Teen actor Jiro Manio reveals two-year-old daughter

IMAGE 0


Last year, Jiro Manio was axed from his series and dropped by his network for unprofessionalism. People thought the multi-awarded teenager, who had started as a child actor, was just acting out. Today he reveals the crushing pressures and responsibilities that led to his burnout, foremost of which was becoming a father while still a minor. Recognized as one of the country's finest young actors, Jiro is now trying to craft a comeback. All he asks is another chance.


Nagsalita na rin sa wakas si Jiro Manio tungkol sa mga kontrobersya na kinasangkutan niya. Kabilang na rito ay ang matagal nang nababalitang may anak na siya.

Inamin na ng 18-year-old actor na may two-year-old daughter siya. Anak niya raw ito sa dating karelasyon na di taga-showbiz at apat na taon ang tanda sa kanya.

Nagdesisyon si Jiro na ilabas na ang tungkol sa anak niya dahil nasa tamang edad na raw siya para pag-usapan ito. He turned 18 noong May 9.

TOLD TO HUSH UP. Kaya niya raw dini-deny noon sa mga nagtatanong sa kanya ang tungkol sa bata ay dahil makakasira daw ito sa kanyang showbiz career. Pinagsabihan daw siya ng Star Magic ng ABS-CBN na huwag magkuwento tungkol dito o ipagsabi sa kahit kanino.

"Sixteen lang kasi ako noon. Mahal ko ang girlfriend ko. Yun lang ang nasa isip ko noon," sabi ni Jiro.

"Hindi ko nga inisip ang mga puwedeng mangyari sa akin noon. Nagmamahalan kami talaga kaya nangyari yung hindi pa dapat na mangyari. Kumbaga, nagmadali kaming pareho at nagkaroon nga kami ng baby."

Ang pagbubuntis at panganganak ng girlfriend ang isa sa mga dahilan kung bakit nagkapatung-patong ang mga problema niya. Na-stress out daw siya at dumating sa punto na hindi na niya alam kung ano ang gagawin at kung sino ang dapat pakikinggan.

"May problema ako sa family ko, may baby ako, nag-aaral pa ako, at may trabaho ako. 'Tapos pumapasok pa yung personal problems ko, tapos yung mga tanong ng maraming tao tungkol sa akin. Doon ako nahirapan at parang pagod na pagod na ang utak ko.

"Ayoko nang mag-isip at hindi ko na alam kung sino ang papakinggan ko kasi ang dami na nilang nagsasalita sa akin. Hanggang sa umayaw na ako. Bumigay na talaga ako. Ayoko nang magtrabaho talaga dahil naguguluhan na ako. Naglayas ako ng bahay namin. Gusto kong magpakalayo kasi ang gulu-gulo na."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Kaya siya biglang natanggal sa TV series na Tayong Dalawa ng ABS-CBN. Hindi na siya dumarating sa mga tapings nito kaya pinatay na lang ang character niya. Naging unprofessional din siya sa ibang trabaho para sa naturang network kaya binitiwan na siya ng management nito.

ONE OF THE FINEST. Bago siya nagkaproblema, isa si Jiro sa kinikilalang mahusay na aktor mula pa sa kanyang pagkabata, at buhay na buhay ang career niya. Bukod sa Tayong Dalawa ay napanood si Jiro sa mga Kapamilya series na Kung Fu Kids, Margarita, Maging Sino Ka Man, Love Spell, Mga Anghel na Walang Langit, Basta't Kasama Kita at Pangako Sa 'Yo.

Sa pelikula naman, ilan sa mga nagawa niya ay ang Magnifico, Mila, La Vida Rosa, Ang Tanging Ina, Ang Tanging Ina N'yong Lahat, Bagong Buwan, Manay Po, Manay Po 2, Tambolista, Tirador, Ang Lihim Ni Antonio, Anghel Sa Lupa, Foster Child at Bahay Kubo.

Nanghihinayang si Jiro sa ginawa niyang pagtalikod sa kanyang tungkulin bilang aktor. Biglang nawala ang mga trabaho at nagalit sa kanya ang mga taong humubog ng kanyang career simula noong child actor pa lang siya.

"Pinagsisihan ko iyon talaga. Hindi sa ayaw kong magtrabaho. Gusto ko pero magulo lang talaga noon. Hindi ko kinaya ang mga tanong sa akin, yung mga pangaral. Parang lahat ng gawin ko mali.

"Noong mawala ang mga trabaho sa akin, doon ko na-realize na malaki ang responsibilidad ko sa buhay. May anak ako, breadwinner ako ng family ko. Paano na ngayon? Doon ko lang nalaman na malaki na ang nawala sa akin.

"Mabuti na lang at may mga naipon ako. Yun ang bumuhay muna sa amin sa isang taon na wala akong trabaho. Pero siyempre, mauubos din iyon kaya kailangan ko nang bumalik sa trabaho. Nagpaabot na ako ng sorry sa kanilang lahat. Dasal ko nga na pagkatiwalaan pa nila ako ulit," diin ni Jiro.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

HIDING FATHERHOOD. Mas mabigat nga ngayon ang mga responsibilidad ni Jiro dahil sa kanya na iniwan ng ina ang kanilang baby. Matagal na raw silang naghiwalay ng dating girlfriend at hindi na raw niya alam kung nasaan ito.

"Before nakikipag-communicate pa siya sa akin. Pero matagal na siyang hindi tumatawag or nagte-text. Hindi ko alam kung nasaan siya. Kaya sa akin na lahat ng responsibilidad.

"Nagpapasalamat nga ako sa uncle ko kasi siya ang tumutulong sa akin. Ever since naman na pinanganak yung baby ko, doon siya sa bahay ng uncle ko. Sila ang nag-aalaga kasi nga nagtatrabaho ako at nag-aaral. 'Tsaka hindi ako dapat makitang kasama noong baby. Kaya sa ibang bahay ako nakatira noon.

"Paminsan-minsan ko lang mabisita ang baby ko noon. Ngayon, parati ko na siyang nakikita. Ang uncle ko muna ang sumasagot sa mga gastos ng baby ko. Alam naman kasi niya na wala pa akong work ngayon. Kaya malaki ang pasasalamat ko sa kanya talaga," ngiti ni Jiro.

LEARNING TO BE A DADDY. Dahil na rin siguro bata pa rin siya, hindi pa rin daw lubos na maramdaman ni Jiro na daddy na nga siya.

"Parang hindi pa rin ako makapaniwala na may anak na ako. Feeling ko parang baby sister ko lang minsan ang baby ko," tawa niya.

"Kasi nga noong pinanganak siya, hindi ko siya talaga nakasama nang matagal. Doon na siya sa uncle ko tumira. Kaya ngayon, gusto ko nang makilala ang anak ko.

"Two years old na siya at nakakarga ko na rin siya. Pero hindi ko pa nasusubukan na palitan siya ng diapers or pakainin siya kasi natatakot akong may mali akong gawin. Pero natutuwa akong makita siya kasi nga kamukha ko siya. Cute ang baby girl ko."

Ngayon at inamin na niya na may anak na siya, maipapasyal na ba niya ang kanyang baby girl at ipagmalaki sa maraming tao?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Oo naman. Kasi noon, hanggang sa bahay lang siya. Hindi nga ako puwedeng makitang may karga na baby, di ba? Pero ngayon, puwede na kasi nilabas ko na ang katotohanan.

"Gusto ko rin naman ipagmalaki ang baby ko. Ngayon ay puwede ko na siyang dalhin sa mall o sa mga pasyalan. Para matapos na nga ang mga tsismis sa akin. Inamin ko na ang tungkol sa baby ko at proud ako sa kanya. Sana balang araw, pag malaki na siya, maging proud din siya sa akin," ngiti pa niya.

RESURRECTING CAREER. Ngayon ay nasa pangangalaga na ng award-winning director na si Maryo J. delos Reyes si Jiro Manio. Maganda ang working relationship nila dahil sa pinagsamahan nilang critically-acclaimed film na Magnifico kunsaan nanalo ng maraming Best Actor awards si Jiro.

Malaki ang tiwala ni Direk Maryo na mabibigyan niya ng bagong simula ang career ni Jiro basta tulungan din ni Jiro ang kanyang sarili.

"Yun nga ang pinag-usapan namin ni Direk Maryo at malaki rin ang tiwala ko kay Direk. Nangako naman ako sa kanya na gagawin ko ang nararapat kasi gagawin ko iyon para sa anak ko. Gusto ko na may magandang future ako na maibigay sa kanya.

"Sa huling meeting nga namin ni Direk, may mga projects na siyang naka-line up para sa akin. Inaayos na lang daw niya lahat. Kaya malapit na rin akong makapagtrabaho sa TV. Na-miss ko ang mag-taping at mag-shooting. Ready na akong magtrabaho ulit."

Umaasa si Jiro na sa pag-amin niya sa kanyang tunay na estado ay matanggap pa rin siya ng marami tulad ng pagtanggap sa kanya noon.

"Nasabi ko na po lahat at dasal ko na matanggap pa rin nila ako. Yung tiwala nila sa akin bilang isang aktor ay nandiyan pa rin. At 'pinapangako ko na pagbubutihan ko itong second chance na 'binigay sa akin," pagtatapos ni Jiro Manio.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN