Endless Love stars Kristoffer Martin and Kathryn Bernardo: The next Joshua Dionisio and Barbie Forteza?

IMAGE 0


Teen stars Kathryn Bernardo and Kristoffer Martin are expected to become big names when Endless Love begins airing on GMA-7. They play the young Marian Rivera and Dingdong Dantes, respectively, in this Pinoy remake of a hit Koreanovela.


Tampok sa pinakabagong telenovela ng GMA-7 na Endless Love ang teen actors na sina Kristoffer Martin at Kathryn Bernardo. Sila ang magbibigay-buhay sa mga karakter ng batang Johnny at Jenny, na paglaki ay gagampanan naman nina Dingdong Dantes at Marian Rivera.

Bagamat sa unang linggo lamang ng Endless Love sila mapapanood, inaasahan na magiging simula ito ng mas malalaki at mas marami pang proyekto para kina Kristoffer at Kathryn. Hindi lamang kasi basta-basta ang ginagawang pagbi-buildup sa kanila ng Kapuso network pagdating sa promotion ng tinatampukan nilang programa.

THE NEXT JOSHUA & BARBIE? Marami nga ang nagsasabi na posibleng sila na ang susunod sa mga yapak ng tweeners na sina Joshua Dionisio at Barbie Forteza, na umalagwa nang husto ang career pagkatapos nilang gumanap bilang batang Cholo at Jodi sa Stairway to Heaven, na pinagbidahan naman nina Dingdong at Rhian Ramos.

Kaya ang tanong PEP (Philippine Entertainment Portal) sa kanila ay sila na ba ang magiging karibal nina Joshua at Barbie?

Natawa sina Kristoffer at Kathryn sa aming tanong at saka sinabing pareho silang malapit kay Joshua. Magkakasama kasi noon sa Star Magic at ABS-CBN ang tatlong teen stars.

"Sa Kung Fu Kids, para ngang mag-best friend kami [ni Joshua]," sabi ng 15-year-old na si Kristoffer. "So, ayokong competition kasi we work on the same network naman po. Ba't kami magko-compete, di ba? So, ang goal na lang po namin siguro is pasayahin yung mga viewers, paligayahin, ibigay yung kung anong gusto nila."

Incidentally, parehong batang version ni Dingdong ang ginampanang roles nina Kristoffer at Joshua sa mga una nilang proyekto sa GMA-7—si Kristoffer bilang batang Johnny dito sa Endless Love at si Joshua naman bilang batang Cholo sa Stairway To Heaven.

Tuloy, biniro namin si Kristoffer kung sino sa palagay niya ang mas kamukha ni Dingdong.

"Ay, ayokong magyabang! Hindi ko po alam, ayoko pong magsalita sa ganyan," iwas niya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Pero napagkuwentuhan ba nila ni Joshua ang pagpasok niya sa Kapuso network?

"Sabi niya lang, 'Galingan mo, malay mo magkasama tayo sa trabaho.' Sabi ko na lang po, 'Sige, abangan ko 'yan, I'm looking forward," banggit ni Kristoffer.

Pero gusto ba nina Kristoffer at Kathryn na mangyari rin sa kanila ang nangyayari ngayon kina Joshua at Barbie na nagbibida na sa mga primetime series? Pagkatapos nga ng Stairway to Heaven ay binigyan na ng kanilang sariling serye sina Joshua at Barbie, sa First Time at sa kasalukuyang ipinapalabas na Pilyang Kerubin.

"Siyempre po, gusto namin," sagot ng 14-year-old na si Kathryn. "Pero sabi nga po nila, hangga't wala, hindi pa po kami nag-e-expect."

Ayon naman kay Kristoffer, "Yun din po. Ayokong mag-expect. Mamaya mag-expect kami, tapos wala naman pala. So, siguro ano lang, kung ano lang yung ibigay nila."

THE AUDITION. Bagamat magkasama sila sa Star Magic noon, hindi raw alam nina Kristoffer at Kathryn na pareho silang nag-audition para sa Endless Love.

Sabi ni Kathryn, "Hindi po, una po talaga ako. Tapos po, si Joyce [Ching, young Nadine Samonte in Endless Love] po, kami po talaga yung sabay. 'Tapos, hindi ko nga po alam na mag-a-audition siya [Kristoffer]. 'Tapos pinabalik na lang po kami, nagulat po ako, na siya po pala yung nakuha na lalake."

Bakit sila nag-audition para sa Endless Love at paano nila nalaman ang tungkol dito?

Kathryn: "Parang may narinig, may nag-text lang po sa amin, tapos trinay lang po. As in wala po akong kamalay-malay. Sa audition po kasi, parang pinabasa yung script tapos ginawa ko lang po yung best ko. Tapos nagulat po ako, ako po yung napili nila, e, ang dami po namin nag-audition. May ibang day pa po, kaya sobrang saya ko po."

Kristoffer: "Kasi po, matagal na rin po akong walang trabaho sa kabila [ABS-CBN], almost one year na. Then, nag-text yung bagong manager ko, si Sir John [Fontanilla]. Sabi niya po, 'Ito, try mo, audition ka.' Sabi ko, wala naman mawawala bakit hindi ko i-try. Wala naman akong kontrata sa kabila, wala naman akong masasagasaan. Tinake ko na yung opportunity. Sayang, e. Tapos, first audition ko po sa GMA, natanggap."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Pareho na raw silang walang kontrata sa Star Magic, pero nagpaalam pa rin daw si Kathryn sa talent arm ng ABS-CBN.

"Parang magbigay-galang, kasi doon din po siyempre kasi ako lumaki. Kailangan din po magpaalam sa lahat," sabi ng dalagita.

Nang tanungin sila ng PEP kung sino ang mga iniidolo nilang artista, isinagot nila ang mga bida ng Endless Love na sina Marian at Dingdong. Pero hindi raw dahil magkasama lang sila sa show.

Sabi ni Kathryn, "Hindi naman po sa ano, pero gusto ko po talaga si Ms. Marian Rivera. Since yung dati po, yung mga movie niya, yung My Best Friend's Girlfriend, pinapanood ko po talaga siya. Tapos, hindi ko po ine-expect na ako po yung magiging young Marian."

Ipinaliwanag din ni Kristoffer kung bakit si Dingdong ang iniidolo niyang aktor. "Kasi arte niya, natural, e. So, parang siya yun, parang hindi niya inaarte. Parang ano siya, true to life yung pag arte niya."

KATHRYN'S DILEMMA. Hindi ang Endless Love ang unang pagsasama sa telebisyon nina Kristoffer at Kathryn. Nagkasama na sila sa dating afternoon soap ng ABS-CBN na Prinsesa ng Banyera (2007). Gumanap si Kathryn bilang batang Angelika dela Cruz, samantalang si Kristoffer naman ang batang TJ Trinidad. Incidentally, parehong nasa GMA-7 na rin sina Angelika (Pilyang Kerubin) at TJ (Diva).

Si Kristoffer ay unang nakilala sa screen name na Kristofer Dangculos. Ang unang TV exposure niya ay ang talent search ng ABS-CBN na Little Big Superstar, hosted by Sarah Geronimo, kung saan naging finalist siya. Ang ilan sa mga naging proyekto niya sa Kapamilya network ay ang mga sumusunod: Parekoy, Prinsesa ng Banyera, Ligaw na Bulaklak, Kung Fu Kids, I Am KC, at The Wedding.

Si Kathryn naman ay madalas gumanap na batang version ng mga bidang babae sa mga teleserye ng ABS-CBN gaya ng Krystala (Judy Ann Santos), It Might Be You (Bea Alonzo), at Prinsesa ng Banyera (Angelika dela Cruz). Nakasama rin siya sa Goin' Bulilit, Super Inggo, at Super Inggo 1.5.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

May isa pang ginampanang role si Kathryn kung saan siya rin ang batang version ng bida. Ito ay bilang batang Gretchen Barretto sa Magkaribal, na kasabay magpa-pilot ng Endless Love sa Lunes, June 28.

Hindi raw alam ni Kathryn na magkakasabay pa ng airing ang pilot episode ng dalawang programa na tinatampukan niya, although magkaiba naman daw siguro ito ng timselot.

"Hindi po yata sabay ng timeslot, pero same day," nangingiti niyang sabi. "Kasi po, end of May po dapat talaga yung Magkaribal, tapos na-move po siya nang na-move. Hanggang sa pumasok na po yung Endless Love. Ngayon po pala yung nagkataong sumabay, hindi ko po talaga alam na magkakasabay."

Kung nagkataong nagkasabay ang dalawang programa, ano ang papanoorin niya?

"Bukas po yung dalawang TV, parehas lang po... Pag commercial, sa kabila!" nahihiya ngunit natatawang sagot ni Kathryn.

Pero ano ang mas gusto niyang role?

"Yung mas malapit po sa personality ko, siguro po yung dito sa Endless Love. Kasi po, simple 'tapos childish, parang gano'n din ako. Sa Magkaribal po kasi, parang mabibigat po yung scenes, puro mga sunog, mga gano'n po," saad ng dalagita.

STAYING KAPUSO. Masaya ba sila sa treatment na ibinibigay sa kanila ng Kapuso network ngayon?

Sabi ni Kathryn, "Kasi po, parang inaalagaan din po nila ako dito, parang bine-baby nila ako. As in, lahat po ng promotions, sinasama kami. Ano po talaga, parang welcome na rin kami dito."

Dagdag naman ni Kristoffer, "Welcome na welcome kami, hindi naman po sila nagkaroon ng doubt sa amin. So, sobrang thankful kasi tinanggap pa rin nila kahit alam nilang sa kabila kami."

Ang mga role ba nila sa Endless Love ang masasabing biggest break nila?

"Sa Channel 7 po," sagot ni Kathryn. "Opo, ito po yung pinakamahaba kong nagawa. Kasi po kadalasan, mga young, konti lang. Tapos yung Magpakailanman [defunct GMA-7 drama anthology], nag-guest lang po ako doon. Pero ito lang po talaga yung parang one week sa TV, yung promotion, makikita po talaga kami."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ayon naman kay Kristoffer, "Kasi kakaiba po yung treatment na ibinibigay sa amin, e. Hindi lang siya ordinary role, hindi lang basta young, young ka lang. Pero kakaiba po yung binibigay na treatment. Parang bida na rin po kasi yung trato nila sa amin. Kaya sabi ko, parang ayos dito, a. Mas masarap dito, mas masaya dito. Kaya minsan pag nagte-taping ako, ang saya-saya ko."

May offer na ba sa kanila ang Artist Center o network contract ang GMA-7?

"Parang nag-meeting na po," sagot ni Kathryn. "Nag-meeting na po, pero hindi pa po nagsa-sign. Ngayon po, nagde-decide pa po yung parehas naming parents kung ano."

So, gusto na nila talagang maging Kapuso?

Kathryn: "Hindi ko po masasabing Kapuso kasi siyempre sa [Channel] 2 po, inaalagaan din po nila ako. Tapos dito, inaalagaan din po nila ako. Kaya nahihirapan din po ako."

Kristoffer: "Ako naman, hindi naman po ako inaano ng kabila. So, siguro dito po muna ako... Hindi naman ako nahihirapan sa pagpili."

Parehong naka-enroll ngayon sa regular school sina Kristoffer at Kathryn. Si Kristoffer ay 4th year high school sa isang private school sa Olongapo, samantalang si Kathryn naman ay 3rd year high school sa OB Montesorri Greenhills.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN