Aljur Abrenica says he's not yet at par with GMA-7's primetime princes

IMAGE 0


"Napakasuwerte ko nga po kung tutuusin dahil kung iisipin mo sa mga nakakasabay mo, yung mga co-stars mo, parang ikaw lagi yung nabibigyan ng projects... Talagang napakasuwerte po talaga. Kaya gusto ko po talagang bumawi sa GMA in any way po," says Aljur Abrenica.


Bagamat hinahanay na si Aljur Abrenica sa mga "prinsipe" ng GMA-7, mismong ang young actor ang nagsasabi na hindi pa siya maaaring ihilera sa mga tulad nina Dingong Dantes, Richard Gutierrez, at Dennis Trillo.

"May mga humahawak pa ng record siyempre po," sambit ni Aljur sa panayam sa kanya ng PEP (Philippine Entertainment Portal) sa thanksgiving presscon ng The Last Prince noong Miyerkules ng gabi, June 16.

Ang tinutukoy ni Aljur ay ang primetime ng Kapuso network kung saan namamayagpag pa rin ang mga nabanggit na leading men. Pero pagdating naman sa daytime ay walang dudang may napatunayan na rito si Aljur.

"Sa daytime, yung pagka-prinsipe, dun ko po naramdaman, sa Dapat Ka Bang Mahalin? dahil dineklara po akong 'Prince of Daytime Drama,'" sabi niya.

Hawak pa rin ng Dapat Ka Bang Mahalin?, ang afternoon soap na pinagbidahan nina Aljur at Kris Bernal, ang record ng pinakamataas na rating para sa isang afternoon soap—32.4 percent.

Dahil sa tagumpay ng Dapat Ka Bang Mahalin? ay naluklok sina Aljur at Kris sa primetime, sa pamamagitan ng All My Life at ito ngang The Last Prince na magtatapos na sa susunod na linggo.

May gusto ba siyang pataubin among the male stars of GMA-7?

"Hindi naman po!" natatawang sabi ni Aljur. "Gusto ko lang magtrabaho nang maayos at saka makarami ng projects na makakatulong po talaga ako sa GMA, bilang kapalit ng mga blessings na ibinibigay nila sa akin para masuklian ko sila."

Anong klaseng projects ang gusto pa niyang gawin para maihilera siya sa primetime princes ng Kapuso network?

"Gusto kong maiba sa kanila, e. Kasi si Kuya Richard, naihihilera sa fantasy. Dingdong, sa pagka-romantic na mayaman... Actually, iba't ibang roles na yung nagagawa nila, pero dun ko sila mas nakikilala, e. Gusto ko ring ma-experience lahat ng na-experience nila, kung puwede sana. Pero gusto ko ng drama at the same time action."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Pero nararamdaman na ba niya ang importansiyang ibinibigay sa kanya ng kanyang home network?

"Opo naman, opo naman," sagot ni Aljur. "Sa ibinibigay po sa akin ng GMA, talagang nagpapasalamat po ako sa kanila dahil sa importansiya na ipinapakita nila sa akin."

Tatlong taon na sa showbiz si Aljur, na nagsimula sa reality-based artista search ng GMA-7 na StarStruck 4 kung saan itinanghal siyang Ultimate Hunk. Paano niya ide-describe ang growth ng kanyang career?

"Napakaganda rin po dahil sunud-sunod po yung mga projects. Tapos, very blessed. Napakasuwerte ko nga po kung tutuusin dahil kung iisipin mo sa mga nakakasabay mo, yung mga co-stars mo, parang ikaw lagi yung nabibigyan ng projects... Talagang napakasuwerte po talaga. Kaya gusto ko po talagang bumawi sa GMA in any way po," saad niya.

Anu-ano naman ang mga pagbabagong nangyari sa kanya?

"Sobrang laki po ng nabago sa buhay ko," sagot ni Aljur. "May mga tagasubaybay ka na, may mga fans na po na sumusuporta sa inyo."

Pero may downside din daw ang pagiging sikat.

"Yung hindi ka na makakalabas, hindi ka na makakapunta sa... Puwede ka namang lumabas, punta ka sa mga normal na lugar, pero hindi mo na magagawa yung gusto mo, uminom, ganyan," sabi niya.

Pagkatapos ng The Last Prince ay magpapahinga muna ang tambalang Aljur-Kris, at itatambal muna ang young actor kay Rhian Ramos sa isang primetime series.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN