik sa Kapamilya network. Pero ani Uge, walang pinagbago sa kanya kung Kapamilya o Kapuso man siya.

"Ako, tuwing pumapasok ako dito sa ABS, ang sinasabi nilang Kapamilya, totoo yun. Ang pakiramdam ko agad, nakikipag-reunion ka at um-attend ka ng special occasion. So, walang nagbago.

"Ang mga kaibigan ko dito, kaibigan ko pa rin. Mas lalo ko pang naging kaibigan. Kasi, di ba, kapag naghihiwalay kayo, dun mo nararamdaman kung ano ang timbang? So, in general, ako talaga, kahit sa pamilya namin, mahilig akong umalis. Umaalis, bumabalik.

"So, ang Kapamilya ko, kapamilya pa rin. Ang Kapuso ko, kapusuan pa rin. Ang mga Kapatid ko, kapatid pa rin. Ako ay hindi naniniwalang ang tumatawid ay nakamamatay!" sabi ni Uge na ikinatawa ng PEP (Philippine Entertainment Portal) at iba pang entertainment press sa loob ng Dolphy Theater.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

SINGLE BUT HAPPY. Open naman si Uge sa katotohanang single pa rin siya hanggang ngayon. Pero hindi raw nangangahulugang hindi siya masaya.

"Natutuwa ako. Ang puso naman, hindi naman dahil meron kang pag-ibig or iniibig. Ang puso rin, kung ikaw ay inspired, I am very inspired. Yung mga taong lumalapit sa akin at nagsasabing, 'Natatanggal ang pagod namin, pinapasaya mo kami,' yun, nakakataba ng puso ko.

"Sa dami naman ng mga biyayang ibinibigay sa akin, kalabisan na kung humingi pa ako ng iba pa rito. So, yun nga ang sinasabi ko na kung hindi pa panahon na magkaroon ako ng dyowa, yung nakakausap mo sa gabi, iba naman ang araw mo. Sawang-sawa na kasi akong kausapin ang sarili ko at reypin ang sarili ko!" biro pa rin niya.

Pero bawi ni Uge, "Kung hindi muna dumating ang panahon na yun, ngayon muna or kahit kailan, masaya na rin ako na nabigyan ako ng chance na umabot ako sa ganitong estado bilang artista."

Ano naman ang nakakapagpaalis ng pagod niya?

"Yung mga tseke ko, kapag nakikita ko, nawawala ang pagod ko!" hirit niya. "Pero hindi, sa totoo lang, yung mga taong lumalapit sa 'yo, lalo na yung mga nagpo-post ng kanilang comments sa Facebook at sinasabing nasa malalayong lugar sila sa buong mundo. 'Nanonood kami ng pelikula mo, pinapaligaya mo kami, nawawala ang lungkot namin kasi malayo kami sa Pilipinas...' Naku, salamat po, salamat po."

FUTURE FILM PRODUCER. Para kay Uge, matatalino na ang mga artista ngayon at marunong nang mag-ipon at hindi na waldas nang waldas ng kinikita nila. On her part, nag-iipon daw siya dahil posibleng in the future, pasukin din niya ang pagpo-produce ng pelikula.

Natawa naman si Uge nang may magsabing tatapatan pala niya si Mother Lily Monteverde ng Regal Entertainment.

"Mother Lily talaga?" tawa niya. "Institusyon na yun. Baka unahin ko munang tapatan itong si Atty. Joji Alonso [isa sa producers ng Here Comes The Bride]. Kasi, masarap mag-produce dahil buong-buo ang creative process. Lahat, marketing, promotion...gusto kong ma-experience yun. At katulad ng na-experience ko sa Spring Films. Nakakatulong ka, e, sa may mga pangarap."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Kung sakali at matuloy siyang mag-produce, sino ang naiisip niyang bigyan ng pagkakataon?

"Hay naku, marami!" bulalas ni Uge. "Maganda ang tanong, pero parang gusto ko munang pag-isipan sandali... Ah, alam mo, gusto kong bigyan ng launching [movie] si John Lapus. Because ang dami...ilang taon na rin siyang supporting at napakahusay niyang supporting actor. Gusto ko siyang ma-launch. Sana makaipon talaga ako."

Kailan pumasok sa kanya ang idea na mag-produce in the future?

"Parang natural sa akin. Kasi yun nga, pakialamera ako. Atsaka yung malasakit ko sa producer, malasakit ko sa... Hindi lang kasi sarili ko iniisip ko, gusto ko, buong project, nagtatagumpay. Baka ganun siguro. Isang quality ng producer, lahat dinidetalye, lahat nakikita. So, malay ninyo, di ba, balang-araw makapag-produce ako."

WORKING GIRLS. Sa pelikulang Working Girls na palabas pa rin sa mga sinehan, si Uge ang na-single out sa all-female cast na nagdala raw ng pelikula. Posible kayang ganun din ang kalabasan ng performance niya rito sa Here Comes The Bride?

"Naku, naku, sa Working Girls naman, sa akin talaga, bilang artista, sinusunod ko lang ang sinasabi ng director at nakasulat sa script because the actors can only do so much. Kung ano ang nakasulat at sinabi ng director, yun ang lalabas.

"Dito naman, buong-buo ang effort ng grupo. Lahat kami nagtulungan. Lahat kami, natatawa sa isa't isa," sabi niya.

Biro namin kay Uge, hindi kaya nape-pressure na ang mga artistang makakatrabaho niya dahil sa ipinapakita niyang husay sa pag-arte?

"Hindi, hindi totoo 'yan!" tanggi niya. "Hindi sila nape-pressure. Dito talaga, proyekto. Yung buong pelikula, buong-buo, hindi mo maiisantabi yung si ganito, si ganyan. It's a crazy movie in this crazy planet."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN