Diva Montelaba: "Nagbago po ako, pero hindi totoong lumaki na ang ulo ko."

IMAGE 0


"Gusto ko pong kumita ng malaki, gusto kong yumaman. Gusto ko pong patunayan na kaya kong buhayin ang sarili ko at gusto ko ring matulungan ang Mama ko dahil may sarili na rin siyang pamilya, at ang lola ko nga," says Diva Montelaba.


Isa sa intrigang ipinupukol ngayon sa StarStruck V First Princess na si Diva Montelaba ay nagbago na raw siya. Kaya ito ang unang itinanong sa kanya ng PEP (Philippine Entertainment Portal) at iba pang piling press sa pocket interview na ibinigay ng GMA Artist Center para sa kanya sa Souvenir Room ng GMA Network Center Annex last Monday, May 24.

Nagbago na nga ba ang Cebuana beauty?

"Siguro po, nagbago na nga ako," pag-amin ni Diva. "Nagbago po ako, pero hindi totoong lumaki na ang ulo ko, na part yata ng paninira sa akin ng mga friends ko from Cebu. Siguro po dahil hindi na ako tulad ng dati, na konting intriga, umiiyak na ako. Ngayon, hindi na ako umiiyak, lumalaban na ako, ipinagtatanggol ko na ang sarili ko.

"Yes, nagbago na po ako. Mas maputi na ako ngayon!" biro niya. "Hindi po ganito ang kulay ko noong dumating ako ng Manila from Cebu. Yes, nagpapa-body scrub po ako."

Sabi naman ng mga kaharap ni Diva, tama lang 'yon at pinuri nila ang pantay na kulay at pinong skin ng dalaga.

BUSY EVEN WITHOUT MANY PROJECTS. More than three months na mula nang ganapin ang grand finals ng StarStruck V. Sa ngayon, maliban sa Party Pilipinas, wala pa siyang ibang regular show. Hindi ba siya naiinip na wala siyang masyadong ginagawa?

"Hindi naman po," sagot ni Diva. "Dahil ang totoo, busy rin po ako, kami ng mga kasama ko sa StarStruck V, dahil sa workshops namin. Kahit po ang rehearsals namin sa Party Pilipinas, inaabot din po ng three days hanggang sa actual show ng Sunday."

Paano ang gastos niya, nakakaya ba naman ito ng suweldo niya?

"Opo," sagot ni Diva. "Nakatira po kami ng Mama ko sa isang apartment sa Quezon City. Bale P11,000 po 'yon plus tubig at kuryente. May mga TV guestings naman po ako at out-of-town shows. Kung minsan nga, nakakapagpadala pa ako sa lola ko sa Cebu para makatulong naman ako sa kanya. May sakit po siya. Baka papuntahin ko siya dito para maipa-checkup kung may breast cancer siya."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ano ang balak niyang gawin ngayong heto na at tuluy-tuloy na ang pagpasok niya sa showbiz?

"Gusto ko pong kumita ng malaki, gusto kong yumaman," seryosong sagot ni Diva. "Gusto ko pong patunayan na kaya kong buhayin ang sarili ko at gusto ko ring matulungan ang Mama ko dahil may sarili na rin siyang pamilya, at ang lola ko nga."

ESTRANGED FATHER. Nakumusta rin kay Diva kung may communication na sila ng father niya.

"Wala po," sabi niya. "Pero lately, nagti-text siya sa akin, nagso-sorry, nagsisisi na raw siya. Hindi po mababayaran ng pera ang mga pagkukulang niya sa akin. Ni hindi ko po siya nagisnan.

"Sixteen years old ako nang ma-trace ako ng mga kapatid niya dahil nasa Dumaguete po siya noon at ako naman, nagho-host na ng mga show ng GMA Network sa Cebu. Dinala po nila ako sa Dumaguete. Pero nang magkakaharap na kami ng tatay ko, bigla po akong tumakbo kaya hindi ko siya nakilala. Ang sakit po noong hindi siya nag-effort na hanapin ako," kuwento ni Diva.

DIVA STILL GETS STAR-STRUCK. Natawa kami nang sabihin ni Diva na hanggang ngayon ay star-struck pa rin siya kapag may nakikita siyang artista. Hindi naman daw siya tumitili, pero natutulala siya.

Kuwento niya, "Sa Cebu po kasi, kapag nakakakita ako ng artista, talagang tuwang-tuwa ako. Minsang nakita ko si Iwa Moto, talagang hinabul-habol ko pa ang sasakyan niya.

"Na-star-struck din ako at hindi makasalita nang makita ko si Marian Rivera noong technical rehearsal ng grand finals namin sa Araneta Coliseum. Hanggang ngayon, hindi pa rin ako makapaniwala na binigyan ako ni Marian ng Zara shoes, samantalang first time lang kaming nag-meet. Hanggang ngayon, isinusuot ko pa 'yon at tini-treasure ko."

LOVEBUG. Masayang-masaya naman si Diva nang malaman niyang may gagawin siyang isang episode ng bagong anthology ng GMA-7 na Lovebug, kasama sina Sarah Lahbati, Steven Silva, at Enzo Pineda. Dasal daw niya, sana ay kasama siya sa taping nito abroad at hindi maiiwanan sa Pilipinas.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Sana po ay makasama ako, may passport naman na po ako," sabi ni Diva. "Pinakuha po nila ako dahil hindi ako makasama sa mga show ng GMA PinoyTV abroad, kasi nga wala akong passport. Kapag nagkataon, dream come true na po sa akin 'yon.

"Yun po kasi ang isang dream ko kung mananalo ako sa StarStruck, gusto kong makapasyal sa States, kasama ang lola ko. Hindi man po ako nanalo, sana matupad pa rin ang wish kong 'yon."

POSING FOR FHM. Natanong din namin si Diva kung willing ba siyang mag-pose sa FHM magazine?

"Ayoko pong magsalita ng tapos. Kaya ko pong mag-pose ng sexy, pero hindi pa po ngayon. Bata pa naman ako. Kahit po ang pag-join sa Bb. Pilipinas, ayaw ko pa rin munang isipin. Gusto ko munang maging stable ako dito [showbiz], gusto ko munang sumayaw, kumanta, at umarte," sabi ng 19-year-old newcomer.

STEVEN SILVA. Kumusta na sila ni Steven, na inili-link sa kanya magmula pa noong nasa StarStruck V sila?

"Friends pa rin po kami ni Steven," sagot ni Diva.

Di ba, naintriga pa siya noon na pumunta raw siya sa condo unit ni Steven?

"Sa totoo lang po, wala naman sigurong masama kung pumunta ako sa bahay nina Steven. Kasi kami pong lima, kapag nagkayayaan, pumupunta kami sa bahay-bahay namin. Kung minsan kina Steven, kay Sarah, kay Enzo, kay Rocco [Nacino], sa bahay ko.

"Noong time pong 'yon, kay Sarah ako talaga pumunta. Gusto ko kasing makita ang unit ni Sarah. Nag-usap kasi kami noon na magsi-share kami ng unit nina Sarah at Nina [Kodaka] para makatipid kami, kaya pinuntahan ko 'yong unit ni Sarah. Magkasama po kasi sila sa isang building ni Steven. Hindi naman ako pumasok sa unit ni Steven, doon lang po kami sa lobby ng condominium," paliwanag ni Diva.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN